Sa pagdaan ng mga araw ay naging matamlay si Errol. Maraming mga bagay ang bumabagabag sa kanya, gaya ng mga sinabi ng kanyang lolo, ngunit ang higit na nagpabagabag sa kanya ay ang masakit na pagtrato sa kanya ni Ivan. Isang linggo na ang lumipas matapos ang insidenteng iyon sa pagitan nila. Hindi niya lubos maisip na ganoon lang pala kababa ang pagtingin ng binatang lihim niyang iniibig. Pilit nagpapakatatag si Errol.
Nang matapos ang isang ordinaryong linggo sa laboratoryo ay naisipan niyang umuwi sa kanila dahil nabuburyong siya sa pananatili sa kwarto kasama si Nathan na minsan ay hindi niya maintindihan ang timpla.
Natigilan siya nang madatnang bakante ang lote. Palingun-lingon siya habang nagkakamot ng ulo. "Ano na namang pangitain ba 'to?" bulong niya sa sarili nang biglang may kumalabit sa kanya.
"Anak, ba't di ka man lang nagtext na uuwi ka pala?"
Gulat si Errol nang makita bigla ang ina na bitbit ang mga pinamalengke.
"Ah, kasi..." Mas nagulat siya nang makita ulit ang bahay nang lingunin niya ito. "Ah, eh..."
"Ay, nako, pasok na at matutuwa ang tatay mo na umuwi ka."
"Oo nga po eh." Napakamot na lang si Errol.
Sa kanilang bahay sa Sampaloc ay naging abala siya sa pagbabasa, ngunit natapos niya ulit ang isang aklat at napansin niyang wala na naman siyang bagong librong mababasa. Kaya naman umalis siyang muli at pumunta sa mga bilihan ng libro.
Nang makabili ng mga libro ay umupo si Errol sa isang silya at doo'y naglaho ang kapaligiran nang buklatin niya ang unang librong babasahin. Iilang kabanata rin ang natapos niya matapos ang isang oras. Nasa kalagitnaan siya ng pagbabasa nang marinig ang pagsalita ng nasa tabi niya.
"Favorite mo ba si Dean Koontz?"
Napalingon siya sa gulat. Hindi niya namalayang may tumabi pala sa kanya dahil sa nakatuon ang buong atensiyon niya sa binabasa. "Ah, eh, medyo," saad niya na medyo nailang sa lalaking tila ay kaedad niya lang. Nakasalamin ito na may makapal na frames. Malinis ang kanyang buhok na mas mataas ng konti sa skinhead ang gupit. Nakajacket ito ng itim, puting t-shirt, maong na pantalon na semifit, at sneakers. Ngumiti ito sa kanya.
"Mahilig din kasi ako magbasa ng novels," saad ng nakasalamin.
"Ah, eh, pastime ko lang."
"Kaninong novels usually binabasa mo?"
"Wala kasi akong specific na authors. Pero genre ko ang horror, thriller, at supernatural. Mga ganoong kwento gusto ko."
"Ah, pareho pala tayo. Romance ayaw mo?"
"Hindi ko trip," saad ni Errol. "Maiinggit lang ako, eh."
Natawa naman ang kausap. "Hindi ko rin trip ang romance. Ano pinakafavorite mong horror novel so far?"
"Hmmm. Teka, marami kasi. Hmmm. Siguro The Exorcist ni William Blatty." Natawa si Errol. "Lumang luma."
"I love that book."
"Talaga?"
"Mas nakakatakot siya kesa sa movie."
"Oo nga. Mas masarap siya basahin sa gabi kasi mas nararamdaman mo ang thrill at chill. Ikaw ano favorite book mo so far?"
"Maka Stephen King ako. Any Stephen King novel siguro. Pero siyempre hindi ko pa nabasa lahat ng novels niya."
"I love Stephen King."
"Nabasa mo 'yung Desperation?"
"Ang weird nun."
"Weird naman talaga halos lahat yata ng gawa niya, at ang weirdness na 'yon ang nagpapaganda sa novels niya."
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...