Chapter Fifty-Four

685 61 23
                                    

A/N: For reference lang po yung nasa media. Hahaha. Happy reading! Pavote and comment na rin po, hihi.


*    *    *

Nakatayo ako sa harapan ng salamin sa paraang itinuro sa akin ni Penn. Naka-angat na dibdib, magaang mga balikat, magkahawak na kamay sa aking harapan.

Bahagyang nakatagilid; hindi na maitatanggi ang kiya sa tiwasay kong pagkakatayo—tindig na kinailangan kong matutunan upang higit na mangibabaw sa lahat, ang tindig na kadalasang ipinamalas ng mga nagdaang Rapport Shine.

Kani-kanina habang nasa proseso ng aking pagbabagong anyo, sinabi ni Penn na ang kadalasang naitatalagang Rapport Shine ay konektado rin sa Rapport Governmen—kung hindi ang mismong kawani ng gobyerno ay ang anak nito—at kung hindi naman ay ang isang may mataas na estado.

Upang mangibabaw, kailangan ko silang mapantayan, o mahigitan, mula sa kilos, tindig, at pananamit.

Sa gabay ni Penn ay akin nang naipasa ang aking pagkilos.

Ngayon naman ay sa tindig.

Mula sa salamin ay hinagilap ko ang mata ni Penn. Binigyan niya ako ng banayad na tango, nagsasabing naipasa ko na rin ito.

Ang ngiti ay puminta sa aking magaang labi, sinundan iyon ng bahagyang paglayo ni Penn dahilan upang siya'y maglaho sa salamin at akin itong masolo.

Pinagmasdan ko ang aking sarili, higit sa lahat, ang aking anyo.

Ang aking hitsura bilang isang Remanat ay ibang-iba sa una kong naging anyo; malayong-malayo sa katangian ng isang Rapport Army.

Ang aking balat ay hindi lamang kulay puti, bagkos ito ay dalisay, alagang-alaga simula sa pagkabata. Sa paggapang lamang ng aking mga mata rito, tila ramdam ko na ang lambot at pagkabanayad nito.

Ang aking braso ay lantad sa kaaya-ayang paraan. At higit pang lumiwanag ang aking anyo dahil sa kulay ng aking kasuotan.

Kulay pula; mula sa anyo ng isang nagliliyab na apoy, hanggang sa mga bagang mahinahong kumikislap.

Ayon kay Penn, ang espesyal na kulay sa Rapport ay puti at asul. Karamihan sa mga dadalo ay ganoon ang magiging kasuotan. Kung kaya't pula ang kanyang pinili, upang maging bago sa mata ng mga Remnant—lalo na ang Rapport President.

Parehong kadahilanan ang ibinigay ni Penn sa ayos ng aking buhok na sa halip na naka-unat, ito ay naka-pusod sa masining at kalkuladong paraan; sing-puti ng aking balat.

Nanatili akong tikom sa loob ng mahahabang segundo, ang pagkamangha at paghanga sa aking mala-apoy na balintataw ay hindi maikakaila.

"Anong masasabi mo, Cheska?"

Natagpuan ko ang matagumpay na ngiti sa mukha ni Penn. "H-hindi ako makapaniwala."

"Ang Rapport Shine ay handa na."

Sinuklian ko ng determinadong ngiti ang pag-bansag niyang iyon.

At ang kanyang tingin ay bahagyang nanumbalik sa pagiging seryoso. "Gaya ng sinabi ko, hindi mo matutukoy ang prisensya ng mga Renegade. Kailangan mong makahanap ng perpektong pagkakataon upang makausap ang Rapport President . . . na siya lamang," muling paalala ni Penn. "At sa oras na kaharap mo na siya, sa iyo na nakasalalay ang lahat. Lahat, Cheska."

Kumulo ang kaba sa aking sikmura ngunit agad ko itong pinigilan.

Marahang inabot ni Penn ang aking mga kamay. "Kailangan mong isiping mabuti, timabanging mabuti, kung sino ang karapat-dapat."

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon