DEPRESSED FOR GRADES

35 2 0
                                    

DEPRESSED FOR GRADES

"Bakit ganito? Bumaba ng husto ang grades mo, Mica. Anong nangyari?"

Bumaba ang tingin ko at kinagat nang mariin ang labi. Nagbabadya nang tumulo ang luha.

"Seryoso, Mica, bakit naging ganito?" Si Tita Jen.

Napalunok ako. Hindi alam ang sasabihin. Nandito ako ngayon sa bahay ng mga lola ko... para lang pag-usapan ang tungkol sa bumaba kong grades.

Si Mama, dalawa kong lola, si Tita Jen at isa ko pang Tito. Lahat sila nakapalibot at nakatingin sa'kin. Ang sabi nila, 'wag ko daw isipin na kino-corner nila ako pero ang totoo, yun ang nararamdaman ko.

Huminga ng malalim si Tita Jen at disappointed na tumingin sa'kin. "60? 78? 79? 75? Anong klaseng grades 'to, Mica?"

Tuluyan nang tumulo ang luha ko. Hindi naman siya sumisigaw pero seryoso ang boses at mukha.

Si Lola Beth naman ang tumingin sa'kin, nanay ni Tita Jen. "Bakit yung grades mo naman noon, Mica, matataas? Pasok ka pa lagi sa may honors. Ngayon, anong nangyari?"

Tuloy-tuloy lang ang pagtulo ng luha ko at hindi makatingin sa kanila. Sumisikip ng husto ang dibdib ko dahil pakiramdam ko nasusuffocate ako sa dami ng mga matang nakatuon at disappointed sa'kin.

"Oo nga, anong nangyari, Mica? May boyfriend ka na ba?" Nang-aakusang tanong ni Tita Jen. Kahit naluluha ay umiling ako ng umiling.

"Yun naman pala. Bakit biglang nagkaganito?"

Huminga ako ng malalim. Pinag-iisipan kung dapat ko bang aminin sa kanila ang matagal ko nang iniipon sa sarili. "N-Nagka-anxiety po ako... n-na depress din dahil sa pag-aaral..."

"Nagka-anxiety?"

Marahan akong tumango at yumuko. Ayaw makita ang magiging reaksyon nila.

Noon talaga ay honor student ako. Laging pasok sa top at matataas ang grades. Pero dahil sa pandemya at self-learning, nahirapan rin akong mag-aral.

Na-depress din ako dahil sa pressure at maraming responsibilidad na nakapatong sa balikat ko. Araw-araw, gabi-gabi... palagi akong umiiyak. Masyado akong tahimik kaya lahat ay iniipon ko lang sa sarili ko.

"Nagka-anxiety ka lang, ganito na ang kinalabasan?" Si Tita Jen, umiling-iling. Halos nanigas ako sa kinauupuan dahil sa pagkatigil. "Na-depress ka, dahil sa pag-aaral? Hindi naman mahirap 'yan, ah. Nasa bahay ka naman, lahat ng sagot sa lessons niyo makikita naman sa Google kaya bakit nahirapan ka? Eh, hindi ka naman b0bo. Tapos sasabihin mo na dahil lang nagka-anxiety ka bumaba ng husto ang grades mo? Ano ba talagang pinagggagawa mo sa buhay mo?"

"Kami nga noon, nahirapan din mag-aral pero hindi naman kami nakakuha ng ganyang klaseng grades. Hindi pa uso ang Google at cellphone noon, ha."

"Oo nga. Sa panahon namin noon, Mica, ang 80 o 85 na grades mababa na. Partida niyan napapagalitan o nabubugbog pa kami dahil sa ganyang grades. Pero bakit sa panahon niyo ngayon, 75 to 70 na ang pasang-awa at 60 na ang pinakamababa?"

"Maswerte nga kayong mga kabataan ngayon dahil hindi niyo naranasan ang naranasan namin."

"Kung anak kita, hindi pwede sa'kin ang ganito. Baka nasaktan na kita."

Napapapikit ako, pinipigilan ang luhang nagbabadyang bumagsak ng sunod-sunod. Kinuyom ko ang kamao ko. Pakiramdam ko sasabog na ang utak ko sa dami nang naririnig at negatibong senaryong naiisip.

Nang imulat ko ang mga mata ay gano'n nalang ang pagkamutla ko nang makitang nandidilim ang paningin ko sa hindi malamang dahilan. Nagiging malabo narin ang pandinig ko. Nanginginig ang buo kong katawan dahil sa paghikbi at sa kakaibang takot na unti-unting bumabalot sa'kin. Nang luminga ako sa paligid ay halos mahigit ko ang hininga nang makitang nag-ibang anyo ang mga tao sa paligid ko. Nagmukha silang halimaw na ang armas na gamit para saktan ako ay ang mga salita nilang hindi mapigilan. Kumibot ang labi ko at sobrang bilis ng tibok ng puso ko dahil sa takot.

"Mica!"

Napabalikwas ako ng bangon. Nang makitang nasa kwarto ako at ang lahat ay panaginip lang, naluha nalang ako at umiyak ng tahimik sa dulo ng kama.

