Kung bibigyan tayo ng pagkakataong magpaliwanag–'nong gabing mas pinili nating tahakin ang landas ng magkasalungat.Marahil ay may lakas ako ng loob na languyin ang pinakamalalim na parte ng iyong mga sumbat–kung paano ako nagkamali at nagkulang ng pagmamahal–oras at atensiyon sayo.
May oras pa sana para bawiin at paghilumin ang nawasak nating ala-ala–kasama na ang magaganda at hindi.
Pero bago 'yon. Sana hayaan mo na ipapaalala ko sayo kung paano tayo nagtampisaw sa'ting giniginaw na pakiramdam– sa kung paano tayo nahulog sa sarili nating patibong.
Sa kung paano natin sinisid ang isat-isa.
Kung paano nabuo ang sumpaan– ang pangakong pagmamahal ko sayo, at ikaw na para sa'kin lamang hanggang dulo.Paulit-ulit na bumabalik sa memorya– ang ngiti mong nakaliliyo, ang halakhak, ang kilig, pati na'rin ang haplos na nakakalapnos ng pag-aalinlangan.
Ang yakap at halik na pawang dahilan ng paghinga––t'wing ako'y napapagod na.
Ikukuwento ko sayo, kung paano tayo nahumaling sa isat-isa––magmula sa paboritong pagkain, lugar pasyalan, libro,pelikula, kanta, tula at marami pang iba––ikaw ang pinakapaborito kong akda.
Ikaw ang pinakamagandang mukha na hindi ko pagsasawaang ipinta– t'wing sasapit ang araw man o gabi.
Ikaw ang paborito kong kabanata–– na hindi ko kayang mabura, mapunit o mawala.
Masyadong masakit ang nakaraan sa t'wing maaalala kita–pero sana, pwede pang pag-usapan ang simula para tuluyan na tayong makalaya.
Sa kung paano kita sinagip sa pagkakakulong mo mula sa masamang panaginip––ga'non din pala kahirap ang lumangoy pabalik, kapag nasanay ka nang malunod ng paulit-ulit.
Tila kayhirap makatakas sa sariling apoy, lalo't hinayaan mo akong madarang habang natutupok ka sa iba.
Kung pwede pa sana tayong magkwentuhan. Nakahanda akong buksan ang lagusan pabalik sa masarap na pakiramdam–– habang magkasabay nating inaabot ang ating mga pangarap.
Iisa-isahin ko ang himaymay na pinaglandas ng pangakong––ako ang una at huli– na palagi kang mananatili' sa'king tabi kahit anong mangyari.
Subalit, nang kumilos ang tukso at humampas ang pagod. Bumitaw ka sa sa katig na itinali ko ng mahigpit. At sa silong ng iba'y pilit kang kumapit.
'Nong gabing 'yon. Kahit ilang beses kong hiniling na 'wag kang mapagod. Mas pinili mo'kong ihulog
sa takot at pangambang–– kasalanan ko ang lahat kaya ka nakahanap ng iba.Kung bibigyan mo ako ng pagkakataon. Nakahanda akong magkwento.
Kung pwede pa. Kung makikinig ka sana.
BINABASA MO ANG
Pluma At Puso
PoetryIsinulat gamit ang tinta na may bahid ng sugatang puso 09/12/2020