Sense-sorry

204 2 0
                                    

Mata,
Malinaw man itong paningin
Sa kasinungalinga'y nagpapabulag man din.

Dilat,
Nakikita man ang lahat,
Ngunit naging bulag naman sa katotohanan.

Mulat,
Madalas mang gising,
Ngunit sa panaginip ay nahihimbing.

Bulag,
Mga bagay ay 'di nakikita,
Sa kadilima'y nagpasakop nang bigla.

Bibig,
Malimit mang magsalita,
Pawang kasinungalingan naman ang lumalabas.

Labi,
Mamula-mula ang kulay,
'Sing pula ng sili, maanghang na salita ang lumalabas.

Dila,
'Sing talas ng punyal,
Katagang lumalabas, sa puso'y tatarak.

Ngipin,
Mag-ingat sa mga sasabihin,
Magugulat ka na lang, baka ika'y kagatin.

Pipi,
Sa pananahimik ikinubli,
Katotohanang minimithi.

Tainga,
Matalas man ang pandinig,
Ngunit naging sarado naman ang isip.

Bingi,
Naghuhumiyaw man ang katotohanan,
Tinig ay 'di pinakinggan, dito'y nagbingi-bingihan.

Ilong,
'Di nasusukat ang tayog sa kung ano ang anyo,
Kung sino pa'ng pango, iyon pa ang totoo.

Pang-amoy,
Samyo ma'y mabaho't nakasusulasok,
Baliwala na basta bahagi ka ng sistemang ito.

Kamay,
Abutin ang bagay na makakamit,
Dito'y h'wag bibitaw kahit na manggipit.

Daliri,
Patunay na walang pagkakapantay-pantay,
Mag-ingat, baka ka maturo't maging biktima pa.

Palad,
Sa pagbukas nito'y dagling dudulog
Sa mga taong sa kaniya'y makatutulong.

Bisig,
Sandiga't maaasahan,
Matapos suportahan, kayo'y iiwan.

Yapos,
Naghahatid man ng init,
Mag-ingat, baka ika'y biglang sakalin.

Manhid,
Wala ka ba talagang alam?
Baka naman, nagmamaang-maangan ka lang?

Paa,
Malayo na nga ang iyong narating,
Sa sobrang layo, 'di na naalalang bumalik.

Binti,
'Sing tibay ng puno,
Ginamit sa pagtakbo, sabay tago.

Tuhod,
Maglakad ka man na nakaluhod,
'Di na mababago mga kasalanan mo.

Lakad,
Maging mabagal man sa paghakbang,
Basta makarating lang sa paroroonan.

Takbo,
Madapa ka man sa una, bumangon ka,
'Di pa tapos ang karera para magpasadlak ka.

Habol,
Saan ka ba patungo?
Naligaw ka na kasusunod na parang aso.

Lipad,
Pangarap mo ba'y mataas,
Sa iyong pagkalula, bigla kang lumagapak.

Lumpo,
Bakit 'di magawang manindigan,
Ang katotohanan, bakit 'di magawang ipaglaban?

COLLECTION OF POEMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon