P.s: Wuzzap guys? Na-miss niyo 'ko? Na-miss ko din kayo. So matagal-tagal din. Ito na po. Hihi.
* * *
Wala nang ibang laman ang aking isipan kundi ang makarating sa Elite Dome bago pa man ako maabutan ng usok na iyon.
Sa eskinitang aking tinatakbuhan ay walang rason upang aking matanto kung nasaan na ang usok, kung gaano na ito kalapit. Ngunit sa sigawan na aking naririnig kahit saan, alam kong malapit na ito.
Pansin sa mga kabahayan na wala na itong laman at kaunti lamang ang bilang naming mga tumatakbo kumpara sa aking inasahan. Bawat isa sa amin ay may sariling bilis. May mga nangunguna, at may mga nahihirapang makasabay, at isang bagay ang aking naalala rito.
Tila sa isang iglap ay agad na bumungad sa aking paningin ang liwanag na nagsasaad ng labasan ng eskinita, at kung ganoon ay napaka-lapit ko na sa Elite Dome. Napaka-lapit na namin.
Lubos pang umusbong ang sigawan nang marating ko ang dulo ng eskinita na siya namang dinugtungan ng maluwang na kalsada. Lahat ay tumatakbo pa-kaliwa, papunta sa dulo ng mga gusali dahil doon ay tuluyan nang matatanaw ang Elite Dome. Doon ay matatagpuan ang mga nakatirik na puno sa gilid ng kalsada at ang kulay berdeng damo na nagdudugtong sa lupang kinatitirikan ng aming destinasyon.
Sa hindi malamang optimismo ay agad kong ibinaling ang aking atensyon sa kaganapan sa kanan. Wala itong pinagkaiba sa aking inasahan—mga taong tumatakbo sa iisang direksyon, maliban na lamang nang mahagip ng aking mga mata ang isang kaawaawang kuting.
Hindi ko na nakontrol pa ang sumunod na nagyari at mabilis ko na lamang sinuong ang daloy ng mga tao salungat sa kanilang direksyon. Hindi iyon naging madali, ngunit habang nakikita kong papalapit na ako nang papalapit sa kuting ay wala na akong ibang nagawa kung hindi ang magpatuloy sa kabila ng sakit na aking natatamo sa bawat bunggo at sagi ng mga tao.
Nang malapitan ko na ang kuting ay mabilis ko itong dinampot at isinabay na ang aking direksyon sa agos ng bawat takbo. Hindi ko maitatangging napaka-lapit na ng usok sa amin at sa lapit nito'y ramdam na ko na ang lalong pagtaas ng tempereatura. Paano pa kaya kung dumumpi mismo iyon sa balat ng tao?
Napawi ang aking pagkasindak sa tanong na iyon nang akin nang matanaw ang Elite Dome at wala nang ibang pumasok pa sa aking isipan kung hindi si Camelot ... at ang pusa. Marahil ay una pa lamang, si Camelot na ang dahilan kung bakit ko sinagip ang kuting na ito. Musmos at nangangailangan ng pag-aaruga.
"BILISAN NIYO!" rinig kong sigaw ng ilan sa mga kapwa naming tumatakbo. Sa una ay normal lamang iyon sa aking pandinig, maliban na lamang sa mga sumunod nilang sinabi.
"MAGSASARA NA—!" Bago pa man matapos ang sigaw ay nagsimula nang bumaba ang malalaking tarangkahan ng gusali. Marahan lamang ito sa pag-baba at doon ay alam kong magagawa pa naming maka-abot, iyon ay kung amin pag bibilisan.
Kumaripas sa pagtakbo ang lahat, maliban sa akin. Sinusubukan ko ngunit matinding pagod at panghihina sa aking mga binti ang namamayani, tila sa kahit anong segudno'y matutumba ako. Ngayon ay ako na ang nasa hulihan, at ang gusali, patuloy ito sa pagsara sa puntong iniisip kong baka hindi na ako makaabot. Ngunit hindi iyon maari. Sa loob ay naghihintay ang aking mga mahal sa buhay. Si itay, inay, Camelot, at ang aking mga kaibigan na itinuturing ko na ring pamilya.
Sinubukan kong muling kumaripas sa pagtakbo at bahagya ko iyong napagtagumpayan. Ilang metro na lamang, at ilang segundo na lamang ang natitira.
Narating ko na ang bakal na sahig bago ang gusali, at doon ay inilapit ko ang kuting na aking hawak sa aking dibdib, sinisigurong hindi ko siya madadaganan, at tuluyan ko nang pinakawalan ang aking sarili at nagpadausdos hanggang makapasok ako sa gusali. Isang mabigat na yugyog at alam kong tuluyan na ngang nagsara ang tarangkahan.
![](https://img.wattpad.com/cover/133284925-288-k195350.jpg)
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Science FictionWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...