Kulay itim ang kasuotang ibinigay nila—ni Sonder—sa akin. Sa loob ay isa lamang normal na itim na damit, habang ang pang-ibabaw naman ay tila isang leather jacket subalit hindi sakop ang aking braso tungo sa kabuuan ng aking kamay.
Mayroon itong hati sa gitna na tila ba nagkakaroon ng sariling buhay sa tuwing aking pipindutin ang maliit na puting bilog sa pinakababa ng hati.
Magaan ito at maayos sa pakiramdam, tanging isang bagay lamang ang hindi gaanong pangkaraniwan. Iyon ay ang mas mahaba nitong likuran kesa sa harapan—nasa tatlong pulgada. Wala akong ideya kung ano iyon ngunit hindi ko na lamang iyon binigyang pansin pa, marahil isang bagay lamang na kanilang nakasanayang gawin sa kanilang kasuotan.
Isang itim na pantalon naman ang kasama ng kasuotan, kung saan tila nagsusuplay ito ng ginhawa sa kalamnan ng aking binti.
"Tara na?" alok ni Aurora upang bumalik na sa kinaroroonan ng aming mga kasama, na akin namang agad na pinaboran.
Nadatnan ko ang ilan sa aming mga kasamang naka-upo at hinahayaang ang mga puting lalaki na lamang ang mag-bantay ng paligid sa mga maaring banta.
Guminhawa ng lubos ang aking pakiramdam sa aking nakita—tila muli kong nasilayan ang bansang Circa. Mapayapa, kalmado, komportable sa lahat ng bagay. Mga katangiang hindi namin hahayaang mawala.
"Mabuti naman at agad kayong nakabalik, mga binibini," bati ng lalaking may pulang mata. Ngunit hindi siya lumapit sa amin at nanatili lamang sa kanyang kinatatayuan.
Naglakad kami patungo kina Hawk.
"Mayroon akong napapansin kay Atlas, Aurora."
Humarap siya sa akin. Tila alam na niyang ang sasabihin ko'y patungkol sa kakaibang katahimikang inaaasal ni Atlas. "Dahil sa pagkawala ni Cluster. Pero pinipilit niyang makontrol ang kanyang sarili, base sa kanyang sinabi kahapon."
Binilisan ko ang aking paglalakad at piniling tabihan si Atlas. Ngunit hindi niya ako nilingon man lang. "Atlas . . . hindi ko alam kung paano sasabihin ito, ngunit kailangan mong magpakatatag. Siguradong iyon din ang sasabihin sa 'yo ni Cluster kapag—"
"Sinusubukan ko. Huwag mo akong intindihin," putol niya sa akin. Tila wala siyang balak pang pahabain ang usapan, at tila wala siyang balak na harapin ako. Nanatili lamang ang kanyang mga tingin sa kawala habang naka-upo't nakasandan sa isang puno.
Bumuntong hininga ako at marahang ipinatong ang aking palad sa kanyang balikat, saka umalis. Tumungo ako sa maliit na punong malapit kina Aurora at Hawk . . . at Taran.
Tumama ang aking mata kay Taran. Ngunit agad ko itong iniwasan, at piniling huwag tumabi sa kanya—sina Hawk at Aurora ang nagsilbi naming pagitan.
At bigla akong natauhan. Bakit?
Bakit ko iyon ginawa? Bakit kailangan kong umiwas sa kanya? Bakit tila pakiramdam ko'y may nag-iba nang muli kong makita si Sonder?
"Hindi iyon tama. Sa tingin ko'y kailangan kong bumalik at tumabi sa kanya," debate ko sa aking utak, ngunit, nang tila naririnig ako ni Aurora, ay bigla siyang nagsalita kung sa halos pabulong na paraan.
"Ayos lang 'yan, Dawn. Huwag na." Kaya naman nanatili na lamang akong nakatayo sa aking lugar.
At sa wakas ay akin nang itinuon ang aking atensyon sa puting lalaking may pulang mga balintataw.
"Kailangan ko ang atensyon ng bawat isa sa inyo," pauna niyang wika. Ang lahat sa amin—labing dalawa—ay ibinaling ang bawat atensyon sa puting lalaki.
"Everard, ang aking ngalan . . ." Everard. Ngayon lamang ako nakarinig ng ganoong ngalan. "Ako, tulad ng mga kasama kong kulay puti ang balat, ay isang Remnant." Idinako niya ang kanyang mga mata sa akin. "Kami ay mga Remnant."
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Ciencia FicciónWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...