KAHIT KONTING ORAS LANG

17 0 0
                                    

KAHIT KONTING ORAS LANG

"Kahit konting oras lang, Justin? Ako naman ang pagtuunan mo ng pansin, oh. Hindi naman big deal ang hinihingi ko."

Nakatayo siya sa harap ko, handa nang umalis. Kung hindi ko pa siya hinawakan sa braso, malamang ay nakawala na naman siya sa tabi ko.

Nasa isang bench ng park kami nakaupo ngayon. Ang araw na ito talaga ay para sa aming dalawa lang dahil date namin ngayon. Sa'kin lang dapat ang oras niya ngayon. Sa'kin lang dapat ang atensyon niya ngayon.

Nahilot niya ang sariling sentido. "For goodness' sake, Anne. Kailangan ako ng girlfriend ko."

Nakagat ko ang labi. Kahit parang pinipiga sa sakit ang puso ko, pinilit ko parin siyang ngitian.

"Kailangan din naman kita, Justin."

Bumuga siya ng hangin, tila nauubusan na ng pasensya sa akin.

"Talaga bang uunahin mo pa 'yang sarili mong nararamdaman? Delikado ang buhay ni Joana ngayon! Kung hindi ko siya pupuntahan, baka kung anong gawin niya sa sarili niya!" Nafufrustate niya nang sabi.

Gusto ko siyang intindihin. Pinipilit ko siyang intindihin. Pero sadyang ayaw makisama ng puso ko at mas matimbang sa'kin ang kagustuhang huwag siyang hayaan na umalis.

"Hindi niya naman siguro kayang gawin 'yon-"

"Hindi?! Paano ka nakakasiguro?" Marahas niyang tinanggal ang kamay kong nakahawak sa kaniya habang galit ang mga matang nakatuon sa'kin.

"Kung tutuusin ay kasalanan mo 'to, e. Kung hindi mo ipinagpilitan ang sarili mo sa'kin, edi sana hindi hahantong sa ganito ang lahat! Nalaman na ni Joana ang tungkol sa atin at sinabi niya na kung hindi kita iiwan, magpapakamatay siya. Sa tingin mo ito pa ang tamang oras para magdrama ka ngayon?"

Umawang ang labi ko sa mga narinig sa kaniya.

"G-Girlfriend mo rin naman ako..."

"Girlfriend?" Parang gusto niya pang matawa. "Matagal na akong nakipaghiwalay sa'yo, hindi ba? Hindi ko alam kung naintindihan mo bang matagal na tayong wala o sadyang nagbubulag-bulagan ka lang na hindi na ikaw ang mahal ko."

Natigilan ako. Tinitigan ko siya, naghihintay na bawiin ang sinabi at baka hindi niya lang 'yon sinasadya. Pero walang nagbago sa ekspresyon niya.

Nanlumo ako.

"Pero... y-yung nangyari sa'tin, wala bang ibig sabihin 'yon sa'yo? B-Binigay ko lahat ng meron ako sa'yo, Justin." Nangilid na ang mga luha ko. "Kung para sa'yo matagal na tayong wala, bakit h-hinayaan mo pang may mangyari sa'tin?"

"Dahil mapilit ka!" Sigaw niya. Nanigas ako sa kinauupuan.

"Akala ko titigil ka na pagkatapos kitang mapagbigyan pero hindi, e. Mas lalo kang lumala. Halos habulin mo na ako araw-araw mailayo lang kay Joana at masolo ako. Hanggang ngayon ba hindi mo parin nagegets? Na si Joana na ang mahal ko at hindi na ikaw?"

Kumuyom ang kamao ko habang pinipigil na tumulo ang luha. Napayuko nalang ako at napako ang paningin sa sahig.

"Si Joana lang ang nag-iisang itinuturing ko na girlfriend ko. Siya lang ang mahalaga sa akin at siya na ang mahal ko. Kaya tumigil ka na sa kahibangan mo at gumising ka na sa katotohanang hinding-hindi na ako babalik sa'yo."

Yun ang huling mga salita na narinig ko sa kaniya bago siya tuluyang nawala sa paningin ko. Wala akong nagawa kundi ang panoorin nalang siyang umalis hanggang sa hindi na siya nakita ng mga mata ko.

Tuluyan nang bumuhos ang mga luha ko. Tanging ang malamig na hangin at ang medyo madilim na paligid ang tanging karamay ko sa kalungkutan. Hinayaan ko ang sariling umiyak, mailabas ko lang lahat at maiubos ko lang lahat, para sa susunod na araw ay wala nang matira sa'kin.

Kaya lang, may natira pa ba sa'kin? Wala na. Lahat nilaan ko kay Justin. Buong puso at kaluluwa ko ay halos naialay ko na sa kaniya. Ang kaso nga lang, tinanggihan niya ang pagmamahal ko at mas piniling sumama sa iba.

Sadyang mali lang ba talaga ang mga desisyon ko? Tama bang sumobra ako sa pagpilit sa sarili ko? Hindi ko na alam. Napapagod naman ako pero ayaw magpatalo ng puso ko. Mas gusto ng puso kong maging makasarili at gawin ang lahat para sa sariling ikakasaya ko.

Hindi ko alam kung papaanong humantong kami sa ganito ni Justin. Masaya naman ang relasyon namin noon, hanggang sa makahanap siya ng iba at agad akong pinalitan.

Masakit pero kahit ganoon ay hindi ko siya kinayang bitawan. Ayoko siyang pakawalan. Hindi ko matanggap na hindi niya na ako mahal. Mas pinili kong hindi paniwalaan ang mga nakikita at naririnig at umasa paring babalik kami sa dati kahit pa napakaimposible na ulit no'n na mangyari. At dahil din doon kaya ako nasasaktan ngayon.

"Hay..ang tanga ko talaga." Sa gitna ng pag-iyak ay nakuha ko pang matawa sa sinabi. Pero nang bumaba ang tingin ko sa tiyan ko, mas lalo akong binalot ng lungkot at sakit.

Hinimas ko ang tiyan ko. "Ramdam mo rin ba kung gaano ako kalungkot ngayon? Sayang. Akala ko magiging masaya ang araw ko ngayon dahil sa balak kong ibalita sa kaniya."

Masikip ang dibdib pero ngumiti ako sa kawalan habang hawak parin ang tiyan. Siguro ay kailangan ko na talagang pigilan sa pagiging makasarili ang puso ko. Gusto ko na maging makasarili para sa sarili kong kalagayan at hindi para sa kasiyahang kailangan ko pang agawin sa iba, na nauna namang naagaw sa akin.

Siguro ay ganoon talaga ang plano ng tadhana. Maraming bagay ang kailangan nating maranasan at pagdaanan. Magkakaiba man tayo ng sakit na nararamdaman, isa lang ang palaging gusto nitong iparating sa atin. Na dapat ay maging matapang tayo sa lahat ng oras at tibayan ang loob na hindi basta-basta susuko sa isang pagsubok.

Kaya simula sa araw na 'to ay magbabago na ako. Babaguhin ko na ang pananaw ko sa buhay at mas pipili ng mga desisyong hindi ko pagsisihan sa huli.

"Kaya natin 'to, anak ko." Muli ko pang hinimas ang tiyan ko. "Lalaban ako at pipilitin kong kayanin ang lahat para sa'yo. Hindi narin ako aasa sa iba at tatayo na sa sarili kong mga paa, at aalagaan kita hanggang sa lumabas at lumaki ka."

Written by: @janesscious | Janess Manunulat

Everyone, always know your worth. Hindi tamang maghabol sa taong walang balak na pahalagahan tayo, lalo na kung alam mong sa umpisa palang ikaw na ang talo. Instead, mas piliin nating maging masaya para sa sarili natin, at huwag idepende sa iba ang magiging kasiyahan natin.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 28, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

ONESHOT TAGALOG STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon