Pagtangis

69 2 0
                                    

Sa pagsuyo na lamang sa letra maipararating,
Mga tagong saloobin na tanging papel ang nakababatid;
Mga damdaming pilit na ikinukubli,
Mga katagang 'di masambit ng bibig.

Panaghoy, pagtangis, paghihirap,
Ligaya, tuwa at galak,
Lungkot, kasawian, pangungulila,
Mga piping damdaming pilit ikinukulong sa hawla.

Kailan ba lalaya, sa paghihirap ay makawawala,
Sa sakit na dulot ng mapaglarong tadhana?
Kailan ba matatapos ang lahat,
Mga paghihirap, walang patid na dusa?

Tali ng kasawian, kailan ba mapapatid?
Liwanag na dala ng pag-asa, kailan ba darating?
Sakit na dulot ng mga sugat, kailan ba gagaling?
Mawawala ba ang peklat na hatid ng dusa at pait?

Bahaghari kaya ay darating pa?
O sa pagkainip mauuwi ang lahat?
Lumbay at hapis nawa ay tangayin
Ng malakas na hangin sa himpapawid.

Mga piping panaghoy, kailan maririnig?
Pabulong na pagtangis, kailan masasambit?
Sugat na dulot ng kahapon, kailan gagaling?
Maghihilom pa ba ito o sugat ay lalong lalalim?


COLLECTION OF POEMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon