Chapter Fourteen

1K 111 17
                                    

Mabigat ang aking ulo sa pagdilat ng aking mga mata. At sa unang pagkakataon, hindi ko matukoy kung ano nang oras. Hating gabi? Bukang-liwayway? Umaga?

Kumidlat sa buhay ang aking utak nang maalala ko ang salitang umaga. Hinagilap ng aking mga mata ang liwanag ng araw, ngunit ang mahinang asul na ilaw mula sa maliit na lampara lamang ang aking nakita. Hating gabi? Natigilan ako nang malaman kong mayroong nakayakap sa akin. Camelot.

Nagpakawala siya ng hikbi at nangangapang binuksan ang mga mata. Gumala ang mga ito nang sandali at mabilis na huminto sa akin. Kita kong napakababaw ng kanyang tulog, ni hindi na niya kinamot pa ang kanyang mga mata di tulad ng karaniwan niyang ginagawa. Nang hindi ko namamalayan ay unti-unti nang naglaho ang presyon sa king ulo.

"Gising ka na." Madilim at halos hindi ko masilayan ang mukha ni Camelot, ngunit alam ko ang kanyang nararamdaman. Bakas ang matamlay na tuwa sa kanyang boses, at ang nagtatagong lumbay sa kanyang mga mata na kumikinang sa mababang asul na ilaw. Kumalas siya sa kanyang pagkakayakap at umupo. Hindi naalis ang kanyang tingin sa akin, dahil—hindi tila—ito na ang huling araw na mananatili ako sa bahay na ito.

"Malayo pa ang umaga. Kailangan mo pa ng pahinga." Hindi iyon ang nais kong sabihin ngunit iyon ang unang pumasok sa aking isipan na hindi magpapalala ng kanyang nararamdaman. Humalakhak siya sa ilalim ng kanyang hininga—at nakapaloob na doon ang lahat.

Bumangon ako at pumusisyon sa kanyang tabi—magkadikit na mga braso. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa pagsanay ng aking paningin sa dilim o dahil ito na ang huling makakatabi ko siya ng ganito, ngunit nalaman ko na malapit na niyang maabutan ang aking tangkad. Ang kanyang balikat ay halos pumantay sa akin. Sa dilim ay pansin ko na rin ang dahan-dahang paglapad ng mga ito. Ngayon ay tila nais magbago ng aking desisyon. Ngayon pa lamang ay nangungulila na ako sa kanya.

Nanatili kaming tahimik sa ilalim ng mahabang segundo. "Nagbibinata ka na, kapatid ko," tuluyan kong wika.

"Masaya ako dahil ikaw ang unang nakapansin no'n. Salamat." Napakapatag ng kanyang tono—napakalayo. Kulang pa. Alam kong mayroon siyang nais sabihin.

Lumingon ako sa kanya at nagsalita na tila siya'y limang taong gulang pa lamang. "May tampo ka ba sa 'kin?" Napansin ko ang pagka-irita niya sa aking naging tono. Nagpakawala ako ng halakhak. "Ah, gano'n? Ayaw mo nang nilalambing ka?"

"Hindi, ah," mabilis niyang tanggi. Humarap siya sa akin ngunit agad niya rin itong binawi.

"Kasi, binata ka na," tukso ko pa.

"Hindi nga."

Kumirot ang aking puso. Hindi ko maisip na ito na ang huling pagkakataon kong maasar ko siya tungkol sa kanyang pagbibinata. Muling humampas ang dambuhalang daluyon ng katahimikan sa buong kuwarto.

"Mag-iingat ka." Sa puntong ito'y alam ko na ang papupuntahan ng usapan.

"Hindi pa naman sigurado na makakapasa ako bilang Seeker," paglilinaw ko.

"Malabo 'yon, ate. At alam kong mahalaga rin iyon sa iyo." Agad kong naisip si Sonder. Pilit ko iyong itinulak palayo. Mahalaga sa akin ang pagiging Seeker dahil nais kong marisolba ang misteryo sa Relentless Boundary—at sa mga naganap na trahedya, hindi dahil kay Sonder. Hindi dahil sa bagay na walang direktang kasiguraduhan. Ngunit . . . Hindi nga ba?

"Pero magkikita pa naman tayo. Makakabalik ako ng ligtas dito, pangako iyan." Nag-alangan ako sa salitang pangako. May bumara sa aking lalamunan at halos hindi ko ito nasambit.

Humarap siya sa akin. Napakadalisay ng kanyang mga mata. Napaka-totoo. Bakas ang totoong lungkot, ang tuwa, ang halo-halong emosyon. "Mag-iingat ka, ha. Palagi."

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon