Bakit Ako Nagsusulat ng Tula?

114 1 0
                                    

Bakit ako nagsusulat ng tula?
Bakit nga ba? Hindi ko rin alam.
Minsan, bigla ko na lamang itong nasusumpungan--
Ang malayang pagdaloy ng mga ideya sa aking kaibuturan
Mga salitang nagwawala, nagpupumiglas
Nagnanais na makawala sa hawla.
Bakit ako nagsusulat ng tula?
Minsan may tugma, madalas ay wala.
Minsan ay may sukat, madalas ay malaya
Pagkat ayokong kulungin sila basta sa hawla.
Bakit ako nagsusulat ng tula?
Hindi ko rin alam kung bakit nga ba,
Siguro kasi may mga bagay akong nais sabihin
Mga talinghagang ako mismo ay hindi kayang arukin
Pagkat ni minsan hindi ko akalaing ito'y sasagi sa isip.
Bakit ako nagsusulat ng tula?
Para ba laruin ang mga salita?
O para iparating ang mga bagay na hindi maisatinig sa kanila
Pagkat sa tuwing ninanais itong palayain,
Tila naman presong sa bibig ito'y napiit.
Bakit nga ba ako nagsusulat ng tula?
Kasi ang tula ay ako, at ako ang tula...
Dahil kaming dalawa ay iisa na pinagbibigkis ng mga salita.

COLLECTION OF POEMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon