Chapter Twenty

890 83 26
                                    

Muli akong nananaginip. At sa aking panaginip, ako'y siyam na taong gulang. Taimtim ang gabi. At sa ilalim ng dilaw na bumbilya, kasama ko si Itay at Camelot sa hapag kainan. Napakaraming pagkain. Dahil ito sa pagkakahuli ni Itay sa isang Felon. Sa aking mga kamay ay ang pares ng kutsara at tinidor. Si itay sa aking tapat. Si Camelot sa kanang kabisera ng parisukat na lamesa—tahimik at wala pang alam sa paligid.

"Itay," wika ko sa magaan na boses.

Lumingon siya sa akin at tinapos muna ang nasa bibig bago magsalita. "Ano iyon, 'nak?"

"Maari ko po bang malaman kung . . . paano niyo nahuli iyong Felon?"

Bumuntong hininga siya kasama ang mumunting ngiti. "Masyado ka pang musmos upang malaman iyon, Cheska." Bilang bata, nakaramdam ako ng mumunting lungkot mula roon. "Ngunit ito lamang ang aking maibabahagi sa iyo—sa ngayon." Umangat muli ang aking ekspresyon at agad na naglaho ang lungkot na aking nadarama. Na para bang hindi ko iyon naramdaman. "Isa akong Trooper, hinubog upang dakpin ang mga Felon. Ang mga Felon ay walang ibang mapagpipilian kung hindi ang utakan ako—at ang mga tulad kong Trooper. Subalit hindi lahat sa kanila ay may ganoong kakayahan."

Mala-bulang naglaho ang tagpong iyon at agad na napalitan ng kulay itim. Binuksan ko ang aking mga mata. Muli, ako'y nasa silid-pagamutan. Ang huling kataga ng aking itay sa panaginip ay muling umalingawngaw sa aking utak. Isa akong Trooper, hinubog upang dakpin ang mga Felon. Ang mga Felon ay walang ibang mapagpipilian kung hindi ang utakan ako—at ang mga tulad kong Trooper. Subalit hindi lahat sa kanila ay may ganoong kakayahan.

Sa mga panahong iyon ay hindi ko pa iyon lubos na naintindihan. Maliban na lamang sa pagdaan ng taon. At ngayon, lubos ko na siyang naiintindihan. Hindi lahat ng Felon ay may kakayahang utakan ang mga Trooper o kahit sinong kalaban—at isa na ako roon.

Sa aking pagkaka-alam, ito na ang ikatlo kong pagmulat, at wala akong ideya kung gaano na ako katagal na nakahandusay sa kamang ito. Sampong oras? Kalahating araw? Isa? Sa mga nauna kong paggising ay agad din akong nakabalik sa pagkakahimbing, marahil ay ito rin.

Isang bagay ang bahagyang gumulat sa akin. Marahan kong ini-angat ang aking kanang kamay, at sa paggawa ko nito, wala na akong naramdaman pang kirot. Gayon din sa aking kaliwa. Bagamat hindi pa nakakabalik sa tunay na lakas ay wala na ring kirot sa aking binti at paa. Ang aking kasu-kasuan ay hindi na nagtumitibok sa sakit. Ang aking mukha'y hindi na kasing bigat at kapal ng dati.

Patuloy pa rin ang pagdaloy ng puting likido sa aking ugat na nagmumula sa mga kableng nakakunekta sa aking balat—kamay, braso, binti.

Isang mahinang katok ang bumulabog sa akin na agad nasundan ng pagbukas ng pinto. Pumasok ang isang babae sa masinop na puti't kahel na kasuotan. Nasa edad apatnapu. Nanlaki ang mga mata nito nang kanya akong makita. Nagulat. "Dawn," sambit nito nang tuluyang matauhan. Tinawag niya akong Dawn. Ibig-sabihin ay wala ako sa labas ng Trooper Area o sa kahit saang ospital. Nakatitiyak akong malapit lamang sa Training Ground ang aking kinaroroonan, o marahil ay nasa hindi tukoy na palapag lamang ako ng Barrack Building. "Sakto't gising ka na, mayroon kang mga bisita," tuloy nito at binuksan pang lalo ang pinto.

"Dawn, gising ka na din sa wakas," bungad ni Aurora pagkakita na pagkakita niya sa akin. Nananabik siyang lumakad sa akin kasama sina Hawk, Atlas, at Cluster. Umupo si Aurora sa aking tabi. "Kumusta na ang lagay." Agad na humupa ang tuwa sa kanyang tono at nahaluan ito ng pag-aalala.

Sumagot ako, wala sa pag-aakalang hindi ko ito magagawa ng tuwiran. "Huwag mong pilitin, Dawn," nag-aalalang salaysay ni Cluster. "Sa tingin ko'y kailangan mo pang magpagaling ng tuluyan."

"'Wag kang mag-alala, normal lamang iyan." Tila napansin ni Atlas ang aking pagtataka. "Limampu't isang oras ka nang nananatili rito."

Lagpas dalawang Araw? Wala akong magawa kundi ang magulat. Naalala kong bigla ang naganap naming laban ni Knox. At ang maaring resulta niyon.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon