Sinabi rin lahat ni Thuk sa grupo nina Maui ang gusto nilang malaman. Walang pinalampas na detalye ang satyr mula sa pagsama ni Meiji sa kawan ng mga centaurs, ang nangyaring sagupaan sa kweba ng mga dragon sa pagitan ng grupo nila laban sa mga tulisan, hanggang sa tangayin na ng dragon ang dalaga. Gulat at di makapaniwala naman ang naging reaksyon nila. Halos magkakapareho pa nilang naisip na hindi lang pala pantasya ni Meiji ang mga dragon, kundi ang mga ito'y totoo.
Ngunit kasabay ng kanilang mga reaksyon, pagkabahala naman ang naramdaman ni Maui. Alam na alam niya na mapangahas magdesisyon si Meiji na kadalasan hindi na nito iniisip ang maaaring kalabasan ng ginawa ngunit hindi akalain ni Maui na malalagay ang dalaga sa ganitong sitwasyon. Ang tangayin ng isang dragon ay hindi isang simpleng pangyayari lalo't hindi nila alam maging ng satyr kung anong dahilan ng dragon na iyon para tangayin si Meiji.
Dala na rin ng kuryosidad ay napagpasyahan nilang tunguhin ang kweba ng mga dragon ayon na rin sa rekomendasyon ng satyr. At doon, nakita naman nila kung gaano naging kalala ang nangyaring labanan sa pagitan ng mga centaurs at ng mga tulisan base na rin sa mga salaysay ng satyr. Hindi rin naman sila nagtagal doon at umalis na rin makalipas lang ang ilang minutong pagsisiyasat sa lugar.
Sandali pa'y muli na nilang tinahak ang kasukalan ng kagubatan. Walang imikang nagpadayon-dayon sila sa kakapalan ng mga halaman at puno hanggang sa sumapit sila sa medyo hawang parte ng kagubatan.
Nanatili silang tahimik ngunit sa kanilang kabiglaan isang humagibis na palaso na nagmula sa kung saan ang muntik na sanang tumama kay Kosuke! Mabuti na lamang at mabilis itong nakailag. Napagulat naman ang mga kasamahan ng Emperateur at wala sa oras na napahinto.
" M-master," ang hintakot na saad ni Kipper. Nginitian ito ni Kosuke at nagthumps up para sabihing okay lang siya.
Ngunit hindi pa man sila nakakabawi sa pagkagulat ay isa pang palaso ang bigla lang tumarak sa torso ng isang punong malapit naman kay Cainne! At sinundan pa 'yon ng ilan pa!
" Magsipagtago kayo!" ang mahina ngunit may diing sigaw ni Mogart na sinunod naman ng mga prinsipe. Nagsipagtago sila sa likod ng puno at nagsipagyuko.
Ilang palaso pa ang dumaan sa kanilang ulunan at hindi iyon natigil hanggang sa bigla na lamang tumayo ang satyr habang sumisigaw. " Sandali lang! Sandali lang! Ako ito!" hawak nito ang isa sa mga palaso na tumama malapit sa kinayuyukuan nito kanina.
" Hoy, satyr! Anong ginagawa mo?!? Yumuko ka!" tila walang narinig si Thuk sa pagsigaw ng mahina ni Maui. Patuloy lang itong nakatayo habang medyo tumatalon-talon pa at ikinakaway-kaway ang mga kamay na tila may kinukuha ang pansin.
" Baliw na yata ang isang 'ya-Huh!?!" isang palaso ang muntik na sanang tumarak sa dibdib satyr kung hindi lang ito napigilan ni Na'bbu. " Ano ba sa tingin mo ang ginagawa mo!?! Gusto na bang mamatay?!?" pagalit na ani ni Na'bbu. Pwersahan niyang pinaupo ang satyr pero kaagad din itong tumayo at mabilis na nagtatakbo patungo sa direksyong pinanggagalingan ng mga palaso habang patuloy ito sa pagsigaw.
" Awat! Awat! Ako ito! Ako ito! Si Thuk!" ang sigaw ng satyr. Tila ba hindi nito alintana ang pag-ulan ng mga palaso sa kanyang paligid maging ang pagtawag sa kanya ng mga kasamahang naiwan.
" Sira na ba ang ulo ng isang yan?" hindi napigilang komento ni Pierre. Hindi rin siya nakatiis at mabilis na inihagis ang isang bilog na bagay na kulay ginto. Nang inihagis niya ito'y nagkaroon agad 'yon ng maliliit na pakpak sa gilid at lumipad sa direksyon ni Thuk. Maya-maya pa'y sinasangga na nito ang mga palasong lumilipad sa direksyon ng satyr.
BINABASA MO ANG
Mischievous Witch
FantasyAin't it fun living in the real world. Kaya nang mapadpad ako sa MUNDO ni Meiji. Sinabi ko sa sarili ko, 'Ah, ito ang mundong gusto ko'. ISANG MUNDONG nasanay ng uminog sa mahika, spells, incantations, potions at iba pang magical things na wala sa...