Chapter Forty-Nine

694 61 2
                                    

A/N: Update ko lang kayo, guys, na naglagay ako ng Media sa Chapter 47. hehe. Iyon po ay picture lang ni Veronica Roth as Veto Chen. Veronica Roth is the author of Divergent series. Imma fan.



*     *     *


Mayroon na akong inisyal na ideya kaugnay sa aking pagkatao sa mata ng mga Remnant—na sa ilang dekada nang naghihingalong Rapport, bukod sa pagsuko ay ako na lamang ang nakikitang solusyon ng mga Remnant sa problemang kanilang kinakaharap . . . dahil iyon ang ipinangako sa kanila ng kanilang Gobyerno.

Subalit sa kabila ng mga iyon, kakaibang bugso ng damdamin ang akin pa ring naramdaman nang makito ko mismo sa aking mga mata ang totoong sitwasyon sa Rapport—o marahil sa isang istasyon na di malabong maranasan ng lahat ng istasyon kung ang krisis ay magpapatuloy pa.

Nandito ako upang sagipin ang aking bansa, ang Circa, subalit sa puntong ito, alam kong hindi ko kakayanin na hayaan na lamang ang isang nasyon na gumuho.

Ang lahat ng nilalang ay may karapatang mabuhay, at ang mga Remnant, bukod sa kanilang wangis, ay hindi lubos na naiiba sa aming mga taga-Circa.

Nakita ko kung paano kumalma ang lahat sa pagbanggit lamang ng aking ngalan, na tila tanggap na nila ang kanilang masakit na sitwasyon, subalit sa aking ngalan, tila nanumbalik ang pag-asa sa kanilang mga mata, na wari'y isang bukang liwayway na marahang nagbigay sa kanila ng liwanag.

Hindi ko lubos akalaing napadpad ako sa isang kumplikadong laro, laro ng buhay. At kung ang aking pagkatalo ay siya ring pagkatalo ng Circa at Rapport . . . kung gayon ay kailangan ko itong ipanalo.

Lahat ng nasa aking isipan ay aking masinop na isinilid, nakatitiyak na walang kahit isa rito ang makikita sa aking mga mata.

Hindi ako maaring magtiwala ng basta-basta, kahit kanino—sa Renegade, sa mga Veto, at maging kay Penn. Hindi ako magtitiwala hangga't hindi ko nasisilayan ang Rapport Government sa aking sariling mata, hangga't hindi sila naririnig sa aking sariling tainga.

Tuluyan nang bumukas ang pinto sa aking harapan, at kasabay no'n ang pagsalubong sa aking ni Penn.

Matapos ang aming pagbabantay sa Station 50 ay bumalik kami sa Renegade Clandestine tungo sa aming kanya-kanyang Mentor.

"Kumusta ang inyong unang misyon?" bati ni Penn sa aking pagtapak sa kanyang silid.

Binigyan ko siya ng apektadong tingin. "Tama ka, Penn. Mabigat mang isipin at tila imposible, ngunit sa mata ng mga Remnant, ako na lang ang pinanghuhugutan nila ng pag-asa."

Naglakad kami tungo sa pulang sopa sa isang banda ng silid.

"Kung hindi ipinaalam ng Rapport Government sa mga Remnant ang tungkol sa iyong posibilidad, marahil hindi na nila napigilan ang mga gulo sa bawat istasyon."

Sa pagkakaupo ay agad akong tumingala sa kanya dala ang magkasalubong na kilay. "Gulo?"

"Oo, Cheska," kalmado nitong tugon. "At lubos iyon nakakasindak—paano pa kaya kapag sila ay napamumunuan?"

"Pasensya ka na, Penn, pero hindi ko gaanong—"

"Isipin mo na lamang, paano kung ang mga Remnant ay pumanig sa mga Renegade? Walang hirap nilang mapapatalsik ang Gobyerno."

Kinukumbinsi ba niya ako sa isang bagay? At kung oo, ano iyon? Ang tuluyang pakikiisa sa mga Renegade?

"Nasa mga mamamayan ng bansa ang tunay na kapangyarihan," saad ko. "Kung sama-sama nilang ipaglalaban ang tama para sa bayan—hindi iyon mapipigilan ng Gobyerno."

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon