Computer games ang siyang naging mundo ko sa tuwing nakakaramdam ako ng pagod mula sa pag-aaral. Laman ako palagi ng computer shop sa amin pero hindi dahilan 'yon para pabayaan ko ang pag-aaral ko.
"Fumiko hinahanap ka na ng Mama mo." Rinig kong sigaw ni Kuya Brent, ang bantay sa computer shop kung saan ako naglalaro.
"Sabihin mo pauwi na ako." Ganting sigaw ko rito habang nakasampa ako sa upuan na plastic. Kasalukuyan kaming naglalaro ng dota kasama ang iba ko pang kaibigan nang bigla akong magulat nang may humila sa tenga ko.
"Anong pauwi na ha? Ikaw na bata ka kababae mong tao sa computer shop ka naglalagi. Hala, uwi!"
"Aray, Ma?" atungal ko habang bitbit ako ni Mama gamit ang aking tenga.
Lukot ang mukha ko habang papauwi kami at mukhang sermon na naman ang aabutin ko.
"Ikaw na bata ka, imbes na mag-aral ka puro computer ang inaatupag mo." sambit ni Mama pagkapasok nito sa bahay habang nakasunod ako sa kanya. Dumiretso si Mama sa kusina at nadatnan namin si Papa na naghihintay sa hapag. Tanghali na pala at hindi ko namalayan dahil babad ako sa computer shop mula pa kaninang alas otso ng umaga.
"Bakasyon naman Ma, at isa pa wala naman tayong pera para makapasok ako sa college, diba?" padabog na naupo ako sa silya at kumuha ng plato bago ako nagsalin ng kanin at ulam.
Nagsalubong ang kilay ni Mama at napatingin sa akin si Papa. "Anong walang pera ang pinagsasabi mo dyan? Mag-aaral ka sa kolehiyo kaya manatili ka rito sa bahay kaysa gugulin mo ang oras mo sa pagku-computer."
Narinig ko kaya sila no'ng isang gabi na wala silang pera para maitustos sa pang-aral ko sa college. At isa pa hindi rin kaya ng Kuya ko na pag-aralin ako dahil may sarili itong pamilya.
"Ma, ang lakas ng boses mo abot hanggang kanto." bumulaga si Kuya na kararating lang at may dala itong galon ng mineral water at mukhang kabibili niya lang.
"Ito kasing kapatid mo ang aga-aga nandoon sa computer shop ni Kumare, naku kung hindi lang ito babae baka sinapak ko na ito sa ulo."
I pouted my lips as I continued eating my lunch.
"Fumiko, ilang beses ka bang pagsasabihan na hindi magandang tignan sa babae ang tumambay sa computer shop kasama ang mga lalaki?" baling sa akin ni Kuya.
"Bilhan mo kasi ako ng computer at palagyan mo ng internet dito sa bahay."
Napabuntong-hininga si Kuya at inilapat ang kamay nito sa ibabaw ng ulo ko.
"Hindi lang computer at internet ang kailangan nating unahin, Fumiko. Manganganak na ang Ate Tina mo at kailangan kong paghandaan ang pang-bayad sa hospital."
Hindi na lang ako umimik at mabilis na tinapos ang pagkain ko.
"Tapos na po akong kumain. Pupunta na po ako sa kwarto ko." paalam ko sa kanila at saka ko sila iniwan sa kusina bago ako dumiretso papuntang hagdan. Nakasalubong ko pa si Ate Tina pero hindi ko siya pinansin.
Simple lang ang bahay namin, two-storey house na namana ni Mama sa kanyang mga magulang. House wife si Mama pero gumagawa siya ng kakanin para ibenta sa bangketa, si Papa naman ay traysikel driver at si Kuya ay isang empleyado sa munisipyo. Kahit may asawa na si Kuya, mas pinili niyang manatili sa bahay na pabor naman sa parents namin. Dalawa lang kaming magkapatid at malayo ang agwat ng edad namin sa isa't-isa.
May lahing japanese si Papa at ang angkan nito ay naninirahan sa Japan. Wala kaming ideya sa mga kamag-anak namin sa Japan dahil hindi naman nagkukwento si Papa tungkol dun.
Pagpasok ko sa kwarto ko, agad kong isinara ang pinto at pasalampak na humiga sa kama. Computer games na lang ang nagpapasaya sa akin kaso pinipigilan nila ako sa gusto kong gawin.

BINABASA MO ANG
Clever Game
Romance[BLOODFIST SERIES 7] Fumiko Yamamoto has always dreamed of becoming a professional gamer, a passion that consumes her every waking moment. Living in a vibrant neighborhood dotted with computer shops and arcades, she spends countless hours honing her...