"Mutated Dandelion," wika ng Presidente habang nakapako ang tingin sa malaking Screen sa aming harapan.
Narito kaming muli sa Lab Building. Noong nalaman namin ng aking mga kasama na pare-pareho kami ng naiisip patungkol sa balita ay agad kaming tumungo sa Headquarter, subalit sa labas pa lamang ay hinarang kami ng isang kawani at sinabing wala doon ang Presidente ngunit pinapadala niya kami sa Lab Building sa oras na hanapin namin siya.
Ngayon ay narito kaming lima sa loob ng isang walang laman na laboratoryo kasama ang Presidente at ilang mga dalubhasa sa aming likuran.
"Iyan ang ipinangalan ng mga dalub-agham sa halamang iyan," tuloy ng Presidente. Tinutukoy niya ang isang halaman na nasa Screen, at unang sulyap ko pa lamang dito ay tukoy ko nang ang halaman ay iyong mga mumunting halaman sa buong Circa. Iyong may maliit na tangkay, walang dahon, at mala-bolang bilog sa ibabaw sa mala-papel na kulay. Iyong halaman na tumubo matapos pansamantalang maghari ang mga puting uwak sa himpapawid at nag-dala ng mga buto sa lupa.
Ngayon ay tuluyan nang bumuka ang halaman, bagay na kinasasabikan ng lahat, subalit tila may nadiskobre ang Gobyerno patungkol dito.
Napalitan ang larawan ng halaman ng panibagong mga litrato, ngayon naman ay ilang di pamilyar na kaganapan sa isang laboratoryo.
"Gumawa ng eksperimento ang mga dalubhasa ukol sa mga Mutated Dandelion," salaysay ng Presidente at kami ay mariing nakinig sa kanyang bawat salita. "Kumuha sila ng tatlong halaman at inilagay ito sa magkakahiwalay ng Simulation Room. Ginagaya ng Simulation Room ang totoong paligid sa labas—likas na daloy ng hangin, likas na temperature, at iba pang katangian ng likas na paligid. Ang isang halaman ay isinilid sa Simulation Room na may normal na temperatura't klima, ang isa naman ay isinilid sa may malamig na klima, at ang pangatlo ay sa mainit na panahon," sumasabay ang mga palitan ng larawan sa pagsasalita ng Presidente dahilan upang lubos pa naming maintindihan ang lahat.
"Sa kasalukuyan ay nasa normal lamang ang ating temperarura sa labas—hindi mainit, hindi lubos na malamig. Ang halamang nasa Simulation Room na may normal na klima kakabuka lamang kanina halos kasabay ang pagbuka ng mga halaman sa buong Circa. Samantalang ang nasa may mainit na klima naman ay nananatiling nakasara. Ang nasa malamig na klima ang kakaiba dahil bumukas na ito labing dalawang oras bago ang pagbuka ng mga halaman sa paligid. Ang nagyari ay pareho rin sa kaganapan sa labas sa mga oras na ito. Ang mga dilaw na mala-balahibo't maliliit na bulaklak ay nagpalutang-lutang sa paligid. Dahil doon ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga dalubahasa upang magdamagang pag-iksperimetuhan ang loob ng halaman at ang mga bulaklak nito."
Sandaling namalagi ang katahimikan at blangkong espayo sa paligid. Kinakabahan na ako. Ramdam ko ang kagustuhan kong malaman kung ano ang kanilang natuklasan, ngunit ang tanong, handa ba ako sa kung ano man iyon?
"Natuklasan nilang—kani-kanina lamang—ang mga bulaklak ay naglalaman ng isang sakit, isang virus na mapanganib sa katawan ng tao." Halos magunaw ang lupang kinatatayuan ko. Isang epidemya. Panibagong kalbaryo. Panibagong mga buhay ang maapektuhan.
"May paraan ba upang mapuksa ang virus sa katawan ng tao." Masyado akong naging matapang upang itanong iyon, ngunit napakaduwag ko upang mangamba sa kung ano ang magiging kasagutan.
Matapos ang ilang segundong pananahimik ay sumagot ang Presidente. "Oo. May paraan." Nagmistulang lobo na nawalan ng hangin ang aking lalamunan—agad na nag-laho ang naipong presyon.
"Mabuti naman kung ganon," buntong hininga ni Cluster.
"Kasalukuyang kumikilos ang mga dalubhasa upang gumawa ng maraming Antibodies sa katotohanang marami ang nasa labas nang mamukadkad ang mga halaman. Sa ngayon ay iyon ang aming problema na pinagsisikapang masolusyonan."
![](https://img.wattpad.com/cover/133284925-288-k195350.jpg)
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Science FictionWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...