Chapter Forty Two

809 70 43
                                    

Tanging mabibigat na hinga ko na lamang ang aking naririnig kasabay ng malalakas na kabog ng aking puso.

"Dawn." Hindi ako lumingon. "Huwag kang gagalaw." Ngunit alam kong iyon ay si Aurora. Rinig ko ang kaba sa kanyang tono—maging siya'y hindi alam kung ano ang dapat gawin.

Sa bawat pulgadang paglapit ng mga pangil ng pulang tigre sa akin, lubos na nanghihina ang aking mga kalamnan sa labis na sindak. Sa bawat paghaplos ng hanging dulot ng paghinga nito, pakiramdam ko'y wala na akong magagawa pa.

Ngunit sa kabila ng mga sindak na ito, umaasa ako na bigla na lamang magbabago ang lahat, na bigla-bigla, ang banta ng tigre ay wala na sa aking harapan.

Muling umungol ang tigre kasabay ng lubos nitong paglapit sa aking mukha.

Sa sindak ay kusang pumikit ang aking mga mata—mabibigat na mga hinga.

"Sige na!" mariing kong sigaw sa aking isip, nagbabaka-sakaling mayroong nagbabalak na paputukan ang tigre at agad itong mawalan ng malay, o matakot at lumayo. Ngunit tatlong mahahabang segundo na ang nakalipas at wala pa ring nangyayari.

At . . . sa ika-apat na segundo, nangyari ang bagay na hindi ko inaasahan.

Naramdaman ko ang bahagyang paglayo ng tigre sa akin kasabay ang ungol na wari'y may ibang bagay na umakit ng atensyon nito. Ngunit hindi iyon sapat upang gumaan ang aking pakiramdam.

Nanatili ako sa aking posisyon, nagyeyelo. Binuksan ko ang aking mata, pilit na iniwasan ang mga apoy na mata ng pulang tigre.

Lumayo nga ito ng ilang pulgada sa akin. Hindi ko namamalayang kusa akong napabuntong hininga, bagay na agad kong pinagsisihan. Ang atensyon ng tigre, bumalik ito sa akin. Halos malaglag ang aking puso sa sobrang gulat sa agresibo niyang pag-atake sa akin.

Ngunit hindi ito ituloy ng tigre. Huminto ito sa eksaktong pagdikit ng mga pangil nito sa aking leeg hanggang panga.

At . . . at marahang lumingon sa kanan. Sa puntong iyon, tumambad sa aking paningin si Sonder, at ang baril na kanyang hawak na hanggang ngayo'y nakatutok sa tigre.

"H'wag!" sigaw ng aking utak, ngunit ang sindak ay napalitan ng pagtataka nang mapuna ko ang ginagawa ni Sonder. Ang kanyang mga titig, hindi niya ito inaalis sa mata ng tigre, at ang baril, agresibo pa rin itong nakatutok.

"Wala nang magpapaputok pa," mahinang bilin ni Sonder.

Anong ginagawa niya?

Nagsimula nang lumapit ang tigre sa kanya, mas agresibo, mas mabangis. Alam kong sa pagkakataong ito, wala nang aaksayahin pang oras ang tigre. Malamang ang ginagawa na lamang nito ay ang bumwelo upang umatake. Ngunit si Sonder. Wari'y wala iyon sa kanyang isip, o kahit kaunting ideya lamang patungkol doon. Nanatili siya sa kanyang pagkakatayo.

Sa bawat segundong lumilipas ay lubos na bumibigat ang aking dibdib. Hindi ko alam ang mga plano ni Sonder. Hanggang sa, unti-unti, ay muling umalingawngaw ang malalakas at mabibigat na padyak ng mga dambuhalang humahabol sa amin.

Bago pa tuluyang kumulo ang pagkataranta sa aking dugo ay agad na sumugod ang pula at galit na tigre kay Sonder.

Hindi ko napigilang mapasigaw kasabay ang biglaan kong pagtayo, hindi na inisip pa ang maaring maging epekto.

Ngunit bago pa man ako tuluyang makatakbo patungo sa tigre, ay agad akong natigilan.

Ang tigre. Hindi ito umatake kay Sonder, o kahit kanino sa amin. Lumihis ito ng direksyon, at kumaripas papalayo sa amin—hindi—papalayo sa mga humahabol sa amin, sa mga dambuhalang muling nagpapayugyog ng lupang aming ginagalawan.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon