Salamat (A High Tech Greetings)

60 3 0
                                    

A Mother's Day Poem

Diskarte moves on how to greet your mother, para sa mga hindi showing anak.

Salamat (a high tech greetings)

Natanggap mo na ang mensahe ko Inay?
Isang simpleng salita, ngunit kay hirap bitawan
Tila ba may kung ano'ng sa lalamunan ay bumikig
Sa sandaling tinig ay sumilip sa bibig

Isang oras ang itinagal sa pagbuo ng mensaheng 'to
Ngunit sa huli isang salita lamang ang laman nito
"Salamat", hindi ko alam kung ano'ng nangyari
O dahil sa hindi ko alam ang dapat na sabihin

Ngayong araw mo, magtatago ako
Sigurado na akong mensahe ko'y natanggap mo
'Di ko kayang sa iyo ay tumingin
Baka 'di mapigilan ang pagdaloy ng luha sa aking pisngi

Pero alam mo Ina, salitang "Salamat" ay kulang pa
Kahit pa ata lagyan mo ito ng exponent ay 'di uubra
Dahil walang salita'ng mas hihigit pa
Upang matumbasan lahat ang iyong ginawa

Siya nga pala Ina, nag-online ka na ba?
Status ko ba'y nabasa mo na?
T-in-ag pa kita para masaya...
Gusto ko kasing ipaalam sa kanila..."Mahal kita"

Pasensiya na kung wala akong sapat na lakas ng loob
Na sabihin sa iyo ang nadarama ko
Ang taos pusong pagpapasalamat sa pagmamahal mo
Sa lahat ng bagay na ipinagkaloob mo

Pasensiya na Ina, kung sa text o fb ko pa pinaraan ang pagbati sa'yo
Wala, duwag kasi ako sa harapan mo
Dila'y umaatras pagkat ito'y nauumid
Kaya sa letra ipinarating at hindi sa tinig

Siya nga pala Ina, nakita mo na ba?
'Di ba ang cute no'ng heart, kiss emoticons
Tig isang dosena ang piniem ko
Wala lang, para intense kumbaga

Nakalimutan ko, naka-unli nga pala si ako
Pasensiya na kung ikaw ay natadtad ko
Isang daang mensahe ang sa iyo'y ipinadala
Lahat iyon ang laman ay "Salamat"

Salamat, simple man kung tutuusin
Pero isang milyong salita ang nais na iparating
Mensaheng pilit pinagkasiya
Ngunit sa huli'y itinago na lang sa "Salamat"

COLLECTION OF POEMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon