Chapter Fifty-Five

732 68 27
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Kung mayroon mang bukod-tangi sa panlabas na anyo ng Rapport Center bukod sa laki nito, iyon ay ang Middle Dock, kung saan sa gitna ng dambuhalang simboryo ay nakapalibot ang espesyal na daungan—naka-usli sa mga salaming pader na wari isang singsing.

Sa hindi mabilang na tarangkahan ay sunod-sunod na pumapasok ang mga magkakawangis na sasakyan, hanggang sa kami na ang pumasok dito.

Isang kahong espasyo ang aming pinasukan at sa pagsara ng bakal na tarangkahan sa aming likuran ay siya namang pagsisimula ng paghupa ng tubig.

Panibagong tarangkahan sa aming harapan ang nagbukas. Matapos ang bahagyang pag-abante, tuluyan na ring nagbukas ang pintuan ng aming lulan.

Walang kahit isang haplos ng hangin ang sumalubong sa amin, bagay na nagpaalala sa aking wala kami sa Circa.

"Pagdating sa loob, kailangan nating maghiwa-hiwalay," anunsyo ni Veto Ranao, "at nabanggit ko na ang inyong mga kagrupo." Ang kanyang tingin ay lumipat sa bandang hulihan. "Mauna ang nasa pinakalikuran," wika niya na siya ring nagpa-angat sa mga nasa dulo. "Manatili kayo sa inyong paglabas," dugtong pa niya nang magsimula nang lumabas ang bawat isa sa amin.

Dumaan sa aking tapat si Hawk, gayon din si Pola, ngunit wala sa kanila ang nagbigay ng atensyon sa akin at tahimik lamang na sinunod si Veto Ranao.

"Mabuti," sambit ko sa aking isipan.

At oras na para sa amin ni Sonder. Naunang umabante si Sonder at hinintay akong makalabas sa aming mga upuan.

Sa aming pagtapat sa pintuan, sandali kaming hinarang ni Veto Ranao, at agad idiniin ang tingin sa akin.

"Iyan ang ipinasuot sa 'yo ng iyong Mentor?" Ang kanyang mga mata ay muling inusisa ang aking kasuotan pababa at pabalik sa akin.

"Ito nga," maikli kong tugon. Sa maikling segundo ay kumulo ang sindak sa aking dibdib, bagay matagumpay kong napigilan.

Siyang bumuntong hininga, tila nagsasaad ng bahagyang pagkadismaya. "Nawa'y makatulong iyan sa paghahanap mo sa inyong mga kasama."

Marahil plano ng mga Veto na hindi ako mangibabaw. Marahil iyon ang utos nila kay Penn—na maaring kanyang sinuway ng hindi sinasabi sa akin.

Pinilit kong maging kalmado. "Paboritong kulay ni Aurora ang kulay na pula," tugon ko sa tuwid na paraan na aking makakaya. "Mas madali niya akong makikilala sa ganitong kulay ng kasuotan."

Iyon ay pawang kasinungalingan lamang, ngunit sa mukha ni Veto Ranao ay bumakas ang kaunting konsiderasyon. "Nawa'y mahanap niyo sila sa madaling panahon," tuluyan niyang sambit at kami ay sinabayan na niya sa pagbaba.

Ang malawak at tila-walang hanggang haba ng Middle Dock ang bumungad sa akin sa aking pagbaba. Mula sa bakal-at-salaming kabuuan nito, ang daungan ay abala sa pagtanggap ng parami pa nang paraming mga Remnant. Lahat ay nasa kaaya-aya at kakaibang kasuotan, at bawat isa'y kitang-kita ang pananabik at tuwa sa kanilang mukha.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon