Belated Happy Valentine's Day sa lahat. Thank you for the love. <3 Let this chapter be a gift from me. <3
* * *
Muli akong nanaginip.
Tulad ng mga nauna, naroon ulit si Sonder. Gaano katagal na ba siyang nawala sa aking isipan?
Kumirot ang aking puso sa ginawa kong paglimot. Kasama siya sa misyon kong ito, ngunit tila dahan-dahan, bilang epekto ng mga pangyayari sa gubat na ito, ay unti-unti ko na siyang nakakalimutan.
"Hinihintay pa rin kita," sambit niya sa aking panaginip nang nakatingin direkta sa aking mga mata.
Imbis na magsalita ay nanahimik lamang ako, tila wala akong balak na magpakawala ng kahit isang salita.
"Alam kong hahanapin mo ako, at sa paghahanap mo, gusto kong sabihin sa 'yo na mag-iingat ka. Maraming misteryo, kabilang na ang mga makakasa mo sa paglutas nito."
Naguguluhan ako sa kanyang mga sinasambit. Kagustuhan ko ang tanungin siya, ngunit hindi ko magawa.
"Mag-iingat ka."
At muli nang nanumbalik ang aking kamalayan. Kasabay nito ang pag-usbong ng pangyayaring huli kong naalala bago ako mawalan ng malay kanina.
Knox. Siya ang unang-unang pumasok sa aking isipan. Siya ang may kagagawan nito.
Bagamat mabigat pa ang ulo ay inusisa ko ang aking paligid. Madilim ang paligid, at ang tanging nagsusuplay ng liwanag sa amin ay ang mahinang puting bumbilya ilang metro ang layo sa aking kinalulugaran.
Nang matanto ko ang aking mga nakita ay mabilis akong ginising ng gulat. Ano ang lugar na ito? Mga gawa sa makintab na bakal ang nagkukulong sa amin sa parisukat na espasyo, at ang pader ay gawa rin sa metal.
Sinubukan kong gumalaw at paghiwalayin ang aking mga kamay, ngunit natuklasan ko lamang na nakaposas ang mga ito.
Malinaw na hindi ito kagagawan ni Knox. At ang katangian ng istraktura, hindi ko magawang isipin na parte pa rin ito ng gubat.
Kung hindi man, nasaan kami? Ano itong kinahantungan namin? Sino ang dumukot at nagdala sa amin dito? At . . . nasaan ang aking mga kasama?"
Nang tila nasa plano ay narinig ko ang isang mahinang boses. Hinanap ko ito, ngunit ito ay nasa aking likuran, at alam kong isa siya sa aking kasamahang kababalik lamang ng malay.
"S-sino 'yan?" mahina at matamlay ang aking pagsambit. Walang nagsalita at inulit kong muli ang aking tanong.
" . . . Dawn?"
Lumukso ang aking puso sa boses na iyon. "Cluster! Masaya ako't ligtas ka."
"Ganoon din ako." Maging siya ay matamlay at pilit na binabawi ang lakas. Naging alerto bigla ang kanyang pananalita. "Nasaan tayo? Sina Taran, nasaan?"
"Hindi ko alam." Muli kong sinilayan ang kwartong aming kinalalagyan, at sa aking likuran, sa kabilang parte ng patag na posteng aking kinapoposasan, ay siya ring kinabibilangguhan ni Cluster.
Nasa iisang kwarto kami, sa gitna, naka-posas sa isang poste. "Malinaw na hindi si Knox ang may gawa nito."
"Hindi. Imposible," tugon ni Cluster at dama ko na sa kanyang boses ang pagka-alerto. "Kailangan nating makawala, dito, Dawn."
![](https://img.wattpad.com/cover/133284925-288-k195350.jpg)
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Science FictionWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...