Limampu't walo ang mga nakapasa. Ako ay nasa ika-apatnapu't pitong ranggo. Naalis ang ika-apatnapu't walo at ika-apatnapu't siyam. Nalaglag ako sa ranggo. At gustuhin ko man o hindi ay kailangan kong sumabak sa ikatlong yugto upang patunayan ang aking kakayahan—upang maging ganap na Seeker.
Nagulantang ako sa biglaan at hindi inaasahang pagbabago ng ikot ng aking kapalaran. Hindi ko akalain na sa mga oras na ito ay isa ako sa mga nag-uunat-unat ng boto para sa panghuling yugto.
Napakalawak na silid ang aming kinalalagyan at sa mga gilid nito ay nakatayo ang mga ganap nang Seeker—kasama sina Aurora—na siyang magsisilbing tagapanood sa gaganaping labanan. Ang kanilang mga bulungan ay tila bubuyog sa aking pandinig. Malamang bawat sa kanila ay may napupusuan nang makakapasa, at matatanggal. Sa pinaka-gitna ng silid ay ang nag-iisang hugis bilog na mala-entablado na siyang paggaganapan ng tunggalian. Ilang alaala mula sa Felon Stronghold ang rumagasa sa aking utak. Naalala ko iyong araw na nakipaglaban ako kay Sea upang maging Felon-Prodigy.
Di hamak na mas maluwang ang entablado sa gitna kumpara sa ginamit namin ni Sea. Kulay itim ito tulad ng sahig, pader, at kisame ng silid. Makakapal na bakod ang pumapalibot dito. Tila kumikinang ang entablado dahil sa matinding ilaw na nagmumula sa itaas nito.
Alam kong hindi ito magiging madali para sa akin. Hindi ko pa nalalaman ang aking makakatunggali. At sana . . . sana'y maging maayos ang lagay ng aking utak ngayon. Sana'y manatili ang aking pokus at kamalayan sa buong laban.
Ang pag-iisip kong iyon ay nagdulot sa akin ng hindi pangkaraniwang damdamin. Magkahalong kaba at pananabik, takot at galak.
Muli akong nanaginip sa aking mababaw na tulog. At sa ikalawang hindi inaasahang pagkakataon, hindi ito negatibo. Wala ako sa bingit ng tensyon at sindak. Hindi ko kailangang lumaban at tumakbo. Ngunit hindi ko rin masasabi na iyon ay isang positibong panaginip.
Natagpuan ko na lamang ang sarili kong malayang naglalakbay sa kagubatan ng Relentless Boundary. Maliwanag dahil sa sinag ng mga araw na tumatagos sa mga dahon sa itaas. At sa kalagitnaan ng aking paglalakabay, biglang lumitaw ang isang hindi ko tukoy na nilalang at bigla akong napahinto. Magkahalong sindak at duda ang aking naramdaman. Hindi ko alam kung ano ang aking nakikita. Kung tao ba o hindi. Siya'y hugis tao; may binti, kamay, mukha. Ngunit hindi siya normal. Hindi siya normal at hindi iyon maitatanggi ng aking mga mata. Ang kanyang buong katawan, ang balat, ang buhok, ang kilay. Ang lahat ng ito ay kulay puti. Isang napakaputing nilalang sa puntong hindi na ito normal. Ngunit nang dumako ang aking tingin sa kanyang mga mata, nagulat ako ng normal ito sa aking paningin. Kulay kayumanggi. Hanggang doon na lamang dapat iyon, isang kulay kayumangging mga mata. Ngunit sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay nakita ko ang bahagya nitong pagliwanag na tila tanso sa sikat ng araw. Nakita ko ang mga mata ni Sonder. Kasabay no'n ang pagsambit niya ng mga katagang: "Dawn. Hinihintay ka nila."
Malakas at nakakabinging tunog mula sa pagbukas ng mikropono ang gumulantang sa buong silid. Sa may kalayuan, sa gitna sa harap ng bilog na entablado, nakatayo ang isang opisyal sa militar na kasuotan. Commander Willston. Halos magmistula siyang anino sa kumikinang na entablado sa kanyang likran. Huminto ako sa pag-uunat ng aking kamay, gayon din ang aking mga kasama. Ang mga bulungan ay mabilis na humupa. "Ito na ang ika-huling yugto ng inyong pagsubok, kung saan magkakaalaman na kung sino nga ba ang karapatdapat na maging Seeker sa sampong may pinakamababang ranggo." May tensyon kanyang tono subalit kalmado. Habang ang aking puso ay halos lumabas na sa aking dibdib sa bawat hampas.
"Narito ang mga alituntunin sa labanan," tuloy ng Commander. Kanang kamay sa Screen na hawak, at kaliwa naman sa kanyang likuran. "Una: Maaari niyo lamang gamitin ang inyong katawan sa pakikipaglaban. Wala nang iba. Ang kahit na anong armas ay mahigpit na ipinagbabawal." Ang bawat salita'y malinaw na pumapasok sa aking tenga. Huminga ako ng malalim. Ito ay magiging laban ng utak at katawan. "Pangalawa: Walang atrasan na magaganap. Sa oras na nagsimula na ang labanan, kailangan mong lumaban. At ang pagtigil ng labanan ay nasa kamay ng mga opisyal at hurado." Lumingon siya sa ibabaw ng kanyang kanang balikat.
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Science FictionWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...