Chapter Nine

1.1K 101 19
                                    


Tanging ang malakas na alingawngaw ng aking paghinga ang nagpapaalala sa akin na ako'y humihinga pa.

Walang hanggang dilim. Mabibigat na mga hakbang. Namimintig na mga kalamnan.

Hindi ako makahinga ngunit pilit ko pa ring nilalabanan ang aking takot—ang lahat.

Ilang minuto na akong tumatakbo sa lugar na purong dilim. Balisa. Tila mayroon akong tinatakasan na lingid sa aking kamalayan. Basta't ang tanging nasa aking isipan lamang ay ang tumakbo sa bilis na aking makakaya.

Tumayo ang aking mga balahibo dahil sa sindak, ngunit saan?

"Tulong!" buong lakas ng loob kong sigaw, umaasang may paraan pa upang makawala ako sa lugar na ito na alam kong dahan-dahang nilalamon ang aking utak, katawan, at maging ang aking buhay.

Isang tila malaking bato ang pumatid sa aking nanginginig na paa, dahilan upang ako'y tumilapon paabante at bumagsak sa lupa.

Tubig. Basa ang sahig, may tubig. Iyon ang sinasabi ng aking pakiramdam. At dahan-dahan kong naamoy ang isang . . . kemikal.

Wala akong ibang nakikita kung hindi itim, at, bago ko pa man mapagtanto na ang tubig na aking inakala ay isa palang nakalalasong kemikal, isang mabigat na bagay ang bumagsak sa aking likuran.

Ininda ko ang sakit sa pagtama at sumobsob sa nakalalasong likido. Ipinikit ko ang aking mga mata at isinara ang mga labi. Pinigilan ang paghinga.

Ginawa ko ang lahat upang hindi makapasok sa akin ang nakalalasong likido, hanggang sa nawalan na ako ng lakas upang subukan pang tumayo o kahit man lang i-angat ang aking bigbig para sa hangin.

Handa na akong mamatay. Binitawan ko na ang aking natitirang lakas. Ngunit naalala ko ang isang tao na alam kong matutulungan ako.

"Sonder."

Sa huling pagkaaktaon ay kumapit ako sa pag-asang darating siya't ililigtas ako.

"Dawn?" Ilang segundo akong natulala bago tuluyang matauhan. Si Aurora. Nagising ako sa malalakas na kalabog mula sa aking pintuan kasabay ang boses niya. Anong ginagawa niya dito?

Sa kabila ng aking mga tanong at pagkabulabog ay hindi pa rin basta-basta humupa ang samut saring emosyon sa aking mga ugat at kalamnan. Ang takot. Sindak. Ang pakiramdam sa bingit ng kamatayan. Ang hirap sa paghinga. Ang lason. Ang dilim. Ang . . . ang kabaliwan.

Hindi! Hindi ako nababaliw!

Panaginip. Iyon lamang ang lahat. Isang bangungot.

"Buksan mo ito, Dawn. Nag-aalala na kami sa 'yo." Mabilis kong natukoy ang boses. Si Atlas.

Naalarma ang aking mga ugat. At bahagyang nasindak sa pagaakalang maaring isa na naman itong panaginip.

Nagulat ako nang mahirapan akong kontrolin ang aking labi. Mala-disyerto ang aking lalamunan sa labis na pagkatuyo. Taliwas sa namamasa kong mga mata dulo't ng inosenteng luha.

"Sandali." Hindi ko mailakas ang aking boses at sa hina'y maaring hindi nila ako narinig.

Nahirapan ako sa pagtayo at naramdaman kong mabigat pa rin ang aking ulo. Pakiramdam ko'y nakasalampak pa rin ako sa sahig at basang-basa sa likido.

Sa aking pagtapak at pagtayo sa malamig na sahig ay agad na nabaling ang aking atensyon sa kandadong mahigpit na nakapulupot sa isang parte ng pintuan—dahilan upang hindi ito madaling mabuksan.

Tila nawala ang bigat ng aking katawan nang mabilis akong maglakad sa pinto at buong atensyon ko itong binuksan.

Huminto ang lahat ng katok nang bahagyang bumukas ang pinto.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon