Lumapit si Erik kay Errol. Blangko na ang mukha nito, hawak hawak ang punyal. Si Errol naman ay nakatukod ang mga siko sa basang semento, nakatingin sa kaibigang napasailalim na sa itim na pwersa. Ngumiti siya sa kaibigan. "Erik, ipangako mo sa akin na mabubuhay ka, na mabubuhay kayo." Tumulo ang luha ni Errol kahit nakangiti siya. Batid niyang hindi na siya naririnig ng kausap. "Alam ko, hindi mo ito kagustuhan. Pinapatawad kita."
Hinawakan ni Erik si Errol sa braso at tinihaya ang katawan nito. Tinutok na ni Erik ang punyal. Nanginginig ang mga kamay nito. Kumunot ang kanyang noo. Kinagat niya ang mga ngipin, kita ang tensiyon sa kanyang mga panga.
Tinaas ni Errol ang kamay upang hawakan ang pisngi ng kaibigan. Nagsimulang dumaloy ang luha sa kanyang mga mata habang pinipisil ang pisngi ng noo'y wala na sa sariling si Erik. "Patawarin mo ako kung wala akong nagawa." Tumango na si Errol, tanda na handa na siya. Binagsak na niya ang kamay na kanina ay nakahawak sa pisngi ng matalik na kaibigan. Hindi niya namalayan ang sandaling pagliwanag ng dibdib.
Habang nakatingin sa nakangiwing mukha ni Erik at sa mga mata niyang tila nagtatalo ang puti at itim ay inalala niya ang masasaya nilang tagpo -- ang pagkain nila ng fishballs na magkasama, ang mga kwentuhan nila tungkol sa kanilang mga plano noon sa buhay, ang mga panahong lagi silang magkasama kahit minsa'y tinutukso ng mga kaklase at kakilala. Dito ba hahantong ang lahat? Dumaloy ang luha mula sa mata ni Errol. Ngunit batid niyang gaya ni Ivan ay wala na sa tamang pag-iisip si Erik. Pinisil ni Errol ang basa at malamig na semento. Kinakabahan siya. Anumang segundo ay mararamdaman na niya kung ano ang pakiramdam ng kamatayan.
Hinawakan ni Erik sa dalawang kamay ang punyal. Maya-maya pa ay dumaing ito. Ang walang ekspresyong mukha ay napalitan ng mukhang nagpahiwatig ng sakit. Dahan-dahang bumababa ang mga bisig ni Erik, ngunit nanginginig ang mga ito. Ilang sandali pa ay sumigaw si Erik. Walang anu-ano'y binaba niya ang punyal at tinama ito sa sariling sikmura.
Laking gulat ni Errol. "Erik?" Nakita niyang napangiwi ang kaibigan sa sakit. Sinakluban ng pagkagulantang at takot si Errol habang nakikita niya ang pagbagsak ni Erik sa tabi niya.
Natulala si Errol.
Sa isang iglap ay tila naparalisa ang buo niyang katawan.
Nakadilat siya sa binatang bumagsak sa sementong pinapaliguan ng humihinang buhos ng ulan.
Tila nabigla si Erik sa nagawa habang nakatanaw ito sa kawalan. Maya-maya pa ay dahan-dahan itong lumingon kay Errol. Sumingaw ang itim na enerhiya mula sa katawan nito.
Gumapang si Errol palapit sa kanya. "Erik, bakit?" may impit na tanong ng napaiyak na si Errol habang nakita niyang dahan-dahang inalis ni Erik ang punyal mula sa sikmura.
Ngumiwi si Erik habang mahigpit na hinawakan ang punyal na unti-unting natunaw sa kanyang nagbabagang kamay. Pagkatapos ay hinawakan niya ang buhok ni Errol at nilapit ang mukha nito sa kanya. Niyakap niya ito. Ramdam ni Errol ang hirap ni Erik sa paghinga. Tiningnan niya ito. Lumuluha si Erik na nakatingin din sa kanya.
"Bakit?" Nakahawak si Errol sa mga balikat ni Erik. Inulit pa niya ang tanong, ngunit sa pagkakataong ito may halong galit. "Bakit!" Ngunit ginulat siya ng sagot ng binatang nakahandusay.
"Hindi ... ko kaya." Umagos ang luha ni Erik. "Hindi ... ko na kayang ... saktan ka pa."
Lalong tumindi ang sakit sa dibdib na naramdaman ni Errol. Nagagalit ito kay Erik, pero mas nagagalit siya sa sarili. Ang kanyang hagulgol ay may halong gigil. Kung pwede lamang maibalik ang iilang minutong lumipas. "Erik," saad niya sa nababasag niyang boses habang tinitingnan ang kabuuan ng mukha ng ngumingiting kaibigan, "hindi mo ito dapat ginawa. Ako ang dapat umako ng saksak na ito." Pinatong ni Errol ang palad sa duguang tiyan ni Erik. Dama niya ang init ng dugong lumalabas sa sugat na iyon.
"Sinasabi ng ... utak ko na ... kailangan kitang saksakin. Pero ... hindi pumayag ito." Hinawakan ni Erik ang kanyang dibdib.
Nagpaulit-ulit sa diwa ni Errol ang narinig. Sandali niyang naalala ang binanggit noon ng kanyang lolo. Ngunit hindi niya maikubli ang hindi maipaliwanag na sakit sa pinupunit niyang dibdib. Ni hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Naramdaman niya lang na hinalikan siya nito sa pisngi.
"Lumaban ka." Pinisil ni Erik ang ulo ni Errol.
"Paano?" Pumipiyok ang boses ni Errol. "Hindi na ako makatayo."
"Naniniwala ako na binigay sa iyo ang tungkulin na 'yan dahil..." Umubo si Erik. "Dahil kaya mo." Umubo si Erik ng dugo.
"Erik!" Humagulgol si Errol habang tinitingnan ang mukha ni Erik. Nahihirapan na itong huminga.
Walang anu-ano'y gumalaw ang lupa.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...