Ang totoo ay hindi 'yon panaginip. Nangyari talaga ang lahat nang 'yon at halos araw-araw ay hina-hunting ako ng ala-alang 'yon. Para bang ayaw akong pakawalan sa lahat nang narinig at nangyari. Na kahit maisip ko lang, nanginginig na agad ako sa takot.

"Anong ginagawa mo, Mica?"

Nandito kami ngayon sa kwarto ni lola Rima, pinsan ni lola Beth. Dito kasi kami natutulog kapag pumapasok si Mama at stay-in sa trabaho para mabantayan kami ng maayos.

Napatingin ako kay lola Rima. Nakatingin siya sa'kin at sa hawak kong cellphone na parang may ginagawa akong mali. Kumunot ang noo ko.

"Nagsasagot po ng test namin."

Dahil nga walang face to face classes, sa gform na kami nagsasagot ng summative test. Matatapos na ako sa isang subject kaya makakahinga na ako nang maluwang.

Umismid siya. "Nagsasagot..." Nandoon na ang pang-aakusa sa tono saka ako ningiwian. "Nagsasagot o ka-chat mo na naman ang boyfriend mo. Puro ka nalang cellphone, tapos ang pag-aaral mo hindi mo magawa ng tama."

Mas lalong nagsalubong ang kilay ko. Gusto kong sumagot pero kapag ginawa ko 'yon mas lalong lalala ang lahat. Dahil sa dami nang gusto kong sabihin na hindi ko magawa, nangilid agad ang mga luha ko.

"Puro ka boyfriend, puro ka cellphone, tapos grades mo sobrang baba naman—"

Hindi ko na kinaya ang mga narinig kaya mabilis akong lumabas ng kwarto niya at padabog na sinara ang pinto. Nanghihina akong napaupo sa labas habang naririnig parin ang mga hinaing ni lola Rima na hindi ko alam kung saan nanggagaling.

"Ayus-ayusin mo 'yang ugali mo, Mica, ha! Lumalaki kang bastos! Ayaw mong pinagsasabihan ka pero ayaw mo 'ring tumino—"

Mahigpit kong tinakpan ang dalawa kong tainga gamit ang dalawa kong palad para wala nang marinig. Impit akong sumigaw at umiyak. Gustong-gusto kong magwala pero ayaw kong gumawa ng kahit anong ingay. Gusto kong manakit dahil sa sobrang sakit at bigat ng dibdib. Gusto kong...

Wala sa sarili akong tumingin sa paligid na parang may importanteng hinahanap. Hanggang sa tumuon ang paningin ko sa gunting na nasa gilid. Parang gusto kong hablutin 'yon para masugatan ang sarili.

Mas lalo akong napaluha at bumaba ng tingin, nagpipigil. Hindi pwede, ayoko. Ayokong gawin ulit 'yon. Ayoko nang saktan ang sarili ko... ayoko.

Nandidilim na naman ang paningin ko at nanginginig na sa takot. Unti-unti ang hikbing pinipigilan ko ay palakas na ng palakas. Hinahabol ko narin ang hininga dahil parang kakapusin na ako ng hangin.

Hindi parin matanggal ang gunting sa isip ko kaya umupo ako at sinabunutan nalang ang sarili bago pa ako mawala sa katinuan. Sinabunutan ko ng paulit-ulit ang sariling buhok at malakas na sinusuntok ang ulo gamit ang nakakakuyom kong kamao. Paulit-ulit kong ginagawa 'yon habang wala paring tigil sa pagluha ang mga mata ko. Tumigil lang ako nang mapagod at nang maramdaman na ang pananakit ng ulo at anit ko.

Hindi parin ako matigil sa pag-iyak. Ngayon ay tahimik nalang akong iniipon na naman ang lahat sa sarili. Nakakapagod na. Ayoko na.

Halos hilingin ko na sa Diyos na kunin niya ako nang hindi ko nasasaktan ang sarili ko. Kapag ginawa ko 'yon ay magkakasala ako sa kaniya. Ayaw kong gawin 'yon. Kaya pinagdasal ko nalang na kuhanin niya na ako dahil hindi ko na kaya ang mga pagsubok na binabato ng tadhana sa'kin.

Hindi ko alam kung hanggang kailan ako dapat magtiis. Sa totoo lang ay ayaw ko na. Nawawalan na ako ng gana sa lahat. Gusto kong magalit sa kanila pero parang mas makakabuting ako nalang ang mawala para wala na silang problema.

Ngayon ay narealize ko na kahit anong paghihirap o effort ang gawin ko maging proud lang sila sa'kin, kung sa huli ay babagsak ako sa lupa... hindi sila magdadalawang-isip na hindi ako tulungan. Sa halip ay mas lalo nila akong hihilahin pababa. Ayan ang tunay na kahulugan ng kamag-anak.

✍️: @janesscious | Janess

• NO MORE NEXT

Photos are not mine.

ONESHOT TAGALOG STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon