Nagising siya sa isang kakatwang posisyon. Posisyon na animo'y isa siyang sanggol sa loob ng sinapupunan ng isang ina.
Nang magmulat ay kaagad na bumalandra sa kanyang noo ang linya ng pagtataka dahil sa kadilimang bumungad sa kanya. Sinubukan niyang kumilos ngunit
tila naging hadlang ang kung anong bagay na katabi niya. May kaunti namang liwanag na nagmumula sa kanyang ulunan ngunit hindi naging sapat iyon para makita kung anong bagay iyon.
Kaya naman hindi na siya nag-atubili at hinawakan na niya ito.
Medyo napagitla lang siya nang makaramdam ng kaunting init mula sa bagay. Gayunpaman ipinagpatuloy niya ang paghawak. Malaki ang bagay na 'yon na kapantay lang niya kapag ganitong nakaupo siya. Matigas ito at may magaspang na tekstura. Ngunit sa kabuuan, ang pabilog-haba nitong hugis ang nagbigay ng sapantaha kay Meiji kung anong bagay iyon na labis niyang pinagtaka.
Isa ba 'tong itlog? Tanong niya sa sarili.
Hindi niya ibinibitaw ang pagkakahawak sa bagay na iyon nang biglang itong gumalaw dahilan para magulat siya' t mabilis na iniangat ang kamay.
Sigurado akong isa nga itong itlog. Pangungumbinsi niya sa sarili. Nang tumigil sa paggalaw ang inaakala niyang itlog ay inilapat niya ang tainga sa surface nito. Mula roon ay nakarinig siya ng mumunting pintig.
Isang buhay ang naroroon,
pumipintig, gumagalaw, humihinga.
Kusa siyang napangiti dahil doon. Sa di mawaring dahilan ay nakaramdam siya ng saya at kapanatagan habang marahan niyang hinahaplos ang magaspang nitong surface at nanatili ang taingang nakalapat sa malaking bagay na iyon. Hindi rin niya napigilang mapapikit at namnamin ang tila musikang tunog ng pagpintig ng kung anong buhay mula sa loob ng bagay na iyon.
Naputol lang iyon ng makarinig siya ng isang pamilyar na tunog. Isang ingay na pamilyar na pamilyar sa kanya.
Nagtaka siya at hindi na nag-atubiling tumayo.
At ganoon na lamang ang gulat niya nang bumungad sa kanya ang isang di pangkaraniwang tanawin. Tanawing pinapaligiran ng mahalumigmig at puting-puting ulap!
Napamulagat siya't natigilan lalo pa nang tinangalain na niya ang gumagawa ng ingay na 'yon.
Hindi siya makapaniwala dahil ang Leviathan Dragon ang nakita niya!
Hindi na niya napigilang mapaawang ang bibig at pakiramdam niya'y saglit na huminto ang kanyang paghinga nang tapunan siya ng tingin ng dragon. Umangil pa ito matapos.
Sa sandaling bumaling na ulit ang tingin ng dragon sa harap ay saka pa lamang nagsulputan na parang kabute sa isipan ni Meiji ang mga nangyari. Ngunit sa puntong 'yon ay sa eksena lang kung saan niya pinuntirya si Phang ang huling naalala niya.
Ang kung paano siya naririto sa kinalalagyan niya ngayon ay isang malaking palaisipan sa kanya na labis na nagpapagulo sa isipan at lubos din niyang pinagtatakhan.
Lingid sa kaalaman ni Meiji, matapos niyang matamaan si Phang ay humina ang pagkakagapos ng Nexus Cobweb sa Leviathan Dragon. Dahil doon ay nagawa ng dragon na makawala at makaatake sa pamamagitan ng pagpapakawala ng iba't ibang klase ng elemento mula sa bibig nito dahilan naman para magsipag-atrasan ang mga kalabang tulisan. Umangil ito pagkatapos saka lumipad paitaas at nagbuga ng kakaibang usok. Ngunit ilang sandali lang ay buong gilalas nitong pinagaspas ang malalaking pakpak dahilan para mawala ang usok at sa kabiglaan ng lahat ng naroon sa cavern ng mga oras na iyon, hawak na ng matatalas nitong kuko ang walang malay na si Meiji.
BINABASA MO ANG
Mischievous Witch
FantasyAin't it fun living in the real world. Kaya nang mapadpad ako sa MUNDO ni Meiji. Sinabi ko sa sarili ko, 'Ah, ito ang mundong gusto ko'. ISANG MUNDONG nasanay ng uminog sa mahika, spells, incantations, potions at iba pang magical things na wala sa...