Chapter 39

3.1K 144 19
                                    


Regalo na ni Errol sa darating na pasko ang mga librong pinamili. Mag-isa na lang ito sa silid na tinutuluyan dahil nga umalis na si Nathan. Minsan ay dinadalaw siya ni Jansen, isang kaibigan na unti-unti na ring napapalapit sa kanya. Minsan ay kinukulit siya nito kung pwede ba maging sila, ngunit gaya noong una ay humindi si Errol. Wala siyang nararamdaman sa lalaki, at ayaw niya itong paasahin, dahil alam niya ang pakiramdam ng umaasa. Kinlaro niya sa simula't simula na magkaibigan lang sila.

Tila nakasanayan na nga ni Errol ang buhay na mag-isa. Malayo sa pamilya at sa mga dating kaibigan. Hindi na rin sila madalas magtawagan ni Manny dahil sa naging abala na rin siya sa trabaho. Ngunit mawala man ang mga dating kaibigan ay mayroon namang mga bago. Kanina nga lang ay kasama niya ang una.

Nag-iisip si Errol kung ano ang gagawin kapag nga nagsara ang kompanya. Tiyak mahigit isang libong manggagawa ang mawawalan ng trabaho. Binalewala na lang ito ng binata. Hindi naman niya hawak ang kompanya. Isa lamang siyang hamak na empleyado.

Tumunog ang cellphone niya. "Kuya Bryan, napatawag ka?"

"Magkasama pa ba kayo ni Cindy?"

"Kaninang hapon pa kami naghiwalay, kuya, pagkatapos namin mananghalian. Bakit?"

"Hindi niya sinasagot ang mga tawag ko eh."

"Baka busy lang, kuya. Pinuntahan mo ba sa office niya sa Makati?"

"Hindi, kasi ang usapan namin dito kami magkikita sa Blackbird."

"Di ba sa Makati din yan? Puntahan mo kaya sa office nila, kuya. Baka kasi busy."

"Oo, sige. Salamat!"

Matapos ang halos dalawampung minuto ay tumawag ulit si Bryan.

"O, Kuya Bryan, nagkita na ba kayo?"

"Errol! May nabanggit ba si Cindy sa iyo na pupuntahan niya o dadaanan kanina?"

Nabahala si Errol dahil sa tono ni Bryan ay tila may hindi magandang nangyayari. "Wala, kuya. Bakit?"

"Nadatnan ko sa office nila si Marie na tuliro. Hawak niya ang basang bag ni Cindy."

Kinabahan na si Errol. "Ano! Nasa'n daw si Ate Cindy?"

"Hindi niya alam. Ang sabi niya may parang kaalitan daw ito sa restroom. Pero noong time na yun di daw nila mabuksan ang pinto. Nung mabuksan nila baha daw ng tubig ang banyo tapos walang tao maliban sa bag ni Cindy."

"Hala! Kuya, ano'ng nangyari?" Naalala ni Errol nang matagpuan nila ng lolo niya si Cindy sa isang bakanteng lugar. Naalala niya na ang babae ang may hawak sa hiyas ng tubig. Malamang siya ang may gawa ng baha sa palikurang iyon. Nabahala si Errol. Bakit ginamit ng ate Cindy niya ang kanyang kapangyarihan sa lugar na iyon? At sino ang kausap niya sa loob? Kinabahan si Errol.

"Hindi ko nga rin alam, kaya nga tinatanong kita. Sige tatawag na lang ulit ako."

Ibababa na sana ni Errol ang kanyang telepono nang may humila sa kamay niya. Nang lingunin niya ito ay ang lolo niya pala. "Lo, ba't naman kayo nanggugulat ng ganyan? Dapat nagtext ka man lang muna."

"Wala tayong panahon para mag-usap. May kailangan tayong puntahan."

Dinig ni Errol ang taranta sa boses ng lolo. "Lo, magbibihis muna ako."

"Wala ng panahon! Halika na!"

"Lo, naman!" Ngunit naglaho na si Errol at ang kanyang lolo sa silid.

Nang mawala ang mga umiikot na ilaw sa paningin ni Errol ay nakita nitong nasa maliit at madilim siyang bahay na naiilawan lamang ng isang lampara. Kumpara sa kubo ng lolo, di hamak na mas komportable ang bahay na ito, pero hindi singkomportable ng kanyang inuupahang silid.

Enchanted Series 2: Ang Supling ng LiwanagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon