Tila nasunog ang aking buong katawan sa pagbuga ng apoy mula sa himpapawid pababa sa amin.
Bagamat nakadapa ako mula sa pagkakatumba dulot ng pagsabog, ang matinding liwanag na nililikha ng makapal na apoy nilalamon pa rin ang aking paningin.
Nanatiling mahigpit ang aking mga kamay sa pagtakip sa aking tainga, na wari'y mawawasak na ang aking bungo. Hanggang sa matanto kong wala na akong naririnig. Nawala ang aking pandinig matapos ang matinding pagsabog na iyon.
Dama sa hangin ang wari'y nakakapasong init mula sa apoy. Marahan kong ini-angat ang aking ulo, hindi handa sa kung ano man ang bubungad sa akin.
At sa pag-angat ng aking paningin, nasilayan ko ang nag-aalab na gubat. Ang mga puno nagliliyab, gayon din ang ibang parte ng lupa.
Sa pagbaba ng aking tingin ay nasilayan ko ang aking mga kasama. Nakadapa gaya ko, hindi makagalaw sa kinaroroonan, kapwa nababalutan ng pagkagulat, takot, sindak.
Sa tingin ko'y sumigaw ako, sumigaw ng pagkalakas-lakas, subalit hindi ko iyon narinig.
Sinimulan kong bumangon at hindi iyon naging madali sa paghina ng aking mga kalamnan.
Isang kamay ang naramdaman ko sa aking balikat, at tinulungan ako nito sa pagtayo. Hindi na ako nag-aksaya pa ng panahon at agad na tumakbo kina sa iba pa naming kasama. Isang kapwa ko Seeker ang aking ginambala sa pagkakadapa, at tinulungang tumayo. At muling lumipat sa iba.
Isang babae ang nahagip ng aking paningin. Nakahandusay. Walang malay. At nang lapitan ko ito, laking gulat ko na ito ay si Aurora. Dumaloy ang pagkataranta sa akin utak at agad siyang pinaharap. Sinubukang gisingin. Hanggang dumating na si Hawk.
Mayroon siyang isinisigaw habang inaalog ang katawan ni Aurora. Mayroon siyang isinisigaw ngunit hindi iyon mapuna ng aking pandinig.
Ang buong paligid ay nagliliwanag sa mga nagaalab na apoy. At ang mata ni Aurora, unti-unti na itong bumukas. Naglahong bigla ang nakabara sa aking dibdib nang tuluyan na siyang magkaroon ng malay.
Hindi na kami naghiwahiwalay pa matapos no'n at tinipon pa ang ilan naming kasama. Si Atlas, Taran, at ilan pang Seeker.
Sa paglipas ng segundo ay unti-unti nang nagbalik ang aking pandinig. Ang mga nasusunog na puno ang siyang namamayani sa lahat ng sulok, tila walang presensya ng hangin, at ang kalangitan ay patuloy na nilalamon ng maitim na usok.
"Isa iyong atake!" sigaw ko sa kahit kanino.
Agad lumitaw si Sonder. "Ang Rapport Army! Kailangan nating makalayo bago tayo mahanap!"
Hindi namin alam ang aming pupuntahan sa naunang sandali, hanggang sa napagpasyahan naming tumungo pakanan, ang parteng hindi lubos na napuruhann ng pagsabog kumpara sa ibang direksyon. At hindi namin kakayaning bumalik pa sa ika-siyam na Strata.
Nauunot ang init sa aking balat na dulot ng mga nagbabagang puno, maging ang ilang parte ng lupa ay lumiliyab. Hanggang sa marating na namin ang hangganan ng malawak na apoy, at sinalubong kami nito ng kakaibang lamig.
"Surpresang atake," wika ni Sonder. Hindi ko namalayang siya'y nasa aking tabi. "Huwag magkumpol-kumpol at dumikit lang sa mga puno kung maari!" utos niya sa lahat, at muling binabaan ang boses, pahiwatig na para sa akin ang kanyang sasabihin. "Surpresang Atake. Walang tayong plano. Sa ngayon, kailangan lang nating maging ligtas."
Tumatakbo kami sa likuran nina Aurora, at bawat isa sa ami'y hindi tukoy ang patutunguhan.
Biglang nagsilitawan ang mga gumagalang ilaw sa paligid. At ang makita lamang ang mga ito ay sapat na upang panibagong panik ang umusbong sa aking dibdib.
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Science FictionWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...