SOMEWHERE IN THE DARK FOREST

66 4 0
                                    

𝐒𝐎𝐌𝐄𝐖𝐇𝐄𝐑𝐄 𝐈𝐍 𝐓𝐇𝐄 𝐃𝐀𝐑𝐊 𝐅𝐎𝐑𝐄𝐒𝐓
( 𝑅𝑒𝑝𝑜𝑠𝑡𝑒𝑑 )


"Kailangan may isa sa'ting bumili ng tools para maayos itong sasakyan. Kulang kasi ang gamit dito dahil naiwan ko sa bahay ang iba." Sabi naman ni Troy na siyang nag maneho nang van.

Salubong ang kilay kong palingid-lingid sa paligid dahil sa iritado at naiinip na. Mas lalo namang tumaas ang kilay ko nang masulyapan na lahat sila nakatingin sa'kin.

"What?" Inis kong tanong na nahuhulaan na sa mga mata nila ang pagtingin sa'kin.

"Cassie, ikaw nalang bumili do'n malapit sa hardware. Di ka namin masasamahan dahil kailangan rin sila dito para maayos 'yong sasakyan." sabi ni Troy.

"What?!" Inis kong singhal.

Talaga naman oo. Ang dami-dami namin tapos ako lang mag-isa!? Ha!

Napairap nalang ako sa hangin nang makita na seryoso na silang lahat nakatingin sa'kin.

"Fine!" Busangot ang mukha kong pumasok sa kotse at mabilis 'yon na pinaandar.

Nagplano kaming magbabarkada na magbakasyon ng ilang araw sa bahay ng kaibigan namin ngayon. Malas nga lang dahil nasiraan ang van na gamit nila. Habang ako naman ay may sariling kotse kaya nagawa nilang utusan!

Salubong lang ang kilay ko dahil sa inis. Ngunit bumalik ako sa katinuan nang maalalang hindi nga pala nila sinabi sa'kin kung saan bibili.

Damn it!

Hindi ko pa naman kabisado ang daan dito. Ang tanga-tanga, Cassie!

Natagpuan ko nalang ang sarili kong nasa liblib ang lugar. Malapit na 'ring bumagsak ang araw.

Kamalasan nga naman.

Sinubukan ko rin silang tawagan pero nalowbat na ang cellphone ko.

"Argh!" Inis kong sinabunutan ang sarili ko dahil sa katangahan. Pa'no na'ko makakauwi nito eh— hindi ko na alam ang daan pauwi? Bwisit!

Inis na inis parin akong dumere-deresto sa daan. Pero nanlambot na ang mukha ko nang simulan akong kilabutan.

Sa liblib na lugar, halos natatakpan na nang malalaking puno ang buong paligid. Isama pa ang madilim na daan senyales na malapit ng maghating-gabi.

Ilang minuto ko paring pinagpatuloy ang pagpapaandar ng sasakyan habang tumatagaktak ang pawis. Nagsisimula na akong kabahan. Ngayon ko lang naramdaman ang ganitong klaseng takot at kilabot.

Napapalunok akong tumingin sa harap ng aking kotse. Gustuhin ko mang pumikit para maibsan ang takot ay hindi ko magawa dahil baka makabangga ako ng kung sino.

Gano'n nalang ang mabilis na pagtibok nang puso ko nang marinig na may kumaluskos sa gilid. Sinulyapan ko iyon at pinigilan ang takot na nararamdaman.

At halos mapatili na ako sa mura nang malakas na bumangga ang kotse ko sa kung saan!

Halos habulin ko na ang hininga, napapalunok at kinakabahan akong bumaba para makita kung ano man ang nabangga ko. Nanginginig pa ang mga kamay at tuhod ko.

Pero nagbago na ang isip ko. Sa halip na bumaba, bahagya akong tumayo sa inuupuan para makita kung ano ang nabangga ko. Nangunot-noo ang noo ko na makitang wala namang kung ano sa harapan ng kotse ko.

Halos naiiyak na ako sa isiping hindi lang ako mag-isa sa liblib na lugar na 'to.

Pinagpatuloy ko paring magmaneho pero dahan-dahan na ngayon. Takot na baka sa sunod totoo na ang mabangga ko. Pinilit ko pa rin buksan ang cellphone ko pero wala talaga. Pawisan at nanginginig ang kamay kong binitawan ang cellphone at mahigpit na humawak sa manibela.

Nahulog ang cellphone sa may paanan ko. Mabilis akong yumuko para kunin 'yon. Pero gano'n nalang ang kilabot na bumalot sa'kin nang maiangat ko na ang ulo at makita kung ano ang nasa harapan.

Mommy...

Sunod-sunod na paglunok ang ginawa ko nang matanawan sa harapan ang animo'y mga taong hindi na humihinga. Hindi lang sila lima, marami pa. Nakatali ang mga leeg mula sa sangay ng puno. Ang iba pa ay parang matatanggal na ang ulo mula sa sinasabitan dahil bukod sa mukhang matagal na silang binitin ro'n, nabubulok narin ang kanilang mga katawan. Parang doon sila binitay hanggang sa mawalan ng buhay.

Halos habulin nang sampung kabayo ang puso ko dahil sa kaba at takot na nararamdaman. Tumulo na ang luha kong tiningnan pa sila lalo. Kahit nanginginig na ako sa takot ay hindi ko maalis ang paningin sa kanila.

Gusto kong lumayo, gusto kong magpaandar paatras pero hindi ko alam kung bakit hindi ko magawa. Mas lalo akong hindi nakakilos nang mapansing gumalaw ang isa sa kanila!

Napako ako sa kinauupuan. Tinitigan ko sila at gano'n nalang ang pagsinghap ko nang matanawang gumagalaw narin ang iba sa kanila! Para silang nabuhay kahit nakabitin ang mga leeg mula sa sangay ng puno!

Halos mapatalon ako sa takot at pigil ang sariling tumili. Nakaawang at nanginginig ang labi kong nakatingin sa mga nakakatakot na nilalang sa aking harapan.

Pakiramdam ko mas lalo akong hindi nakahinga nang mamataan kong nakatingin ang ang isa sa kanila sa'kin! Sumunod din ang iba at gano'n ang ginawa, mulat na mulat ang mga mata sa'kin kahit ang mga ulo ay nakabitin!

Hiniling kong sana nilamon nalang ako ng lupa. Ngunit nang maisip 'yon ay mas lalo akong kinalibutan. Baka mas maraming katulad nila doon at samahan pa akong magtago.

Fuck!

Nangingilid na ang luha kong hindi inaalis ang tingin sa kanila, nangungusap at nanghihingi ng katahimikan. Iniisip na baka sakali ay maintindihan nila ako. Ngunit wala akong mabasa sa ekspresyon ng mukha nila kundi blangko. Nakakatakot. Nakakakilabot.

Sana kinuha na ako ni Lord ngayon. Sana mamatay nalang ako bigla nang hindi nila nahahawakan at nalalapitan.

Ayoko naaa!!

"Waaa.... "

Gano'n nalang ang panlalaki ng mga mata ko nang marinig ang isa sa kanilang magsalita! Kahit nasa loob ng kotse ay naririnig at nararamdaman ko sila. Bumubuka rin ang mga bibig at halatang may gustong iparating sa'kin! Nadagdagan lalo ang takot na nararamdaman ko.

"Laaaa... " Iba naman ang nagsalita no'n. Halos pigil hininga ang ginagawa ko sa sarili dahil sa kilabot. Takot na baka isang ingay o salita ko lang, bumaba sila mula sa sinasabitan at dumugin ako.

Mariin akong napapapikit dahil sa dami nang tumatakbo sa isip ko na hindi rin naman nakakatulong sa sitwasyon ko ngayon.

"Kang... " Iba rin ang sumabat no'n. Mula sa takot na nararamdaman ay nagsalubong ang kilay ko. Parang may salita silang pinagdudugtong-dugtong.

Wala... kang... anong ibig sabihin no'n?

Hanggang sa sabay-sabay na silang nagsalita.

"WALA KANG JOWA."

"WALA KANG JOWA."

"WALA KANG JOWA."

"WALA KANG JOWA."

"WALA KANG JOWA."

"WALA KANG JOWA."

P-Pota.

✍️: Janess|@janesscious

• Work Of Fiction

ONESHOT TAGALOG STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon