[Edited] Chapter Thirty-Six

735 89 29
                                    

P.S: Hello guys. :) Sorry kung ganoon yung Chapter 36 na una kong na-publish. Hehe. This one is edited. Much detailed. More Surprises. More air--if you know what I mean. But the plot, it's still the same as the original. Thank you for your understanding, and enjoy. :):):)

Also, gusto ko pasalamatan si @Spyica , without your comment, hindi ko maayos itong chapter na ito. Thank you from the bottom of my heart. <3


***


Ilang segundo ko lamang siya nasilayan, at matapos no'n ay agad kaming nilamon ng makapal na usok.

Nananaig ang pagkataranta sa aking damdamin sa sandaling mawala ang aking paningin. Tanging mga padyak at putok ng mga baril lamang ang aking mga narinig—mga putok na tila nagmumula sa itaas ng aming kinalalagyan.

Biglang may nagsalita sa amin, at kasabay no'n ang dahan-dahang paglinaw ng aking paningin. Nanlaki ang aking mga mata, sa isang iglap ay muli na akong nakakakita.

"Nakikita niyo ba kami?" sigaw ng lalaking kumalas sa pagkakaposas namin ni Cluster.

"O-oo," sagot ng isa naming kasama.

Gumala ang aking paningin. Mga puting lalaki, at ilang Seeker ang aking natagpuan . . . ngunit si Cluster.

Halos mapatalon ako sa biglang pagdapo ng bigat sa aking balikat. Si Aurora. "Mag-ingat," paalala niya. Sa maikling segundo ay naramdaman ang galak na muli ko siyang nakita. "Kailangan nating makaalis dito. Hindi sila ang mga hinahanap natin."

Umusbong ang kalituhan sa aking utak. Marahil tinutukoy niya ang mga bumihag sa amin, at kung ano ang mga nalaman niya sa kanyang matagal na pagkabihag.

"Dawn, may problem aba?" tanong niya. Di ko namamalayang nilalamon na pala ako ng panic, at nakita iyon ni Aurora.

"Si . . ." muli kong hinagilap ang paligid na wari'y nawala na nang tuluyan ang makapal na usok. Ngunit hindi ko pa rin siya nahagilap. "Hindi ko makita si Cluster."

Gumuhit ang pagka-alarma sa mukha ni Aurora. Agad niyang sinuri ang mga balisang Seeker, at sina Hawk. "Paano't wala siya sa atin? Kanina lamang ay—"

"Hali na kayo!" biglang sigaw sa amin na siyang pumutol sa pagsasalita ni Aurora. Litong-lito, tinahak namin ang isang pasilyo patungo sa makipot na daan kasama ang mga puting nilalang na ito na ngayo'y may suot na teknolohiya sa kanilang mga mata—marahil upang makakita sa usok, usok na kung saan tulad naming mga may kulay lamang ang kayang makakita, labis na kalituhan ang idinulot nito sa akin.

Hinagilap kong muli si Cluster sa gitna ng pagkataranta, subalit nabigo ako. Kakaibang kaba ang umusbong sa akin.

"Sa tingin ko'y . . . sa tingin ko'y kailangan nating bumalik doon, Aurora."

Hindi agaran ang kanyang tugon. "P-pero . . . baka nasa pinaka-unahan siya, o sa pinaka-dulo na natatakpan ng mga puting taong ito." Huminto siya, hindi tiyak sa mga sunod na sasabihin. "Mapanganib kung babalik tayo ro'n."

"Pero si Cluster—"

"Kilala na natin siya, hindi ba? Alam kong ligtas siya . . . kasama natin." May takot akong naririnig sa kanyang boses.

"Aurora . . . magtapat ka sa 'kin." Hinuli ko ang kanyang mga mata. "Ano ang nalaman mo habang bihag nila kayo?"

Bumakas ang gulat sa kanyang mga mata, pati na rin ang takot.

Hindi siya sumagot, ngunit makaraan ang ilang mabilis na segundo, tuluyan na siyang nagsalita. Dumikit siya sa akin, na tila sinisigurong ako lamang ang makakarinig. "Mag-isa lamang ako sa aking selda. At . . . narinig ko ang ilang mga boses na pinag-uusapan ako. Mahabang kuwento. Pero matapos no'n ay narinig ko ang kanilang plano." Huminto siya at muling inusisa ang paligid. "Dawn. Sa ating mga Seeker, isa lang ang kailangan nila. At ang taong 'yon lang ang balak nilang panatilihin ligtas."

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon