Pinagtitinginan ng mga pasahero ang isang binatang nakaupo sa gilid na ang pantalong suot ay nababasa ng mga patak ng luha. Walang pakialam si Errol na napapansin ng ibang pasahero ang kanyang pag-iyak. Wala siyang pakialam na nakatingin sa kanya ang mga tao. Wala siyang pakialam kung ano ang itsura niya habang umiiyak. Hindi niya kayang itago ang sakit na nararamdaman ngayon. Nangungulila siya sa kalinga ng isang kaibigan. Gusto niyang may makausap. Gusto niyang may mahingahan.
Bumaba siya malapit sa simbahan ng Quiapo. Pinagmasdan niya ang lumang simbahan at humanga sa arkitektura nito. Iilang beses pa lamang siyang nakapasok dito. Hindi yata lalagpas sa limang beses. Lagi niya itong nadadaanan kapag bumibisita siya sa bahay ng dati niyang matalik na kaibigan. Ngayon ay tila tinatawag siya ng simbahan upang sumamba, upang kausapin ang Diyos na sa tingin niya ay ang tanging nilalang na makikinig sa kanya.
Nang pumasok si Errol ay ramdam niya ang payapang atmospera sa loob ng simbahan at dinig niya ang misa ng pari. May mangilan-ngilang nasa loob at nagdadasal. Tahimik siyang naglakad sa gitna ng simbahan hanggang makarating sa gitna at umupo. Habang nagmimisa ang pari ay lumilipad ang kanyang isipan.
Naalala niya ang itsura ni Ivan kanina. Masaya siya kasama ang magandang babaeng iyon. Siya marahil ang dahilan kung bakit hindi na siya pinupuntahan ng dating kaibigan. Siya marahil ang dahilan kng bakit hindi na nagpaparamdam si Ivan sa kanya.
Nakangiti siya habang hinayaang pumatak ang luha mula sa mata nito. Kung masaya si Ivan ay dapat masaya na rin siya para dito. Iyon nga. Dapat maging masaya siya para sa kanya. Kahit papaano naman ay naging mabuti sa kanya ang binata. Ngunit hindi niya maikubli ang sakit. Kahit ilang beses niyang ipagsiksikan sa kanyang utak na wala siyang karapatang masaktan ay hindi pa rin niya mapigilan na maramdaman ang sakit na iyon.
Natapos ang misa at wala sa wisyong naglakad ang binata papalabas ng simbahan. Naisip niyang pumanhik sa Carriedo. Laging masikip at matao ang buong kalyeng ito. Maraming mga tiangge. Maraming mga nagtitinda ng kung anu-ano. Nasa kalagitnaan na ng masikip at mataong kalyeng iyon si Errol nang huminto siya sa tapat ng isang tindahan ng mga damit.
"Aling Sol!" Ngumiti siya sa isang may edad at matabang babae na nag-aayos ng kanyang mga paninda.
"Oy! Errol!" Binungad siya ng isang ale na abala sa pag-aayos ng mga nakasabit na damit. "Naparito ka?"
"Nangangamusta lang po."
"Ito tumataba. Si Erik ba hinahanap mo?"
"Ay, opo, siya po sana ang pakay ko."
"Hindi pumarito. Baka nasa bahay. Matagal ka nang hindi dumadalaw sa bahay." Ngumiti ito sa kanya. "Kamusta ka na?"
"Okay lang po." Yumuko si Errol habang nagsasabit si Aling Sol ng mga damit sa itaas. "Inaasikaso na po ba ni Erik ang pag-aabroad niya?"
"Ewan ko ba diyan sa batang 'yan. Urong-sulong." Tumawa nang payak si Aling Sol. "Pasensiya ka na ha. Medyo busy ngayon kasi Biyernes."
"Okay lang po." Tumabi si Errol dahil may pumasok na kostumer na inasikaso ni Aling Sol.
"Nako, anak. Pasensiya ka na hindi kita masyadong maaasikaso pag andito tayo sa tiangge."
"Okay lang po, Aling Sol. Baka nakakadistorbo po ako."
"Pasensiya ka na, iho. Puntahan mo na lang si Erik sa bahay." Ngumiti si Sol kay Errol.
"Sige po. Salamat!"
Nang makarating sa simpleng bahay ng kaibigan ay nadatnan niya ang kapatid nitong nanonood ng tv.
"Hi, Kuya Errol!" bati sa kanya ng dalagita.
"Hi, Rose! Andiyan ba si Kuya Erik mo."
"Ay, hindi ko po napansin kasi kararating ko lang. Pasukin niyo na lang po sa kwarto."
"Talaga? Baka tulog."
"Sige na po. 'Yon po ang kwarto niya." Tinuro ni Rose ang kwarto ng kanyang kuya.
"Okay, sige. Salamat." Tinungo ni Errol ang pintuan ni Erik at kumatok. Walang sumagot. Kaya naman ay pinihit niya ang doorknob nito. Pagkabukas niya ng pinto ay tumambad sa kanya ang madilim na kwartong walang tao. Hinanap niya ang switch ng ilaw at pinindot ito.
Makalat ang kwarto ni Erik na amoy tuyong pawis. Nagkalat ang iilang damit at mga lumang sapatos na kung saan saan nakalagay. Nasa isang mesa ang mga gamit niya sa pagtuturo. Sa gilid ng kama ay may mga dumbbells at mga plates na hindi nakakabit. Sa isang sulok ay nakita niya ang boxing gloves. Sa ibabaw ng aparador ay nakapatong ang iilang tropeyong galing sa napanalunan ni Erik sa mga patimpalak sa pagtakbo at karate. Medyo may alikabok ang mga ito.
Dumako ang tingin ni Errol sa itim na sinturon na nakasabit lang sa pako sa dingding. Hindi man lang pina-frame ni Erik ang black belt niya sa karate. Naalala niya kung gaano kasaya si Erik nang matanggap ang sinturong iyon. Inimbita niya si Errol noon na samahan siya sa maliit na handaan. Umuwi din si Errol noon pagkatapos kumain dahil alam niyang mag-iinuman sila ng barkada niya.
Ngayon lang siya nakapasok sa kwarto ng kaibigan. Habang ginagala niya ang tingin ay nakita niya ang makinis na bato na kulay pula sa kama ng binata. Bigla niyang naalala niya ang batong nasa bulsa ni Bryan kaninang tanghali. Maya-maya pa ay nakita niya ang isang garapong puno ng mga makukulay na bato. Malamang doon galing ang pulang bato. Kaya naman agad niya itong kinuha at hinulog sa garapon.
Dumako ang tingin niya sa isang litrato sa tabi ng garapon, isang litratong nagpangiti sa kanya. Hinawakan niya ito at tiningnan nang malapitan. Litrato nila ito ni Erik noong unang taon nila sa kolehiyo. Masaya sila tingnan sa larawang iyon. May mga alaalang bumalik, ngunit pinagkibit-balikat na lang niya ang mga ito.
Dahil wala si Erik ay lumabas na siya ng kwarto. "Rose, wala siya, eh. Sige alis na ako."
"Baka umalis lang, kuya. Hindi mo ba siya hihintayin?"
"Hindi na. Baka busy siya, maabala ko pa." Ngumiti si Errol kay Rose. Sa isip niya ay baka magkasama sila ni Shanice.
"Alam ba niya, kuya, na pupunta ka dito? Sandali itetext ko," saad ni Rose.
"Ay 'wag na! Aalis na rin ako. Salamat, Rose."
"Sige po, kuya. Ingat ka."
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...