P.S: Hello, guys. Namiss ko to, hehe. Bago ang lahat, gusto ko muna sabihin na ang Chapter na ito, at ang mga susunod pa, ay hindi ko isinulat para maugnay sa sitwasyon ng ating bansa--maging ng buong mundo--kaugnay sa COVID-19 pandemic. Kung ano man ang mga mangyayari sa istoryang ito ay hindi ito dulot ng nangyayari sa ating bansa ngayon, ito ay dati ko nang plano. Bagamat masasabi kong dahil sa mga kaganapan ngayon sa ating lipunan, nagkaroon ako ng ideya upang mapabuti pa lalo ang kwento at upang lalo pa itong mailapit sa realidad.
Maraming salamat sa inyo mga mahal kong mambabasa. Happy reading! :)
* * *
Sa eksaktong pagpatak ng ika-lima sa umaga ay nilamon ng asul na ilaw ang aking silid, dulot ng asul na liwanag na gumuguhit sa gitnang bahagi ng bawat pader.
Umalingawngaw sa aking alaala ang sinabi sa akin ni Veto Chen nung kanya akong dalhin rito.
"Ang bawat pag-ilaw ng guhit sa iyong pader ay nagsasabing kailangan mong lumabas ng iyong silid. Subalit bawat kulay nito ay may sari-sariling pahiwatig. Asul kung ang paglabas sa iyong silid ay ligtas, ang pagsisimula ng iyong araw. Ang Dilaw ay upang tayo'y magbigay pugay sa pagtatatag ng Renegade Clandestine. Berde, kung mayroong mahalagang pampublikong anunsyo at pagpupulong na magaganap. At Pula kung kailangan mong ihanda ang iyong sarili, ang Renegade Clandestine ay inaatake."
Ang bawat silid ay binabalot ng teknolohiya, kung saan kusa itong magbubukas ng alarma sa iyong paggising, kusang magbibigay ng iyong umagahan mula sa munting parisukat sa isang bahagi ng pader, at kusa ring magsasabi kung kailan mo kailangan lumabas.
Mayroong kaunting kirot sa aking puso sa katotohanang ang paglabas ng bawat isa sa kani-kanilang silid ay diktado ng teknolohiya, ng isang ilaw sa gitnang bahagi ng pader.
Subalit iyon ay tanggap ng mga tao rito . . . ng mga Renegade. Alam nila na iyon ay para sa kanilang sariling kapakanan, upang mapangalagaan ang istasyong minsan nang namatay at kanilang muling binuhay. Ang Station 101. Ang Renegade Clandestine.
Muli kong itinuon ang aking atensyon sa asul kong silid, huminga ng malalim, at tuluyang naglakad papalabas dito.
Isang babaeng remnant ang bumungad sa aking paglabas. Sa una'y inakala kong isa siyang bata. "Isang dalisay na umaga sa iyo, Dawn," sambit nito mula sa nakangiting puting labi. Ang kanyang mga mata'y pula, ang buhok ay kasing puti ng kanyang buong katawan at ng kasuotan. Sa puting paligid, hindi ko mapigilang mamangha.
Ilang segundo ang aking ginugol bago muling matauhan. "Magandang umaga rin sa iyo," tugon ko rito.
Sa gilid ng aking paningin ay aking nahagip sina Hawk na kapwa mayroon ding kasalubong na remnant. Sandali akong lumingon sa kanya, dahilan upang aking ring mahagip si Knox at ang isa niyang kasama sa mga sumusunod na silid.
Sa kaliwang bahagi naman ay aking natagpuan si Pola—ang kapwa namin Seeker na kasamang napadpad dito sa Renegade Clandestine.
Sandaling nagtagpo ang aming mga mata ni Pola bilang pagbati at kasunod niyon ang kanyang pagtalikod kasabay ang isa pang remnant. Magkasabay silang naglakad papalayo. Sa maputing kutis ni Pola at kanyang maikling buhok ay kitang-kita ang kanyang marka—Independent Mark.
Lumingon ako sa remnant sa aking harapan. "Kayo'y inaantay na ng mga Veto."
Veto. Ang pinakamataas na posisyon sa organisayong ito. Ang posisyong kinabibilangan ni Veto Chen.
Sa kabila ng magaan na ngiting ipinapamalas ng babae sa aking harapan ay hindi ko pa rin napigilang mangamba. Wari'y nabagsakan ng mabigat na bagay ang aking dibdib.
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Science FictionWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...