45: Insane

576 32 3
                                    

Wala sa loob na napatingala si Meiji sa nag-aagaw na kulay ng asul at kahel sa kalangitan. Dapit-hapon na ngunit naririto pa rin siya sa Equilestria.

Kanina pa siya nagdadalawang-isip kung aalis na ba siya o mananatili pa rin dito sa Equilestria para hanapin ang may kagagawan ng sumpa.

Ngunit tila ba suntok sa buwan ang paghahanap na iyon. Sa dami ba naman ng mga witch sa Earthicus, para s'yang naghanap ng isang butil ng asukal sa gabundok na buhangin.

Ganun iyon kaimposible.

Pero sa tuwing naiisip niya ang kalagayan ng mga batang babae sa Equilestria lalo na si Diana, nagkukuli na siya.

Dumagdag pa ang misteryosong pakiramdam niya. Ang pakiramdam at posibilidad na maaaring nasa paligid lang ang salarin na may gawa ng sumpa, nagmamatyag at pinapanood kung paano magdusa ang mga centaur sa kalunos-lunos at nakakamatay nitong sumpa.

Hindi naman malayong mangyari iyon.

Sa detective series kasi na Detective Masquerade kung saan main character ang role ng kanyang Uncle Brahm, madalas ganoon ang profile ng isang villain.

Yung bang tipong sinasadya talaga ng salarin na mapalapit sa biktima nito para mas makita  ang labis na pagdurusa ng kanyang biktima nang sa gayun magkaroon ang salarin ng satisfaction sa ginawa nitong krimen.

Pero gayunpaman, ang lahat ng iyon ay sinasabi lang ng kanyang instinct. Maaring tama siya. Maaaring ring hindi.

Ngunit sinong nakakaalam ng tunay?

Isang malalim na buntong-hininga ang ginawa niya saka muling ipinagpatuloy ang paglalakad sa kalawakan ng Equilestria. Paminsan-minsan ay humihinto siya para basahin ang mga nakahigroglipikong kasaysayan at pakikibaka ng mga centaur na nakaguhit sa mga gusaling kanyang nadaraan.

Sandali pa'y narating na niya ang nagsisilbing pinakasentro ng Equilestria.

Isang luma ngunit engrandeng fountain ang nasa gitna nito. May tubig sa fountain ngunit ito'y langib na ng mga lumot at damong ligaw na marahil hindi na nagagawa pang linisin ng mga centaur.

Nagpalinga-linga siya at naghahanap ng bagay na maaaring pumukaw ng kanyang interes ngunit tanging mga centaur at satyr lang na abala sa mga kani-kanilang mga gawain ang kanyang nakikita. At dahil sa kawalan ng magagawa ay wala sa loob na napaupo siya sa pasimano ng fountain at nakuntento na lamang sa panonood sa mga centaur at satyr na paroo't parito sa kanyang harapan.

Gaya ng inaasahan, wala siyang nakitang kadalagahan at tanging mga kalalakihang centaur lang ang kanyang nakikita. Kung may mga babae mang centuar ay pawang mga matatanda na ito pero mayroon ding mga babaeng satyr na napapadaan at ilang babaeng tao na may kilik-kilik na mga batang centaur.

Napailing lang siya sa mga nakita.

Isang pinaghalong pamayanan na bagama't tahimik ay nababalot naman sa isang malaking pagkakamali at suliranin.

Pagkakamali dahil sa pagsasama ng tao at centaur na maituturing na hindi ayon sa tamang pag-inog ng buhay. At suliranin dahil sa isang sumpa na ipinagkakamali nilang isa lamang misteryosong sakit.

Humugot siya ng malalim na hininga saka pinakawalan iyon na tila ba ang laki ng kanyang pinoproblema. Muli siyang napatingala sa langit na ngayo'y lamang na ang madilim na asul sa kulay kahel. Aninag na rin ang pagsulpot ng mga bituin sa kalawakan ng kalangitan.

Sinong mag-aakala na matutuklasan niya ang lugar na ito sa loob mismo ng Old Dragon? Na mapapad siya dito dahil lamang sa pagsunod sa isang matikas na centaur?

Nagbaba siya ng tingin, diretso sa pin na nakakabit sa kwelyo ng kanyang jacket. Ilang oras na lang ang nalalabi at mateteleport na siya sa academy ng wala pang dalang companion.

Mischievous WitchTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon