'Di na Tulad Nang Dati

69 3 0
                                    

'Di na tulad nang dati
Marami na ang nagbago sa atin
Wala na ang dating samahan
Tila ba nauwi sa pagkakailangan

Ano ba ang nangyari?
Sa ganito na lamang ba mauuwi ang lahat, bakit?
Ano ba ang mali? Saan ba nagkulang?
Bakit kailangang sa ganito humantong ang lahat?

Parang kailan lang, ang lahat sa atin ay ayos pa;
Mga ngiti sa labi ay hindi maipinta.
Ngunit ngayon, ningning sa mga mata'y wala na,
Tila ba maulap na kalangitan

Kung dati ay magkahawak kamay pa,
Ngayon ay sa panaginip na lang kita nakakasama.
Para kang tala sa kalangitan
Abot tanaw nga, ngunit 'di naman mahawakan

Sa paglipas ng panahon ay tila lumipas din ang lahat
Ang dating makulay, ngayo'y nawalan na ng sigla
Tila ba isang larawan na kumupas
Nawala ang kinang na dati nitong taglay.

Sa alaala na lamang bang babalikan ang lahat,
Na tanging kupas na larawan ang makaaalala?
Isang samahang akala natin ay walang katapusan,
Ngunit sa isang iglap biglang naglaho ang lahat.

Sadya bang hanggang doon na lamang bang talaga?
Hindi ba natin maaaring madugtungan pa?
O aasa na lamang ba ako sa wala?
Dahil ang noon ay 'di na mananatili kailan pa man.

Wala na nga ba talagang pag-asa pa,
Na ang dati ay maibalik pa?
Dahil ba sa ang noon ay hindi na bahagi ng ngayon
At kailanma'y 'di magiging bahagi nitong bukas?

Malaki nga talaga ang pinagkaiba ngayon,
'Di na tulad nang dati.
Malayo ka na ngang talaga sa akin.
At bahagi ka na lamang ng nakaraan ang nagdaang panahon

COLLECTION OF POEMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon