Chapter Eight

1.2K 99 20
                                    

"Ano?!" reklamo ni Hawk.

"Hindi iyon maari," palag ni Atlas, ngunit nanatili lamang ang Presidente sa kanyang pagkakatayo.

"Sana'y naisip niyo na iyan bago niyo pa labagain ang kautusan. Ang kaparusahang iyon ay nasusulat bilang batas."

Tila ako'y pinagsakluban ng langit at lupa sa katotohanang aking nalaman. Limang taong pagkakakulong? Memory Fog? "P-pero—" natigilan ako nang biglang magsalita ang Presidente at magpakawala ng ilang mumunting hakbang.

"Mayroong paraan upang magawa ninyong takasan ang inyong kaparusahan." Nanlaki ang aming mga mata.

"Ano 'yon?" walang puknat na reaksyon ni Aurora.

Umangat ang dibdib ng Presidente sa pagkuha niya ng hangin. "Alam kong magiging pabor sa inyo ang bagay na ito." Panandaliang huminto ang Presidente. "Hindi kayo makukulong at sasailalim sa Memory Fog . . . kung kayo'y magboboluntaryo upang maging isang Seeker."

Nagtagpo ang aking mga kilay. "Seeker?"

Ngumiti ang Presidente, ngunit hindi ko tukoy ang nais niyang iparating, hanggang sa tuluyan na siyang sumagot. "Iyon ang itatawag sa mga taong lalakbayin ang Relentless Boundary—kung sakaling iyon ay maisabatas."

Umalingawngaw sa aking utak ang sinabi ng Presidente. Lalakbayin ang Relentless Boundary ng mga tinatawag nilang Seeker? At maaari kaming maging Seeker. Lumundag ang aking puso sa tuwa.

"Huwag muna kayong magpapakasaya sapagkat iyon ay wala pang bisa," suway at paalala ng Presidente.

Biglang bumukas ang pintuan ng kwartong aming kinaroroonan. Isang babae. "Pangulo, handa na po ang lahat."

Napalingon kami sa Presidente matapos magsalita ang babae. "Sumunod kayo sa akin," utos niya. "Ngayon na gaganapin ang pagpupulong at pagpapasyahan kung ipapasa ba ang patungkol sa Seeker. Isa kayo sa mga magrerepresenta sa buong papulasyon ng Circa." Matapos niyon ay mabilis na lumisan ang Presidente na agad naming sinundan.

Agad kaming nakarating sa panibagong pasilyo at sa dulo nito ay tanaw ko ang napakalaking pintuan at dalawang sundalo sa magkabila.

Sumaludo ang dalawang sundalo sa Presidente bago pa man kami makalapit at itinulak ang magkabilang parte ng pinto.

"Salubungin natin ng masigabong palakpakan ang ating pinakamamahal na Presidente. President Adelaide!" Iyon nga ang nangyari matapos ang anunsyong iyon pagpasok na pagpasok namin sa loob. Umusbong ang palakpakan at naglakad sa gitna ang Presidente patungo sa entablado sa harapan.

Dalawang opisyal ang lumapit sa aming lima at dinala kami sa isang sulok ng mga upuan. Karamihan ay namukhaan ako na anak ng Presidente at agad din nilang ibinalik ang kanilang atensyon sa kaganapan.

Nang makarating na kami sa aming upuan ay siya na ring ini-hupa ng palakpakan na sinundan ng muling pag-upo ng mga tao.

"Magandang umaga sa inyong lahat," bati ng Presidente. "Maysado pang maaga upang ating idaos ang pulong na ito, ngunit kung patungkol sa bagay na ating paguusapan ngayon, kukunin namin ang lahat ng pagkakataon upang ito'y matalakay."

Iginala ko ang aking mga mata. Ang mga upuan ay nahahati sa dalawang grupo. Sa kaliwa ay nakaupo ang ilang opisyal, dalub-agham, at kawani ng Gobyerno. At sa kanan naman ay nakaupo ang iba't ibang piling mamamayan ng Circa, isa na kami roon.

Nagpatuloy ang Presidente. "Patungkol ito sa pagsasabatas ukol sa mga tatawaging Seeker." Tahimik lamang sa pakikinig ang lahat at nagsimula nang gumala ang Presidente sa ibabaw ng entablado habang tinatalakay ang patungkol sa bagay na iyon.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon