Chapter Forty-Eight

800 77 6
                                    

Bagamat mahabang oras ang aming ginugol ni Penn sa aking pagbabagong anyo, nagkaroon pa rin kami ng kaunting panahon upang higit pang kilalanin ang isa't isa.

Isang bagay ang aking nasiguro. Hindi ko maiwasang maikumpara ang aking sarili sa kanya. Katulad ko, wala siyang ibang hangad kung hindi ang maayos ang kanyang kinikilalang bansa.

Kung ano man ang kanyang mga ginagawa, lahat ng iyon ay para sa kanyang mga pumanaw na mahal sa buhay . . . at higit sa lahat, para sa ikabubuti ng Rapport.

Sa pagliwanag ng asul na ilaw sa kanyang silid ay nagsilbing hudyat upang kailangan ko nang lumisan. Siya marahil ang unang Remnant na nagsabi sa aking "mag-iingat ka."

Ngayon, sa salaming pintuan ng Elevator na aking lulan, hindi ko magawang alisin ang aking mata sa aking repleksyon.

Tila ba ibang tao ang aking nasisilayan—hindi ko makilala ang aking sarili. Puti ang aking buong katawan. Ang balat, buhok, labi, kilay, maging ang pilik mata.

Binigyan rin ako ni Penn ng kulay lilang mga balintataw. "Para sa iyong sagisag," sambit niya. Lalo pa akong namangha nang aking matuklasan ang ideyang kaugnay sa asul, pula, at lila ay galing rin mismo sa kanya. Minsan niya itong nabanggit kay Veto Chen na kanya namang binigyan ng konsiderasyon.

Ini-unat ko ang aking leeg at ini-harap ang kanang bahagi nito sa aking repleksyon. Ang lubos na aking kinamamanghaan. Paano't sa unang pagkakataon . . . ay nagawang takpan ang aking marka? Wala akong makitang kahit kaunting bakas ng tatlong itim na guhit sa aking leeg.

Nanatili ako sa aking kinatatayuan hanggang sa maramdaman ko na ang marahan nitong paghinto.

Iginalaw ko ang aking buong katawan upang tumayo ng matuwid. At bago ko pa kailanganing lumabas ay muli kong sinulyapan ang aking repleksyon. Sa anyong Remnant, sa puting pang-militar na kasuotan, muli kong binanggit ang impormasyong ibinigay sa akin ni Penn kaugnay sa aking pagbabagong anyo.

"Ceres ang aking ngalan." Subalit sa katotohanan ay pangalan iyon ng kanyang pumanaw na kapatid. "Army 96 o A-96 ang aking pagkakakilanlan bilang isang militar. Mula sa Station 40."

Huminga ako ng malalim matapos ang pagbukas ng salaming pinto, at kasunod niyon ang pag pagsalubong ng isang Remnant na agad kong nakilala.

Veto Ranao.

"Hindi maitatanggi ang galing ni Penn," pauna niya bati.

Binigyan ko siya ng ngiti kasabay ng aking tuluyang pagpasok sa loob ng panibagong silid.

Agad akong napahinto nang masilayan ang lugar. Taliwas sa aking nakasanayan, ang kulay sa boong lugar ay hindi kulay puti. Bagkos ito ay kulay itim. Ang mga kisame nito ang nakakalula sa taas, at mula roo'y tanaw ang mga malalaki at kone-konektadong bakal.

At higit sa lahat, ang mga sa wari ko'y sasakyan dito. Mga kulay abong na nasa tila itlog na hugis. Ang itaas na kalahating bahagi ng mga ito ay gawa sa makapal na salamin.

"Ito ang aming Underground Dock. Maligayang pagdating." sambit ni Veto Ranao na halatang kita ang aking pagkamamgha. "Narito ang aming mga maaring sakyan sa pagpunta sa ibang mga istasyon ng Rapport."

Tumango ako bilang tugon at sinimulan na naming maglakad.

"Handa na ang lahat sa inyong unang misyon," dagdag niya. Sinundan ko siya hanggang malampasan namin ang iba't ibang linya ng bawat uri ng mga sasakyan. At sa dulong bahagi, natanaw ko ang isang grupo ng mga Remnant sa ibaba ng isang itim na sasakyan.

Kusa kong nakilala ang mga Remnant bilang ang aking mga kasama, at sa kanilang mga tingin, alam kong gayon din sila sa akin.

"Ngayon ay narito na ang lahat," saad ni Veto Ranao mula sa tuwid na pagkakatayo. "Bago ang lahat, at dahil na rin sa inyong bagong anyo, mangyari niyo munang kilalanin ang bawat isa."

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon