Takot na takot si Errol. Nanunuot sa kanyang mga buto ang panlulumo matapos masiglapan ang nakahandusay na katawan ng kanyang lolo. Alam niyang wala na itong buhay. Naaalala niya ang sinabi nito sa kanya. Siya ang tatapos sa labang ito.
Pero paano? Ang tanging nagagawa niya lang ngayon ay tumakbo kasama sina Ivan at Erik. Ang lalong kinakatakot niya ay kung madamay ang dalawa. Ngunit wala ng pagsidlan ang labis na pag-iisip. Inokupa na ng labis na pagkatuliro ang kanyang isipan.
Tanaw niya ang matulin na takbo ni Erik na nasa unahan malayo sa kanila ni Ivan na nakahawak sa kanya. Hindi pa sila nakakatakbo nang sampung minuto ay grabe na ang pagod na nararamdaman niya. Tila bibigay na ang kanyang mga kasukasuan. "Ivan!"
"Bakit?" Sandaling lumingon si Ivan sa kanya.
"Hindi ko na kayang tumakbo!" Napatigil siya. Humihigop ng malalim na hininga. Napahawak siya sa kanyang tuhod habang nakayukod. Ubos na ubos ang hangin sa kanyang baga. Para umiikot ang kanyang paningin sa labis na hapo.
"Okay ka lang?" Lumapit si Ivan at hinawakan siya sa magkabilang balikat. "Gusto mo buhatin kita?"
Umiling siya. "Sandali lang. Hahabulin ko lang ang paghinga ko." Ginala niya ang tingin. "Si Erik?"
Inikot ni Ivan ang tingin. "Nauna na yata. Loko yun ah."
Habang bumabagal ang paghinga ay bumalik ulit ang takot at pangamba ni Errol. "Ivan, natatakot ako."
"Wag ka mag-alala." Hinawakan siya ni Ivan sa pisngi. "Nandito lang ako. Di kita pababayaan."
"Ang lolo." Nakatitig siya sa mga mata ni Ivan na nakatitig din sa kanya. "Kung natalo siya ni Tita Cassandra, ano'ng laban natin?"
"Sssshhh." Niyakap ni Ivan ang tulirong binata.
Wala nang nagawa si Errol kundi tanggapin ang yakap na iyo. Kahit papaano ay gumaan nang kaunti ang kanyang pakiramdam. "Di ko mapapatawad ang sarili kung may mangyari sa inyo ni Erik."
"Wag mong isipin yan. Andito ako kasi nag-aalala ako sa'yo. Siguro si Erik ganun din."
"Ayoko sana madamay pa kayo dito."
"Damay na kami. Nasa amin yung mga elemento, di ba?"
Tumango siya habang nakasubsob ang mukha sa balikat ni Ivan. Ang kanyang mga kamay ay mahigpit na nakayakap dito.
"So damay na kami." Hinaplos ni Ivan ang batok ni Errol. "Matatapos din ito."
"Sorry talaga." Dama niya ang paghagod ni Ivan sa likuran niya.
"Sssshhh. Di mo 'to kasalanan."
"Pero nagiguilty pa rin ako." Napaangat siya ng tingin nang marinig ang mga kaluskos. Ramdam din niya ang pagtigil ni Ivan sa paghagod sa kanyang likod. Naestatwa ang dalawa nang ilang segundo. Maya't maya pa ay ginala nila ang mga tingin.
"Wag kang gagalaw."
Ramdam ni Errol na unti-unting niluwagan ni Ivan ang pagkakayakap sa kanya. Unti-unti rin siyang kumalas habang natatakot sa kasunod na mangyayari. Ginala niya ang tingin. Nababanaagan niya ang mga armadong lalaki sa paligid.
"Paano ko ba maactivate 'tong powers ko?" Tiningnan ni Ivan ang mga kamay.
"Hindi ko alam, Ivan. Pasensiya ka na." Hiyang hiya si Errol. Ngayon niya sana dapat kailangan ang kaalaman, ngunit, oo, nga pala, sa mahabang panahon ay nagduda siya. Hindi niya pinaniwalaan kaagad ang lolo niya. Ni hindi siya nakapagsanay. Siguro kung hindi niya pinagkibitbalikat ang lahat ay mas may magagawa siya ngayon. Ngunit huli na. Wala na ang kanyang lola at lolo. Ang masaklap ay wala siyang alam.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...