Chapter 49

3K 157 30
                                    


"Sorry, Jansen. Medyo busy kasi ako ngayon. Baka hindi kita maasikaso," saad ni Errol sa kausap sa cellphone.

Nauumay na si Errol sa ilang araw na pananatili sa silid na iyon. Lumalabas lang siya upang bumili ng pagkain, at kapag lumalabas ay palingon-lingon ito at nagmamadaling umuwi. Napapraning na siya. Nababaliw na rin siya sa kakaisip kung ano ang gagawin. Hindi siya makabalik ng bahay. Hindi siya makahanap ng ibang trabaho. Puro basa na lang siya ng mga libro.

May kaunting pera siyang naitabi na sa tingin niya ay hindi aabot ng dalawang buwan. Bakit ba kasi siya nasadlak sa ganitong sitwasyon? Hindi pa rin maarok ni Errol kung bakit at paano siya napunta sa ganito kabigat na pangyayari.

Simple lang naman ang buhay niya noon -- eskwelahan at bahay. Ngayon ay maraming tumatakbo sa kanyang isipan. Tila pasan niya ang daigdig. Ano ba itong naiatas na tungkulin sa kanya?

Dalawang beses nang bumibisita si Bryan sa kanya simula noong nawala si Cindy. Nakokonsensiya si Errol dahil hindi niya masabi dito na alam niya kung ano ang nangyari sa nobya nito.

Ayaw niyang malaman ni Bryan dahil ayaw niyang madamay siya sa masalimuot na kababalaghang nagaganap sa buhay nila. Tinanong siya nito noong huling dalaw niya dalawang araw na ang nakakaraan kung bakit hindi siya pumasok sa trabaho. Nagdahilan siya na hindi maganda ang kanyang pakiramdam.

Nasa ganoong malalim na pag-iisip siya nang tumunog ulit ang kanyang telepono.

"Sir Manny! Kamusta na?" masiglang bati ni Errol.

"Teh... Ah... Uhmm..."

"Ano? May problema ka ba?"

"Ah... Kasi may kasalanan ako sa'yo?"

"Ha?"

Ngunit naputol ang tawag. Nagtaka naman si Errol. Anong kasalanan? Tumunog muli ang cellphone ni Errol. Hindi pamilyar ang numero. Kaya naman nabahala siya. Sumilip siya sa labas ng bintana ng kanyang silid. May mga nakikita siyang dumadaan sa kalye, pero wala naman siyang namataang nagmamanman.

Tumigil ang pagring ng kanyang telepono. Ilang sandali pa ay nagring muli ito. Kinabahan siya. Ngunit naisip din niyang baka importante ang tawag. Baka si Manny ulit. Nagtatalo ang kanyang isipan. Sasagutin niya ba ang tawag o hindi? "Sino 'to?"

"Errol, sa wakas."

"Erik?"

"Errol, miss na miss na kita."

"Ah, Erik, ba't ka napatawag?"

"Andito ako sa Taguig. Dito sa Heritage Park."

"Bakit ka nandito?"

"Rol, magkita naman tayo."

"Busy kasi ako, Erik. Hindi ako pwede lumabas."

"Rol, gusto kita makausap."

"Hindi talaga pwede eh."

"Nasa'n ka ba? Pupuntahan na lang kita."

"Hindi pwede."

"Bakit, Rol?"

"Basta! Sige, Erik. May gagawin pa kasi ako."

"Rol, ikaw lang pinunta ko dito. Kausapin mo naman ako."

"Bakit ba, Erik? Ang kulit mo naman eh. Sinabi ko na nga na abala ako."

"Bestpren naman."

"Bestpren?" Hindi malaman ni Errol kung bakit biglang bumilis ang kanyang paghinga at umanghang ang kanyang mga mata. "Bestpren? Nasa'n ka ba nung mga panahong kailangan kita?"

Enchanted Series 2: Ang Supling ng LiwanagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon