Nakita ni Ivan ang madungis na mukha ng matanda. Tumingala ito sa kanila. Agad na tinulungan ni Ivan na makatayo ito. "May sugat kayo?" Ngunit nanlalaki ang mata nitong nakatingin sa kanilang tatlo.
"B-Bakit kayo nandito?"
"Ililigtas ka namin, lo!" bulalas ni Errol.
"Hindi! Bakit?" Bakas sa mga mata ng matanda ang labis na pangamba.
"Ano'ng bakit, lo?"
"Bakit kayo pumunta rito?"
"Lo, nakakita ako ng premonisyon kanina na pinapatay ka ni Cassandra." Mabilis na pagkakasabi ni Errol. "Lo, halika na. Umalis na tayo dito."
Umiling si Melchor. Nagmadali itong humakbang papunta kay Errol kahit paika-ika pa ito. Hinawakan niya ang apo sa balikat. "Hindi ako ang totoo niyang pakay. Ikaw!"
"Ho?" Dilat ang mga mata ni Errol.
"Hinahanap ka niya!" Taimtim ang titig na iyon ng matanda sa kanyang apo.
"Kung ako ang hinahanap niya, bakit siya nandito?" Nakatitig lang din si Errol sa lolo, mga titig na nagpapahiwatig ng takot.
"Kasi gusto niyang ituro ko ang kinaroroonan mo."
Habang nagsasalita ang matanda ay tumitindi ang kabang nararamdaman ni Ivan.
"Marami siyang alagad. Tama ang hinala natin. Naghanda siya ng hukbo." Tinaas ni Melchor ang laylayan ng kanyang suot. Tumambad ang sugatang paa. "Muntik na ako, pero natakasan ko sila."
Nakakunot-noo si Errol na tiningnan ang sugat ng kanyang lolo. Hindi man niya aminin ay kita sa ekspresyon ng kanyang mukha ang pag-aalala. "Kung ganon, lo, tara na!"
Umiling si Melchor. "Iwanan niyo na ako dito. Kaya ko ang sarili ko." Namamaos ang mahinang boses ng matanda.
"Hindi, lo," naiiyak na saad ni Errol. "Mahina ka na. May sugat ka pa."
Biglang humarap kay Ivan ang matanda at pagkatapos ay nilingon si Erik. "Kayong dalawa, alam kong nasa inyo ang dalawang hiyas. Kapag nalaman ni Cassandra ito ay tutugisin niya rin kayo. Sa ngayon ang alam niya ay si Errol ang may hawak sa isa sa mga hiyas." Umubo si Melchor.
"Lo, sumama na kayo."
Umiling si Melchor at inalis ang kamay ni Errol sa balikat niya. "Itakas niyo na si Errol dito."
Naguguluhan si Ivan. Sino ba ang susundin niya, si Errol o ang lolo niya? Pero tama ang lolo niya. Nanganganib din si Errol at wala itong panlaban sa mga tumutugis sa kanila. "Tama ang lolo mo. Kailangan na natin umalis dito."
"Hindi." Umiiling si Errol. Nangingilid ang luha sa kanyang mga mata. "Hindi natin iiwan si lolo dito."
"Rol, may punto ang lolo mo."
"Hindi! Lo, halika ka na." Hinila ni Errol si Melchor, ngunit kumalas ang huli.
"Apo, wag na matigas ang ulo."
Nakita ni Ivan na tinitigan siya ng lolo ng kaibigan. Lumapit ito sa kanya.
"Ikaw ang binatang iniibig ng apo ko."
Tumango si Ivan, hindi alam kung ano ang mamumutawi sa bibig niya.
"Maaaring hindi ganoon ang nararamdaman mo sa kanya --"
"Mahal ko ang apo ninyo."
"Kung ganoon ay ipangako mo sa akin na proprotektahan mo siya."
Wala ng naisagot si Ivan. Bago pa man siya makatango ay tinulak na siya ng matanda.
"Sige na!"Ginala ni Melchor ang tingin sa paligid. "Nararamdaman ko na siya."
Magkahalong saya at pangamba ang nararamdaman ni Ivan. Tila may basbas na siya mula sa lolo ni Errol. Napatingin siya kay Erik na seryoso at malungkot ang mukha. Hinawakan na lang niya si Errol. "Umalis na tayo." Ngunit nagpupumiglas pa rin si Errol. Maya-maya pa ay narinig nila ang isang pinong halakhak na tila nanggagaling sa lahat ng sulok ng gubat.
"Tumakbo na kayo!" sigaw ni Melchor.
Kinilabutan na si Ivan. Hindi na pangkaraniwan ito, gaya ng mga kakayahan nila. Nagpupumiglas pa rin si Errol. Kaya naisip ni Ivan na -- "Erik, hawakan mo nga ito!" At yun nga ang ginawa nila, hinawakan nila ang binata sa magkabilang braso at pilit na naglakad papalayo sa matanda habang ang hinahawakang binata ay nagmamatigas.
"Ivan, Erik, bitiwan ninyo ako. Kung gusto niyo, kayo na lang ang umalis."
"Rol, wag matigas ang ulo."
Halos sampung metro pa lang ang nalalakad nila mula kay Melchor nang lumakas ang halakhak ng babae. Narinig pa ni Ivan ang sigaw ng matanda.
"Takbo na!"
Dinig ni Ivan na kahit namamaos ang boses ng matanda ay pilit niya itong nilakasan. Nang nilingon niya ito laking hilakbot niya nang makitang nasa likod nito ang maitim na usok na tila tumipon at kumapal. Maya-maya pa ay may imahe ng babaeng nakasutana ng itim ang lumitaw sa gitna ng mga usok na dahan-dahang nalusaw.
Mas nagpumiglas pa si Errol. "Lo!"
Nasasaktan si Ivan kapag hinihila ni Errol ang bisig niyang kanina ay nilapnos ni Erik.
"Bitiwan niyo ako! Kailangan ako ng lolo ko!"
Narinig muli ni Ivan ang halakhak ng babae.
"Wag mong sasaktan ang lolo ko!"
Lumingon sa kanila si Melchor. "Tumakas na kayo! Apo, mahal kita. Takbo na!"
Nakita ni Ivan na hinarap na ni Melchor ang babaeng lumitaw sa itim na usok. "Erik!" Nakita niyang tumango ito. Hindi na sila nagpapigil pa kay Errol at pinagtulungang buhatin ito papalayo sa lugar na iyon. Mabilis ang kanilang mga hakbang. Kung hindi lang nagpupumiglas ang isang binata ay malamang nakalayo-layo na sila. Natatakot si Ivan para sa kaibigan at maging sa lolo nito. Kahit sa malayo ay naririnig niya ang mga halakhak ng babae. Nang lingunin niya si Errol ay nakita niyang umiiyak ito, ngunit tila ay nawalan na ito ng lakas at tumigil na sa pagpupumiglas.
Nasa masukal na parte pa rin sila ng kagubatan. Nagtataasan ang mga puno. Mas dumidilim na ang kapaligiran. "Bilisan natin bago tayo abutan ng dilim dito." Dinig din ni Ivan ang mabilis na paghinga ni Erik. Pawisan na rin ito. Si Errol ay mugto ang mga mata at tulala. Maya-maya pa ay tumigas ang katawan nito.
"Errol?" Ginalaw ni Erik ang pisngi ng kaibigan.
Ilang sandali ay bumalik sa wisyo si Errol at sumigaw. "Lo!" Kasabay nito ay ang panandaliang pagliwanag ng isang parte ng gubat, iniliwan ng liwanag na ito ang mga sanga at dahon sa itaas ng mga nagtataasang puno sa bahaging iyon na hindi malayo sa kanilang tatlo. Humagulgol si Errol.
Sinakluban ng takot si Ivan. Mukhang alam na niya ang ibig sabihin ng hagulgol na iyon. Mas binilisan pa nila ang mga hakbang. "Errol, andito kami! Wag ka mag-alala." Nakita niyang bahagya itong nahimasmasan at tumango sa kanila ni Erik. Narinig na naman ni Ivan ang mga kaluskos.
"Bilis na! Takbo na!" bulalas ni Erik.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...