Chapter Twenty One

969 82 23
                                    

Hindi ko pa nasasabihan si Aurora patungkol sa biglaang pagbabago ng aking mga panaginip, at iyon ang unang-una kong gagawin sa oras na magkaroon ako ng pagkakataon.

Sa ilalim ng dagat na iyan . . . may mga nakakulong. At maaring ikaw ang makakapagpalaya sa kanila.

Kahit anong gawin ko upang alisin ang katagang iyan kahit panandalian lamang sa aking utak ay pilit pa rin itong umaalingawngaw—parang walang tigil na anunsyo ng nagdaang Gobyerno sa mga Speaker at Screen.

Hindi ko alam kung magtitiwala ako sa isang panaginip, ngunit paano kung hindi iyon tulad ng aking inaakala—na hindi ito isang panaginip lamang? Lalo na ngayon. Isa na akong ganap na Seeker, at patuloy pa rin ang misteryong aking kinakaharap. Hinding-hindi ko makakalimutan iyong araw na sinambit ko kay Aurora ang aking desisyon; kung ang aking pinagdadaanang ito ay matutuldukan bago tayo maging ganap na Seeker. Ang lahat ng ito ay dulot lamang ng kemikal sa aking pagkatuklaw. At kung hindi . . . senyales lamang iyon na buhay pa si Sonder. At kailangan nating magpatuloy at subukang siya'y hanapin."

Iyon nga ang nangyari. At ngayong nalalapit na ang aming pagpasok sa Relentless Boundary, lalo pang tumtindi ang aking kagustuhan na siya'y hanapin—hindi rito sa loob ng Circa kundi sa kagubatang bumabalot dito, o kung mayroon man, ay sa labas nito.

Mayamaya'y narinig ko na ang langitngit ng pinto sa pagbukas nito. Sumalubong sa akin ang isang babaeng Trooper. "Ilang minuto na lamang at tutungo na tayo sa Function," wika niya sa malamig na ekspresyon.

Iniwanan ko na ang aking sarili sa puting kama at sinundan ang Tooper papalabas ng aking silid. Kanina noong dinala nila ang aking isusuot at sinabi na rin nila kung nasaan ako. Sa paglabas ko sa aking silid ay sumalubong sa akin ang malawak na pasilyo ng ika-sampong palapag ng Barrack Building na kinaroroonan din ng kapwa ko Seeker. Hindi ko na napansin pa ang laman ng mga Screen sa mga poste sa bilis ng Trooper. Tumungo kami sa isang nag-iisang Elevator. Bumukas ito bago pa man kami tuluyang makarating at sumara sa isang pindot ng Trooper.

Naghintay kami sa katahimikan at sa mahinang ungol na nagmumula sa labas ng mga bakal na pader. Nakasuot ako ng itim na dyaket na gawa sa katad. Magaan at malambot ito sa piling ng aking balat—nakakaginahawa. Kulay-abo naman ang aking panloob na kasuotan. Hindi ko maiwasang ikumpara ito sa aking naging uniporme noon sa Felon Stronghold, ngunit ang dahilan sa uniporme kong ito ngayon ay upang mapagsama ang dalawang simbolismo ng Felon at Independent Mark.

Sa pagbukas ng Elevator ay sumalubong sa akin ang maayos na pila ng mga kapwa ko Seeker. "Nakaayos ang inyong pila depende sa inyong marka," malamig na wika ng Trooper. Bumilis pang lalo ang kanyang paglalakad, dahilan upang hindi na ako magkaroon ng oras upang hagilapin sina Aurora.

Lumusong kami sa maluluwang na espasyo sa pagitan ng bawat Seeker at mabilis na nakarating sa aking pwesto. Lumisan ang Trooper na tila isang hangin—nawala bago ko pa man ito matanto.

"Kung hindi dahil sa 'yo wala na ako dito," rinig kong wika ng isang lalaki. Hindi ako nakakasigurado kung para sa akin nga ba iyon ngunit kusa na lamang lumingon ang aking ulo sa kaliwang direksyon.

Isang patpating lalaki ang bumungad sa akin—at agad kong natanto kung sino siya. Cean. "Ako 'yong dapat na katunggali n—"

Tinigilan ko siya sa bahagya kong pa-angat ng aking palad. "Alam ko,"

"Hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan sa ginawa mo."

"Malayo para sa isang Independent ang talunin ang isang lalaking batak sa pagiging Trooper—ngunit taliwas iyon sa isang Felon. Ginawa ko lamang patas ang lahat." Hindi ko alam ngunit ayaw ko na tatanawin niya bilang utang na loob iyong ginawa ko. Kung nasaan man siya ngayon, iyon ay dahil sa kanyang abilidad—tulad ko, tulad ng bawat isa rito. Agad akong natauhan sa malamig kong asal, kaya lumingon ako sa kanyang muli at binigyan siya ng ngiti.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon