SA KINAUUKULAN

85 3 0
                                    

Sa kinauukulan,

Nais ko sanang sa inyo ay ipabatid
Mga bagay na 'di niyo napapansin
Maaari po bang mata ninyo'y imulat
Nang makita ang katotohang nagtatago sa mapagbalatkayong lipunan

Matanong ko lamang po
Pandinig niyo po ba'y malabo
O sadyang bingi lamang kayo
Kaya panaghoy ng taong baya'y tila baliwala sa inyo

Pakiusap lamang po
Mata't tainga ninyo'y buksan
At sa taong bayan ay maging patas
Nang magkaroon ng katiwasayan

Sana lang ay naririnig ninyo
Mga impit na panangis ng mamamayan ng bansang ito
Puspos na pahirap ang dulot niyo
Imbis na pag-asa ang hatid niyo sa tao

Sana lang maging mulat kayo
Hindi 'yong mga kasama lang ninyo ang nakikita niyo
Nakalimutan niyo yata ang mga pangako ninyo
Napako nang lahat mga sinabi niyo

Naturingan pa man din kayong sandigan ng bayan
Ngunit naging anay kayo sa ating lipunan
Nagkaroon ng malubhang sakit ang bayan
Walang lunas na karamdaman ang dito ay tumama

Nabaliwala nang lahat ang paghihirap
Pag-aalay ng buhay sa bayang sinilangan
Upang maging malaya sa mga dayuhan
Nang yaring kasarinlan ay matamasa

Bakit humantong ang lahat sa ganto
Wala na ba talagang pag-asang magbago?
Sa putikan ba'y patuloy na malulugmok
Nilamon ng kumunoy, ng kasakiman ng tao

Paano na nga ang ating bayan
Tila ata kapalaran tayo'y pinagkaitan
Isinumpa at kumalat isang epidemya
Ang kanser ng lipunan ay lumalala na nga

Sana naman magising na kayo
Huwag sanang magtulugtulugan sa palasyo
Marangyang tahanang mula sa paghihirap ng tao
Salaping pinagpaguran, pero ninakaw lang ninyo

Darating pa kaya ang panahon
Na mababago ang ikot nitong mundo
Darating pa kaya ang mga katulad nila
Na labis ang pagmamahal sa bayang sinilangan

Bayan kaya natin ay sisikatan pa ng araw
Pag-asang magdudulot sa bawat isa ng galak
Bubuhay sa pag-asam na matagal nang namatay
Dahil sa kalbaryong kinauwian ng ating Inang Bayan

May isisilang pa kayang mga bayaning tulad nila
Na ang layunin ay iligtas itong ating bayan
Pangalagaan at protektahan mula sa mapang-alipusta
Mapagsamantalang linta ng lipunan

Oo't malaya na tayo kung titingnan
Ngunit bilanggo naman tayo ng ating kamangmangan
Kamangmangan dulot ng pagbubulagbulagan
At pagpapaalipin sa buktot na ideolohiya't paniniwala

COLLECTION OF POEMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon