"Nakontrol mo ang iyong panaginip, pero hindi tulad ng ating inaasahan." Malalim ang isip ni Aurora habang marahang binabanggit ang mga salita. Walang nagbago sa Green Lake. Tahimik, payapa, at halos walang tao. "Hindi iyon naglaho bagamat alam mo na sa sarili mo na iyon ay panaginip lamang," ulit niya sa aking mga sinabi. "O . . . marahil ay naglaho nga ang artipisyal mong panaginip." Humarap siya sa akin. "Marahil ay nagawa mo ang dapat mong gawin."
Magkasalubong ang aking mga kilay habang ang mga naguguluhang mata'y nakatama sa kanya. "Anong ibig mong sabihin, Aurora?"
"Nang malaman mong panaginip lamang ang lahat, nagawa mong burahin ang tatlong anino." Tila alam ko na ang nais niyang sabihin, hindi ko lamang mawari ng buo. "Kalaunan ay nalaman mong naglaho na rin ang mga dumagdag na bumbilya sa kisame." Bawat salita'y maingat niyang kinikilatis. "Ang natirang bumbilya ay bumalik sa pagiging normal na pagkakasabit. At. Sa panghuli, pina-alalahanan mo ang iyong sarili na hindi totoo ang lahat at sunod ka nang nakabalik sa realidad." Nagkaroon ng panadaliang katahimikan. Namalagi ang kanyang mata sa akin—nakataas na mga kilay. "Dawn. Naiisip mo ba ang naiisip ko? Alam mo ba ang dahilan kung bakit nangyari ang mga iyon?"
"Dahil . . ." Kusang lumabas sa aking bibig ang salita ngunit hindi na iyon nadugtungan pa.
"Dahil iyon ang mga hindi totoo. Iyon ang mga kontrolado." Mabilis na nalusaw ang aking paligid sa gulat. Ilang segundo ang tumagal bago ko tuluyang matanggap ang kanyang mga tinuran, bago ako sumang-ayon sa kanya. "Alam mo na hindi iyon totoo kaya naglaho ang mga anino, maging ang mga bumbilya. Alam mo na hindi totoo ang pagsakal sa iyo ni Sonder kaya ka nakawala sa panaginip."
Namalagi ang gulat sa mga mata. Paano't tila sigurado siya sa kanyang mga sinabi? Ngunit agad kong naalala na iyon ay ang kanyang mga kuro-kuro lamang. Subalit hindi maikakaila na posible ang kanyang mga sinambit. Hindi ko mapigilang isipin na tama siya, dahil iyon ang kasagutang kanina'y ayaw lumabas sa aking bibig.
"Posibleng hindi puro ang iyong panaginip. Posibleng may nadagdag, at posible rin na may nabawas," paglilinaw nito.
"Ngunit." Bahagya akong nag-alangan. "Paano't palaging kasama si Sonder sa bawat panaginip?"
Natahimik at napa-isip si Aurora. Nagwala ang kalabog ng aking puso. Tila hindi ko kakayanin ang aking matatanggap na kasagutan—tiyak man o hindi.
"Kung tama ngang kinokontrol ang iyong panaginip, posible na naging daan ang iyong pagkatuklaw upang iyon ay mangyari." Iyong misteryosong hayop. Bagay na akin nang iginiit sa kanya. "At kung ganoon, may dalawang maaring tumayo bilang kasagutan, Dawn." Huminto ang aking paghinga. "Una; maaring dahil sa kemikal na dulot ng pagtuklaw. Maaring pinapasok niyon ang iyong panaginip." Inihanda ko ang aking sarili sa ikalawa. Tinibayan ang aking dibdib. "Pangalawa—"
"Maaring may tao sa likod ng mga ito." Nagulat siya sa aking tinuran. Alam kong iyon iyon. Alam kong iyon ang kanyang sasabihin.
May biglang kirot sa aking puso. Kung ganoon nga, kung may taong responsable sa mga ito, anong kinalaman ni Sonder? Hindi kaya't . . . hindi kaya't buhay pa talaga siya?
"Iyon nga," kumpirma ni Aurora. Inilayo ko ang aking mukha sa kanya. Lubos na nakakapagtaka ang aming mga nahihinuha. Napaka-hirap ng aming sitwasyon.
"Hindi maari na paniwalaan lamang natin ang isang bagay. Lalo na't hindi tayo nakakasigurado," mariing kong sambit. "Kailangan din nating bigyang atensyon ang isa." Dahil maari ring iyon ay dulot lamang ng matinding kamandag ng hindi tukoy na nilalang.
"Sang-ayon ako sa nais mong iparating. Pero kailangan din nating bigyang pansin ang pinaka-kritikal. Iyon ay ang ikalawa." Hindi ko mawari kung kanya ba itong iginigiit o ipinapayo, ngunit may parte sa akin na tunay na sumasang-ayon sa kanya.
![](https://img.wattpad.com/cover/133284925-288-k195350.jpg)
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Fiksi IlmiahWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...