Chapter Sixteen

918 83 15
                                    

Aurora, Hawk, Atlas, Cluster. Dapat silang magdiwang dahil isa sila sa labing limang nangunguna, subalit hindi, bagkos ay nanatili lamang silang tahimik sa aking tabi, walang maisip na paraan kung paano mapapawi ang maliit na kalungkutan sa akin. Hindi ko inasam na manguna, ngunit hindi ko rin inasam na malaglag sa mababang ranggo lalo na't marami ang nagtitiwala sa akin—sa aking kakayahan. Malamang lahat ay nagulat sa aking nakamit. Ramdam ko iyon sa biglang pagbabago ng klima sa aking paligid.

"Rank 34. Hindi na gaanong masama." Agad kong natukoy na ang boses ay hindi nagmumula sa aking mga kasama. Napalingon ako aking likuran kung saan palagay ko'y pinagmulan ng boses. Nagulat ako sa mukhang bumungad sa akin. Taran. Nakita ko ang kanyang ngalan sa mga ranggo, gayon din kina Crimson, ngunit hindi ko inaasahan na lalapitan niya ako't kakausapin. Para saan? Para mapagaan ang aking nararamdaman?

Binigyan ko siya ng mahinang ngisi. Hindi ko mapigilang maging malungkot. Hindi ko alam kung bakit. Binawi ko ang aking tingin at ibinalik ito sa maliit na entablado sa aming harapan, bagay na agad kong pinagsisihan. Hindi tama ang aking inasal.

Sa sulok ng aking mata ay tanaw ko ang paglingon ng aking mga kasama kay Taran at pagbigay ng nila ng ngiti bilang pagbati. Bahagyang umusog si Aurora, naglaan ng kaunting espasyo sa aming pagitan na siyang naging daan upang makasingit si Taran.

"Pwede ka pang bumawi sa ikalawang yugto."

Sinalubong ko ang kanyang titig. "Salamat." Wala akong maisip upang sabihin sa kanya. Ni hindi ko alam kung bakit siya nandito.

Isang tuwid na ingay ang nabuo at nabaling ang atensyon naming lahat kay Commander Willston. "Nakita niyo na ang inyong mga ranggo at nalaman kung nakapasa ba o hindi," paunang wika nito. "Sa mga hindi pinalad. Maari na kayong umuwi at bumalik sa inyong tahanan. Sigurado kaming may mas makintab pang bagay ang mga nakalaan sa inyo bukod dito. Umayo kayo ng ligtas." Kahit papaano'y gumaan ang aking pakiramdam dahil mananatili pa ako rito, ngunit hindi ko rin maiwasang malungkot sa mga tuluyang nalaglag sa ranggo. At tama ang Commander. May mas makabuluhan pang bagay ang nakalaan para sa kanila, ngunit sa akin, ang pagiging Seeker lamang ang sa ngayo'y pinakamalaki kong pag-asa; upang hindi makulong at sumalang sa Memory Fog, at upang makita si Sonder, hindi man sigurado ay umaasa ako na kung wala siya sa bansang ito ngunit buhay pa, marahil ay nasa kagubatan siya, o sa labas nito. Ang tanging alam ko lamang ay sa tuwing nakakaramdam ako ng epekto ng kamandag at naalala si Sonder ay lalo pang tumitindi ang aking kagusto na siya'y makita—kung tama ang aking mga pinaniniwalaan. Minsan ay iniisp ko na ring baka pati ang aking damdamin ay namamanipula na rin.

Mabilis na numipis ang makapal na kumpol at lumuwag ang malamig na hangin ng bagong sapit na gabi.

"Sa kabilang banda ay narito kayong mga nagtagumpay—sa unang yugto." Naglaho na ang taimtim na tono ng Commander at nagsalita siya ng may bahagyang galak. "Kayo ay makakapagpatuloy pa sa ikalawang yugto ng pagsubok, kaya naman kayo ang mga mamamalagi dito. Ang mga Trooper sa aking pulutong ang siyang magdadala sa inyo sa inyong nararapat na silid." Itinuro niya ang mga Trooper sa bandang gilid na matyagang naghihintay sa amin. "Hanapin ninyo ang intong grupo base sa inyong ranggo. Isang grupo, sampong katao." Bahagyang nagambala ang katahimikan sa mga tao. "Mula sa pinaka-unahan hanggang sa ika-sampong ranggo, sila-sila ang magkakasama sa silid. At dahil sobra ng isang inyong bilang, ang may pinakahuling ranggo ay mapapabilang sa panghuling grupo. Ngayon ay magsimula na kayo."

Humarap ako sa aking mga kasama at nagpaalam. Si Cluster at Atlas ay magkasama sa isang grupo—mula labing isa hanggang dalawampo. Si Hawk naman sa ika-walong ranggo ay makakasama si Aurora na nasa ika-sampong ranggo. Ngunit mayroon akong ikinababahala sa kanila. "Huwag kayong magpapadala kay Knox, ha. Aurora, ikaw na ang bahala kay Hawk." Alam ko—alam naming lahat—na sa oras na magkita si Hawk at Knox ay maaring mamuo ang tensyon sa dalawa, bagay na hindi namin nanaising mangyari.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon