FRIENDZONE

9 1 0
                                    

Malawak ang ngiti kong nag-aayos ng sarili sa harap ng salamin. Punong-puno ako ngayon ng lakas ng loob dahil sa salitang nagpaulit-ulit sa utak ko.

"Mahal kita."

Napapangiti na naman ako. Talagang ngayong araw ay hindi mawala-wala ang ngiti sa labi ko dulot ng dalawang salitang 'yon na narinig ko mula sa babaeng mahal ko.

Hindi ako magsasawang marinig sa kaniya 'yon araw-araw.

HiHindi naging malinaw sa pandinig kong ako ang sinasabihan niya, o 'yon nga lang ba ang sinabi niya pero bakit ganito? Sobra sobra ang tuwa sa puso ko. Sobra-sobra kasi may parte sa'king umaasa. Umaasang totoo ang sinabi niya at sa wakas ang pangarap ko ay matutupad na. Pero hindi parin mawawala ang pangamba.

Dalawang salita na nagbibigay sa'kin ngayon ng lakas ng loob para umamin ng tunay kong nararamdaman sa matalik kong kaibigan. At ang dalawang salitang rin 'yon ang posibleng dahilan para lubusan akong masaktan dahil nagsisimula na akong umasa.

Pero susugal parin ako, maiparamdam ko lang sa kaniya na mahal ko siya.

KUNG KANINA ay abot-abot ang ngiti ko at hindi mapaglagyan ang lakas ng loob, ngayon ay tumatambol na sa kaba ang puso ko. Nandito na kasi ako sa harap ng condo kung saan siya nakatira. Nanginginig at namamawis rin ang kamay ko dahilan para manginig rin ang hawak kong bulaklak. Huminga ako nang malalim sa kabila ng kaba at pananabik na nararamdaman.

Kaya ko 'to. Kaya ko.

Kumatok na ako. Ilang sandali pa ay bumukas na ang pinto at bumungad sa'kin ang pinakamagandang babaeng nakilala ko.

"Oh, Vince? Ikaw pala. Halika, pasok ka." Aya niya. Muntik na akong matulala sa kaniya pero buti nalang ay nasaway ko agad ang sarili ko. 

Isa sa ugali niyang kinahumalingan ko ay 'yong pagiging masayahin niya. Pagiging makulit, at minsan, isip bata. Napapangiti naman ako dahil isa ako sa mga makakapagpatunay no'n.

"Bakit ka nandito—"

"A-Angel..." Putol ko sa kaniya. Inosente naman siyang tumingin sa'kin.

Kinakabahan ako kaya huminga ako ng malalim at tumitig sa magaganda niyang mga mata. Kusang nawala ang kaba ko nang malamangan ng tunay kong nararamdaman para sa kaniya ang hiya ko.

"P-Para sa'yo..." Dahan-dahan kong inabot sa kaniya ang bulaklak na dala ko. Nakangiti niya 'yong tinanggap dahil paborito niyang bulaklak ang binigay ko.

Tulips.

"Wow! Hahaha! Thank you dito, ha?" Sabay amoy niya doon sa tulips at napangiti dahil sa bango no'n. Mas lalo ko siyang natitigan. "Ano nga palang meron at binigyan mo 'ko nito?"

"W-Wala naman." Tipid kong sagot sabay napapikit dahil sa inis.

Paanong wala?! Sasabihin ko nga yung nararamdaman ko, 'di ba?!

Bumuntong-hininga ako kaya naman nag-angat siya ng tingin sa'kin ng may halong pag-aalala.

"Ayos ka lang? Mukhang problemado ka, ah? Upo ka muna." Presinta niya saka ako pinaupo sa sofa. Nagpunta muna siyang kusina para ipagtimpla daw ako nang juice.

Kaya ko 'to! Oras mo na 'to, Vince! Magtapat ka! Sabihin mo ang tunay mong nararamdaman na kinimkim mo sa halos apat na taon! Sabihin mong mahal mo siy—

Wait. Ano 'yon?

Sa 'di malamang dahilan ay bigla akong kinabahan. May nakita akong lalaki sa kwarto ni Angel. At ang masama, napaghihinalaan ko kung sino siya.

Sana mali ako ng akala.

Nawala ang atensyon ko ro'n nang umupo na sa tabi ko si Angel na may dalang juice. Nilapag niya naman 'yon sa mesa saka ako tiningnan.

"Ano bang problema mo? Magsabi ka sa'kin—"

"Angel." Seryoso akong tumingin sa kaniya kaya naitikom niya ang bibig at tumitig rin sa mga mata ko. Bumaba ang tingin ko sa kamay niya at maingat na hinawakan 'yon na para bang 'yon ang pinakababasagin na bagay sa mundo.

Eto na 'yon. Pagkakataon ko na 'to.

"Sobrang masaya ako dahil naging matalik kitang kaibigan. Nandiyan ka sa mga oras na malungkot ako, masaya... at ikaw ang pumuna ng pagmamahal na matagal ko nang hinahangad sa sarili kong kapamilya. Simula noong—"

"Saglit lang, saglit, Vince." Naguguluhan niyang binawi ang kamay sa'kin. Napayuko ako. "Ano ba 'tong mga sinasabi mo?"

Pumikit ako nang mariin at matapang na sinalubong ang mga mata niya. "Mahal kita. Hindi lang bilang kaibigan, mas higit pa ro'n—"

"Vince."

Napatitig ako sa kaniya. Ngayon niya lang binanggit ang pangalan ko sa seryosong tono. Napalunok ako at kinabahan.

"M-May pag-asa ba ako?" Kinakabahan kong tanong. Sa hitsura niya kasi ay parang alam ko na ang isasagot niya at natatakot akong marinig 'yon mula sa kaniya.

"Vince..." Huminga siya ng malalim. "Naging matalik tayong magkaibigan pero... h-hindi tayo pareho ng nararamdaman—"

"Anong ibig mong sabihin?" Natawa ako ng mapait. "Sinabi mo lang kahapon na mahal mo ako pero ngayon naman biglang 'hindi tayo pareho ng nararamdaman'??"

"Mali ang pagkakarinig mo—"

"Mali?"

Sa tono ng boses ko ay pakiramdam ko nanghinayang ako. Kasabay din nang unti-unting pagkadurog ng puso ko.

Napayuko si Angel saka huminga ng malalim. Nag-angat siya ng tingin sa'kin para salubungin ang mga mata ko.

"Sinabi kong mahal kita...p-pero bilang matalik kong kaibigan. Hindi mo ata narinig yung huli kong sinabi, Vince. I'm sorry..." Aniya sa mahinang boses.

Umasa lang pala ako sa wala.

May isang butil ng luha ang kumawala mula sa mga mata ko kaya mas lalong napayuko si Angel.

Gusto ko siyang sisihin. Gusto kong magalit... dahil hindi niya ako mahal tulad ng nararamdaman ko at inaakala ko. Pero kahit pa sisihin ko siya, alam kong ako lang naman ang may kasalanan dahil umasa ako ng walang kasiguraduhan.

"Babe?" Isang pamilyar na boses ang narinig namin kaya nagtataka akong napatingin kay Angel na ngayon ay parang biglang nabalisa at hindi makatingin sa akin.

At bakit babe? Sinong babe?

"Kuya Vince?"

Tuluyan nang lumabas ang lalaki sa kwarto na siyang tinitingnan ko kanina. Nagtatanong akong nakatingin sa kaniya habang palipat-lipat naman ang tingin niya sa'ming dalawa.

Isa sa taong importante sa buhay ko at mahal na mahal ko.

Ang kapatid ko.

"Babe? Ayos ka lang ba?" Baling niya kay Angel saka tumingin sa'kin.

Natigilan ako saka nasasaktang napatingin sa mala-anghel na mukha ni Angel.

"K-Kayo na?" Hindi makapaniwalang tanong ko kahit obvious naman ang sagot. Masayang ngumiti sa'kin si Vincent saka tumango. Natahimik lang na napayuko si Angel.

"Sorry kuya, ha? Hindi ko nasabi sa'yo na girlfriend ko na 'tong bestfriend mo. Ayaw niya daw muna kasi ipasabi sa iba at naiintindihan ko naman 'yon. I respect her decision."

Sa kabila ng sakit na nararamdaman ay nakaramdam din ako ng saya para sa kanila kahit papa'no.

Ayos lang, atleast, nasa marespeto, marangal at nasa mabuting kamay na lalaki si Angel. Dahil pinalaki ko ng maayos ang kapatid ko, alam kong hindi niya sasaktan ang babaeng minsan ko na ring pinangarap.

✍️: @janesscious | Janess Manunulat

ONESHOT TAGALOG STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon