Chapter Thirty One

727 74 15
                                    


Kaaya-ayang simoy ng kalikasan, banayad ang malamig na temperatureng pumapahid sa aking balat, habang sa itaas ng mga puno ay ang mga ibong nag-aawitan.

Hindi ko pa naranasan ang ganitong bagay sa buong buhay ko. Maging sa mismong pagpasok ko dito sa kagubatang ito. Hindi ko alam ngunit ang parte ng gubat na ito ay mas may buhay kumpara sa mga nauna.

Sa loob ng ilang minuto ay napagdesisyonan naming huminto muna at namnamin aming kinaroroonan.

Kanina ay hindi rin halos makapaniwala ang mga kasama namin sa mga nangyari. Bago ang Electrospot, napakatahimik ng gubat. Bihira ang tunog na nililikha ng mga ibon, bihira ang haplos ng hangin sa bawat balat—walang kamangha-manghang bagay ang magsasabing kailangan naming magpatuloy.

Ngunit ngayon ay mayroon na.


* * *


Tahimik akong nakasandal sa isang matabang puno, kaharap ang Electrospot ilang metro ang layo sa aking kinaroroonan.

"Punong-puno ng misteryo, huh?"

"Hindi ko maiwasang mamangha," hayag ko. Nanatili ang aking mga mata sa Electrospot at hindi kay Taran.

Nagpakawala siya ng maikling halakhak, at doon ay hindi ko pinalampas ang pagkakataong makita ang kanyang mukha.

Tumama ang kanyang mga nakangiting mata sa akin. Kulay tanso at kayumangi, ilang guhit ang namuo sa gilid ng kanyang mga mata. Lumiwanag ang kanyang buong mukha, kasabay ng aking pagkamangha.

Tumama sa akin ang hiya at agad na bumalik sa normal ang mundo. Binigyan ko siya ng maikling ngiti at agad na binawi ang aking tingin.

Namuo ang presyon sa aking bituka, marahil namumula na rin ang aking mukha sa hiya. Ilang segundo ang lumipas? Gaano iyon katagal?

Tinangka kong mangatuwiran. Hindi ko namalayan ang aking sarili, marahil kaytagal ko nang hindi nakarinig ng halakhak dahilan upang ganoon ang aking ikilos. Ngunit sa pag-subok ko rito ay hindi ko magawang ibuka ang aking bibig.

Winasak niya ang mahabang katahimikang pumapagitna sa amin. "Sa tingin mo tama ang naging pasya natin?" Sa wakas ay nakahinga na ako ng maluwag. Itinuon ko ang aking utak sa kanyang tanong.

"Walang maling desisyon, sa atin at sa mga piniling umatras na lamang. Dahil tayo ay may dahilan kung bakit natin ginawa ang bagay na iyon, at iyon ay para sa bagay na alam nating makakabuti."

Katahimikan. "Bakit ka nagpatuloy?"

Hindi ko agad natugunan ang kanyang kasagutan. Naala ko ang aking pamilya, na akin nang makakasama kung pinili ko lang sanang bumalik sa Circa. Ngunit ang larawan ng nagkukumahos na bansa ay agad na nagbigay sa akin ng panibagong damdamin. Ang mabuhay kasama ang pamilya sa bansang nawawasak ay hindi kailanman magiging masaya.

"Para sa Circa, sa mga mahal ko sa buhay at sa mga mamamayan nito. Para sa bagay na magbubukas ng kaalaman natin patungkol sa dulo ng kagubatang ito, at para sa . . ." Agad akong napahinto. Ang kontrol ay nagbalik sa aking sarili. Para sa pag-asang makikita ko pang muli si Sonder.

Ngunit ang patungkol kay Sonder ay hindi na dapat pang maibahagi kay Taran.

"Para sa . . . ?"

"Para sa ating mga Seeker—mga nagsakripisyo upang mabago ang kapalaran ng ating bansa." Tumayo na ako at inilapat ang mga kamay sa hita. "Sa tingin ko'y dapat na tayong magpatuloy."


* * *


Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon