82: Arcade City: The Bet

375 15 3
                                    

" Oi! Financier!"

Kahit malayo na ang mag-amo sa kinatatayuan ni Meiji, rinig na rinig pa rin ng dalaga ang malakas na pagtawag sa kanya ni Kosuke. Masama pa rin ang pagkakatingin niya sa binata subalit may halo na'yong malademonyong ngiti. Naplano na kasi niya kung paano niya lulustayin ang dimes ni Kosuke. At hindi siya papapigil para gawin iyon.

Mabilis na niyang nilakad ang agwat niya sa mag-amo. Saktong nasa tapat na pala ang mga ito ng first stop ng kanilang pagliliwaliw-ang napakalawak na pavilion para sa mga arcade games, mapavirtual man, modern o old school.

Pumalit sila ng napakaraming game tokens at saglit pa nga'y parang walang bukas na naglaro si Kosuke at Kipper ng mga arcade games. Nilibot nila ang buong pavilion at nilaro ang lahat ng arcade games na malalaro nila. Nagpatuloy lang sila hanggang sa nagsawa si Kosuke sa kakalaro kung kaya naman naisipan na nitong hamunin sa isang arcade game si Meiji na malugod namang tinanggap ng dalaga. Nakangisi pa si Meiji nang pumayag siya. Aniya sa sarili, ito na ang oras para isahan ang mag-amo.

Naisip ni Meiji na para aniya maging masaya ang kanilang laro, kailangan nilang maglagay ng kani-kanilang mga pusta. Mabilis naman itong sinang-ayunan ni Kosuke.

Dahil nga sa ipinamigay pa ni Kosuke ang tanging dalang kayamanan ng dalaga, napilitan tuloy si Meiji na manghiram sa kaban ng dimes ng binata. Sinabi naman niya iyon kay Kosuke na hindi naman nagdalawang-isip na umuo. Saktong diamond dime rin ang kinuha ng dalaga at ito na nga ang ipinagsapalaran niyang ipusta. Kumpiyansa naman siyang mananalo kaya matapang niya itong inilapag sa isang tabi kasama ng pusta ni Kosuke na mismong si Meiji ang naglabas mula sa account vault niya. Sinadya pa niyang lakihan ang pusta ni Kosuke na hindi naman alintana ng binata o marahil wala rin itong paki.

Sandali pa nga'y naghanda na silang dalawa. Humarap sila sa machine na pinagsang-ayunan nilang piliin-ang machine para sa larong Whack-A-Mole.

Simple lang naman ang laro. Titiyempuhan lang nila ang paglabas ng isang o higit pang mole mula sa labing-dalawang butas saka ito hahampasin ng isang rubberized na maso na tumutunog kapag ipinupukpok. Madali lang ang laro. Basic kumbaga. Subalit ang twist. May ibang panggulo sa laro tulad ng mga rabbit at squirrel na lumalabas sa ibang butas na kinakailangan namang iwasan upang hindi mabawasan ang kanilang points. Pinahirap pa ang laro ng paglalabas ng iba't ibang klaseng mole na halos magkakamukha naman at halos magkakasabay din kung lumabas. Bawat makaligtaang mole ay ibabawas din sa makukuhang points. Kung sino naman ang may pinakamaraming mole na natamaan sa itinakdang time-limit, siya ang panalo.

Kapwa mahigpit na ang pagkakahawak ng dalawa sa maso nang magsimula ng magcountdown ang screen na nasa ulunan ng machine. At sa pagsapit nga sa pinakahuling bilang, halos sabay na nilang itinaas ang hawak na maso. Sa pagsapit ng oras, halos naging panabay din ang bawat kilos nila. Isang tama, dalawang tama hanggang sa di na magkamayaw ang dalawa sa paghampas dito at doon, kanan man o kaliwa. Pareho silang pokus hanggang sa dumating na sa yugto kung saan mas naging mahirap ang laro. Gayunpaman naging mas mabilis naman ang kanilang ginagawang paghataw sa maso. Subalit nauna ng magkamali ng hataw si Kosuke. Nahataw nito ang kuneho na hindi naman dapat. Naulit pa iyon ng tatlong beses dahilan para mabawasan ang puntos ng binata. Minalas din si Meiji. May nahataw din siyang isang squirrel at nakaligtaan naman ang isang mole kaya nabawasan din ang kanyang puntos.

Nagpatuloy lang sila hanggang sa natapos ang itinakdang oras ng machine. At sa pagtatapos na iyon, buong yabang na ibinaba ni Kosuke ang maso. Kumpiyansa ang binata na siya ang mananalo dahil sa tatlo lamang ang naging mali niya.

Subalit mas mayabang si Meiji.

Hawak pa rin ni Meiji ang maso nang tila nang-aasar na tinignan niya si Kosuke kapagdaka ay sa naging iskor niya kung saan dalawa lamang ang bawas na puntos. Sa madaling sabi, siya ang nanalo. Si Meiji ang may pinakamaraming nakuhang puntos.

Mischievous WitchTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon