Chapter Twenty Eight

847 98 30
                                    

Tuluyan nang sumapit ang bukang-liwayway, ngunit ang marahas na putok ng baril kagabi ay sariwa pa ring umaalingawngaw sa aking utak. Isang unggoy ang binaril ni Taran, kapalit ng aking kaligtasan. Ngayon, tanaw ko mula sa aking kinatatayuan ang kumpol ng mga kapwa ko Seeker, bawat isa'y pinagmamasadan ang nakahandusay at wala nang buhay na unggoy.


Muli kong itinuon ang aking atensyon sa munting bakal na aking ibinaon sa katawan ng puno, hanggang sa maya-maya'y tuluyan na ngang dumaloy ang tubig mula rito patungo sa baunang aking inihanda. Nangibabaw ang tunog ng istatik mula sa Earshot sa aking tainga. Ang tawag na aking hinihintay.


Bumigat ng bahagya ang tibok ng aking puso, maaring sa mga oras na ito ay binabantayan na ako nina Callix at Knox.


"Dawn, naririyan ka ba?" Bago ako sumagot ay palihim kong iginala ang aking mga mata kung mayroon bang mga kahinahinalang bagay, ngunit maging ako ay wala na ring halos tiwala sa aking sarili.


"Opo, Commander Willston." Inipon ko ang aking lakas upang i-ulat sa kanya ang aming mga nakompirma, subalit kanya akong agad na pinigilan. "Hindi mo na kailangang ibalita kung ano man ang iyong nasaksihan sa mga kaganapan kagabi, lahat ng iyon ay amin nang nasaksihan. At mayroon nang hatol ang mga opisyal kaugnay sa labis na pagsuway ng dalawang Seeker—Callix at Knox—sa mga patakarang inilathala ng Gobyerno sa inyo."


"Ngunit, Commander, paano kayo makakasiguro na kasabwat nga ni Callix si Knox?" Alam kong hindi na yun dapat pang itanong ngunit nais ko rin ng malinaw na kadahilanan.


"Gamit ang mga camerang nakapalibot sa buong Circa ay aming inimbestigahan ang mga araw bago ang tuluyan ninyong pag-labas ng bansa. Si Callix at Knox ay nakitang sumipot sa isang sasakayang naglalaman ng mga bomba mula sa Trooper Area. Doon ay napatunayang sila ang nagnakaw sa ilang nawawalang bomba." Sa kabila ng bilis ng pananalita ng Commander ay akin parin itong naintindihan ng maayos.


Tuluyan nang napuno ang baunan na aking hawak at sunod ko namang isinalok ang kay Taran.


"Mayroon nang pasya at plano ang Gobyerno. At kinakailangan namin ng iyong tulong, Dawn."


"Malugod kong inaalay ang aking pagsang-ayon, Commander." Sambit ko nang may halong pananabik.


"Mabuti kung ganoon," tugon ng Commander. "Gagawin natin ang lahat upang hindi makahalata ang dalawang naakusahan. Ibig-sabihin ay walang mangyayari na kahit ano sa kanila." Ninais kong tumaliwas, ngunit hindi iyon pinayagan ng aking labi. "Walang magbabago . . . hanggang sa tuluyan nang makarating ang aming mga ipinadalang kawani sa inyong kinaroroonan, at silang dalawa ang aarestuhin pabalik nang bansa."


Nanatiling tahimik ang aking katawan—lubos na inuusisa ang plano. "Marahil iyon nga ang pinaka-mainam na pasya." Sang-ayon ko sa huli.


"Ngayon ay nais kong panatiliin mo ang iyong mga mata sa dalawa at bigyan kami ng balita sa mga maari nilang plano."


Nangako ako na sila'y makakaasa, at matapos no'n ay bumalik na ang tunog ng istatik, at sa ilang tila gasgas ay naputol na ang aking koneksyon.


Susunod nilang plano. Di ko maiwasang mapa-isip kung ano iyon, o kung mayroon nga ba. Pero para saan ang mga bombang iyon? Ano ang dahilan nila sa pagsusulpot ng mga bomba dito sa Relentless Boundary—ano ang kanilang intension?

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon