Chapter 79

3.3K 137 21
                                    


Nakatayo si Errol sa pamilyar na lugar na iyon, dinadama ang maalat na hanging tumatama sa kanyang balat, tinatanaw ang lumulubog na araw. Limang buwan na rin ang nakalipas. Pinagluluksa niya pa ang pagpanaw ni Erik. Minsan ay napapanaginipan niya ang tagpong iyon, ang paghawak niya sa walang buhay na lalaking iyon na nagbigay ng kulay sa ilang yugto sa kanyang buhay, ang pagpanaw nito na nagdulot sa kanya ng pinakamalungkot na pasko.

Ilang araw siyang tuliro, hindi makausap, nagkukulong sa kwarto, umiiyak, humahagulgol, at natutulala pagkatapos ilibing ng kaibigan. Kahit pinagaling ni Diana ang kanyang mga bali at sugat ay hindi gumaling ang malalim na sugat sa puso niya. Nararamdaman niya ang kirot kahit ngayon.

Kahit nagyakapan sila nina Aling Sol noong araw na iyon na dinala nila sa huling hantungan si Erik ay hindi niya mapatawad ang kanyang sarili. Wala silang alam. Ang alam nila ay kasama si Erik sa mga nasawi noong kasagsagan ng pananalasa ng matinding unos at buhawi sa pook na iyon. Wala mang nakakaalam kung ano ang naganap noong malagim na araw na iyon maliban sa kanilang anim na naroroon, labis ang pagsisisi ni Errol. Wala rin namang maniniwala sa kanila kung sasabihin nila ang totoo.

Sa baliktanaw ay maaaring may nagawa siya. Subalit kahit anong pagdidilidili ang gawin niya ay hindi niya rin alam kung ano ba ang dapat niyang nagawa.

Mahigit isang linggo siyang nagkulong noon sa kwarto niya habang inaalo ng kanyang ina na walang ring ideya kung ano talaga ang naganap. Dinadalaw din siya noon ni Manny na pilit siyang pinapatawa. Maging si Jansen ay dumadalaw din at nagdadala ng mga libro para sa kaibigan, mga librong hindi niya nabuksan o natingnan man lamang ang pamagat.

Minsan ay dinalaw siya ni Shanice sa bahay nila at doo'y nagyakapan sila. Umiiyak noon ang dating nobya ni Erik at nagsisisi kung bakit hinayaan niyang manatili si Erik sa kanya gayong naramdaman niyang mahal ng noo'y nobyo niya ang kaibigan nito. Oo nga, ano? Siguro nabigyan ng pagkakataon sina Errol at Erik na ihayag ang kanilang damdamin sa isa't-isa.

Ngunit sa baliktanaw, mukhang ang mga nangyari ay bunga ng kanilang mga desisyon noon na bunga rin ng takbo ng kanilang pag-iisip noong mga panahong iyon. Madaling tingnan ang kamalian at ang maaaring nagawa kapag tinitingnan na lamang ang isang yugto sa baliktanaw.

"Things happen for a reason," saad ng lalaking katabi niya. Nakapamulsa ito. Malinis ang suot. Malinis ang ayos. Gaya niya ay nakatanaw din ito sa malayo.

"Kanina dinalaw ko si Tita sa mental asylum. Tulala lang siya. Minsan ngumingiti, minsan tumatawa. Hinahanap si Lolo Damian."

"Hindi na ba siya maghahasik ng lagim?"

"Hindi ko alam."

"I heard from Diana na silang dalawa na ni Cindy ang namamahala sa Hedgeworth Pharma."

Tumango si Errol na nakatuon pa rin ang atensiyon sa palubog na araw. "Masaya ako para kay ate." Natawa si Errol.

"Bakit ka natatawa?"

"Kasi hanggang ngayon hindi ko lubos maisip ang mga nangyari. Parang isang masamang biro. Kapag nakikita ko kayo iniisip ko kung okay na ba talaga kayo, kung naka-move on na ba talaga kayo."

"Alam ko nagi-guilty ka. Ako rin nagi-guilty."

"Ilang beses ko na sinabi sa iyo na hindi niyo naman kasalanan yun."

Napangisi si Ivan. "Tingin mo okay na talaga si Cindy?"

"Ilang araw din yun tulala si ate. Kahit dun sa burol ni Erik." Sa tuwing naaalala ni Errol si Erik ay hindi niya mapigilang makadama ng kirot sa dibdib. "Naipaliwanag ko naman din kay ate ang lahat, at sa tingin ko mukhang gusto niya na rin kalimutan ang bangungot na yun."

Enchanted Series 2: Ang Supling ng LiwanagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon