〖☆☆☆〗
Naalimpungatan si Meiji sa pagkakatulog. Naramdaman niyang parang may taong nakatitig sa kanya ngayon.
Madilim ang kanyang kwarto kaya wala siyang maaninag na kahit ano.
Napabalikwas siya ng bangon at nagulat sa kanyang nakita!
Isang matangkad na pigura ang nakatayo mula sa nakabukas na pinto ng kanyang kwarto!
Paano ito nakapasok ng ganoong kadali? Gayong hindi basta-basta nagpapasok ang kanyang door butler na si Dorothy?
"Meiji, bumangon ka dyan at sumunod sa akin." anang boses ng pigurang iyon. Naglakad na ito palabas ng pinto, sandali doong huminto nang makitang di pa rin kumikilos si Meiji.
"Miss Pullen, wag mo ng hintayin pang ako pa mismo ang magpabangon sa iyo." maotoridad na sabi ng pigurang nasa pinto.
At dahil sa liwanag na nagbubuhat sa pasilyo, bahagyang nasinagan ang pigura. Si Miss Minchan.
"Opo, babangon na po." tugon pa ni Meiji habang nagkukusot ng mata. Mabilis niyang sinulyapan ang kanyang bell clock.
Kakaalas-dose palang ng gabi...ano naman kayang trip ni Miss Minchan ngayon at nanggising ng dis-oras ng gabi? Hays.
Nag-unat-unat muna si Meiji habang naghihikab bago patalong bumaba ng kanyang kama.
Tinignan muna niya ang kanyang door butler. Nakayuko ang mukha nito na tila naghihingi ng tawad sa ginawa nitong pagpapasok kay Miss Minchan.
Kinurot lang ni Meiji ang matambok na pisngi ni Dorothy saka ito sumunod sa naghihintay na si Miss Minchan.
Di niya masisisi si Dorothy. Lahat naman takot kay Miss Minchan kahit pa ang pinakasigang door butler sa kastilyo.
"Sandali lang Miss Pullen." pigil ni Miss Minchan kay Meiji. Pinasadahan ng tingin nito ang damit na suot ni Meiji bilang pantulog.
Tulad ng nakasanayan, isang itim na oversized t-shirt na may nakaprint na pangalan ng isang sikat na rock band sa Earthicus at ang pangbaba naman ay isa ring itim na baggy pants ang suot niyang pantulog. Mabilis na rin niyang naipusod ang magulo niyang buhok. Kapansin-pansin naman ang suot niyang house slippers dahil kawangis iyon ng paa ng isang dragon bagaman gawa ito sa malambot na tela.
"Sapat na yan. Disente kahit paano." turan ni Miss Minchan saka ito muling naglakad.
Bigla namang bumukas ang pinto ng kwarto ni Everdeen.
Nilingon ito ni Miss Minchan.
Pumihit ito at mabilis na pinasadahan din ng tingin ni Miss Minchan ang suot na pantulog ni Everdeen.Nakasuot ito ng makapal na pink evening robe. Nakalugay naman ang curly ginger hair nito.
"Mas higit na disente kumpara sa kanina. Sumunod kayong dalawa sa akin." utos nito sa magkaibigan. Saka muling naglakad.
"Anong meron?" bulong ni Meiji kay Everdeen nang nagsimula na rin silang lumakad kasunod ni Miss Minchan.
"Hindi ko rin alam. Nagising na lang akong nakikipagtalo na si Miss Minchan kay Lola Conching. Biruin mo tanging si Miss Minchan lang ang di pinasok ni Lola Conching sa kwarto ko." bulong rin ni Everdeen.
BINABASA MO ANG
Mischievous Witch
FantasyAin't it fun living in the real world. Kaya nang mapadpad ako sa MUNDO ni Meiji. Sinabi ko sa sarili ko, 'Ah, ito ang mundong gusto ko'. ISANG MUNDONG nasanay ng uminog sa mahika, spells, incantations, potions at iba pang magical things na wala sa...