"Huwag kayong matataranta—" galing sa pamilyar na boses ni Taran. At unti-unti, sumibol mula sa ibabang bahagi ng mga pader ang mahinang puting liwanag.
Ngunit, hindi niyon maikakaila ang isang katotohanan—ang labis kong kinatatakutang maganap.
"Mayroong gumambala sa Electrical Rise." Muli iyong nagmula kay Taran na sa pagkakataong ito'y bahagya ko nang napupuna ang hugis mula sa ilang distansya. "Ngayo'y mayroon na lang tayong limampung minuto bago tuluyang mawalan ng hangin ang istasyon."
Nadabog ang aking dibdib sa kanyang mga salita. Ang pagkataranta at sindak ay umaangat mula sa aking sikmura.
Sina Everard. Sila ang dapat na pumipigil upang ito'y mangyari.
Akin nang naaninag ang hugis ng aking mga kasama, at ang presensya ni Sonder na hindi ko namalayang nasa akin na palang tabi. At doo'y napuna ko ang mabilis na paglapit sa amin nina Aurora.
Sa ganap na paglapit ay akin nang napupuna ang kani-kanilang ekspresyon. Dismayado, nalilito, pinipilit maging kalmado.
"Dito lang ang binaggit sa amin ng Presidente." May bigat ng pagkadismaya at pagka-aligaga sa reklamo ni Aurora. "Dapat ay nandito lang siya—" Unti-unti na siyang nilalamon ng panik gaya ko, subalit kinontrol ko ang aking sarili.
Humakbang ako sa tapat ni Aurora. "Baka may paraan pa upang malaman natin ang kinaroroonan ng Presidente." Iginala kong muli ang aking tingin sa mga nakahandusay nakatawan, at nilinaw ang aking sarili. ". . . kung saan man siya dinala."
Agad na napa-isip si Aurora, gayon din si Taran.
Biglang sumingit si Hawk na kalmado at seryoso sa tabi ni Aurora. "Tiyak akong alam nila ang ginawa nating pagtakas sa Renegade Clandestine. At dahil do'n hindi nila hahayaang mapigilan natin sila. Hindi nila hahayaang mahanap natin ang Presidente." Kanyang tinagpo si Aurora, direkta sa kanyang harapan. "Kung mayroon mang lugar na pagdadalhan nila sa Presidente, malamang na 'yon ang lugar na hindi natin mapupuntahan. Hindi pagka't wala nang electrisidad."
Umangat ang mga mata ni Aurora kay Hawk, at muling napukaw sa sahig. Pinipilit niyang kumalma at isipin ang lugar na tinutukoy ni Hawk.
Lugar na hindi namin mapupuntahan . . . subalit kailangan naming subukan.
Taimtim kong pinanood sina Aurora at Taran, maging si Sonder, habang kanilang hinahagilap sa kanilang isipan ang lugar na iyon.
Isang parte ng segundo, at agad na umangat ang mukha ni Aurora.
"Sa pinaka-itaas na palapag ng President Rise. UpTop."
Hindi ko batid ang lugar, ngunit maging si Taran ay nasurpresa sa sinabi ni Aurora.
"Paano?" direkta kong turan.
"Mararating natin ang President Rise." Nagliwanag ang kanyang mata sa galak. "At mayroon akong alam na paraan para makapunta sa pinakatuktok nito nang walang hagdan, at nang hindi umaasa sa elektrisidad na nanggagaling sa Electrical Rise."
Rinig ko ang kanyang kasiguraduhan, kaya naman . . .
"Kung gayon ay kumilos na tayo."
Alistong kumaripas si Aurora sa isang direksyon tungo sa naka-abang na pasilyo sa isang dulo. Sinabayan siya nina Hawk at Taran. At sunod sa kanilang likuran ay ako kasama si Sonder at si Knox.
Nagdugtong ang madilim na pasilyo sa isang hagdan, at panibagong pasilyo. Tanging ang manipis na puting liwanag na lamang ang nagsusuplay sa amin, subalit gayon pa ma'y hindi namin binagalan ang aming bilis.
Tumatakbo ang oras.
Sa bawat pasilyo, at sa mga hagdan, pa-ilan-ilang mga Remnant ang nakakasalubong namin. Lahat sila ay nagmamadali, at alam kong iyon ay sa kagustuhan nilang makalabas ng Rapport Center. May mga istasyon pa rin na tapat sa Rapport Government na maaari nilang tuluyan.
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Fiksi IlmiahWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...