Bakit ako nangingiti sa tuwing naaalala ko ang kahapong kay pait?
Ang larawan ng nakaraang peklat ang iniwan sa aking pagkatao--
Bakas ng sugat na tila kahit panahon ay 'di mapaghihilom nang lubos.
Bakit ako nangingiti sa pagsilip ng kahapong walang kasing sakit,
Sa alaala ng pagkabigo at pagkakalugmok--
Ang paulit-ulit na pagkagapi sa kabila ng pagbangon.
Bakit ako nangingiti sa pag-aalaala sa nakaraang tila isang bangungot--
Isang panaginip na hinihila ako sa dilim.
Bakit ako nangingiti habang naaalala ang nakalipas
Kasabay ng paglandas ng aking mga luha
Habang ibinubulong ang mga katagang--
Dito ako naging matapang, dito ako naging malakas
Ito ang dahilan ng aking pagbangon...
At ito ang dahilan sa likod ng tagumpay ko.