Chapter Sixty-One

715 59 25
                                    

Pinili namin ang rutang tiyak na dadaanan ni Sonder, kung sakaling siya man ay papunta sa opisina ni Veto Chen.

Sa matagumpay naming pagbaba ng dalawang palapag, ang boses ni Everard ay kalmado pa. "Maging alisto ka. Sa kahit anong oras, pwede nating makasalubong si Sonder. Pero mas higit na posible ang pagsalubong natin sa mga Renegade Army." Alerto niyang itinutok ang kanyang baril matapos ang pagsilip sa panibagong pasilyo, at agad akong sumunod nang siya'y pumasok rito. "Sa ngayon, hindi nila alam na nandito tayo, pero minuto lang ang ganung bagay. Kaya kailangan mong ihanda ang 'yong sarili."

Lubos pa akong naging mapangmatyag. Ngayong walang mataas na takong sa aking mga paa, mas dama ko na ang buong kontrol sa aking katawan.

Narating namin ang panibagong hagdan pababa nang isa pang palapag. Kanya itong pinakiramdaman, inusisa, at nang ligtas ay maingat na pumasok.

Sa kalagitnaan, nagsalita si Everard subalit nang hindi humaharap sa akin. "Ako palagi ang mauuna. Wala kang panangga sa 'yong kasuotan." Sandaling napukaw ang aking atensyon sa puti niyang uniporme. "Malinaw ba?"

"Malina—"

Magkakasunod na putok ang biglang pinakawalan ni Everard, at kasunod no'n ang pagsikad ng mga bala sa mga puting pader malapit sa kanyang kinatatayuan; bawat tilamsik ay nagdudulot ng pag-andap ng dilaw na elektrisidad. Ini-handa ko ang aking sarili, alistong itinutok ang baril sa itaas ng hagdan na aming pinagmulan.

Panibagong putok ng mga bala ang nangibabaw bago ko tuluyang matagpo ang alertong tingin ni Everard. "Halika na!"

Tinakbo namin ang aming daan pababa sa hagdan—maingat na iniwasan ang mga nakahandusay na katawan—at tumungo sa panibagong puting palapag. At sa mismong pagtatapos ng hagdan ay panibagong lagusan ang aming tinahak. Sa puntong ito, hindi ko napigilang pansinin ang mga nakatatak sa malalabong salamin sa mga puting pader, at sa mga bakal na pintong mahigpit na nakasara.

Renegade Lab. Restricted Area. Bio-weapon. At iba't iba pang mga simbolo na alam kong may kinalaman sa siyensya, uri ng siyensya na nagdudulot ng lagim sa sulok ng aking utak.

Narating namin nang ligtas ang ika-anim na palapag mula sa opisina. Panibagong mga Renegade ang aming naka-ingkwentro, at doo'y napilitan akong barilin sa binti ang isa sa kanila—at isa pa. Naisalba no'n si Everard sa dalwang daplis.

"Magaling," ang tangi niyang sambit.

Ang pag-alingawngaw ng napakabibingin alarma ay bumalot sa buong lugar, subalit walang segundo ang aming sinayang. Bago pa man tuluyang mamayani ang pulang ilaw, kami ay nagpatuloy na sa pagbaba. Alam na nila ang aming kinaroroonanan.

"Apat na minuto bago natin marating ang Underground Dock," ulat sa akin ni Everard mula sa maliit na orasan sa kanyang uniporme. "Mukhang mahihirapan tayo."

Agad niyang itinutok ang kanyang baril sa paninagong hagdan. Magkakasunod na pagsikad ng mga bala ang tumama sa pader na aming tinataguan.

Bigong magpaputok ng kanyang baril si Everard, at alerto lamang na pinrotektahan ang sarili sa likod ng pader.

Bumagsak ang pangamba sa aking dibdib sa kanyang ikinilos hanggang sa tuluyan siyang lumingon sa akin. Mga mata'y tensyonado. "Napakarami nila," halos pabulong niyang sambit.

Walang alinlangan akong lumapit sa kanya. Apat na minuto na lamang—para sa natitirang walong palapag? "Tutulungan kita."

Lumobo nang bahagya ang kanyang mga mata. "Hindi ba't—"

"Susubukan kong itama ang mga bala sa kanilang binti. Sa braso." Hindi ko pa rin mapigilan ang aking sarili na isiping sila rin ay tao—at higit sa lahat, ay parehong biktima, gaya naming mga Felon minsan, gaya ng mga Trooper at lahat ng mamamayan ng Circa sa kamay ng mga Elite. At gaya ng lahat ng nagkakagulong Remnant ngayon na dulot ng mga Veto.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon